NORDIS WEEKLY
April 30, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

2 lider magsasaka ng Isabela tinangkang dukutin, patayin

BAGUIO CITY (Apr. 28) — Dalawang lider ng Danggayan-Cagayan Valley, isang panrehiyong organisasyon ng mga magsasaka, ang pinagtangkaang dukutin at patayin ng mga hinihinalang “gunmen” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Abril 26 sa harap ng kanilang opisina sa Dagupan, San Mateo, Isabela.

Ayon sa ulat ng Karapatan-Cagayan Valley, bandang 3:15 ng hapon, habang nag-aabang ng masasakyan sina Danggayan-CV Spokesperson Gavino Abrojena at Deputy Secretary General Edgar “Jong” Bautista huminto sa harap nila ang asul na van na may sakay na puro kalalakihan. Walang karatula ang van pero nagtatawag ng pasahero ang isa sa mga lalaking nakasakay, ayon sa Karapatan. Hindi sumakay ang dalawa dahil kahina-hinala umano ang itsura ng mga nasa loob.

Limang minuto matapos umalis ang nasabing van, biglang may humarurot na motorsiklo lulan ang dalawang lalake. Sila ay tumapat sa kinatatayuan ng mga lider at biglang tinutukan ng lalaking nasa likod ng driver si Bautista ng .45 caliber na may silencer subalit hindi ito pumutok. Agad nagsisigaw na tumakbo ang dalawa upang makakuha ng atensyon sa paligid, dagdag ng Karapatan.

Sinalubong si Bautista ng tatlong lalaking galing sa malapit na restawran at hinawakan siya sa leeg at braso, ayon sa Karapatan, at tinanong umano siya kung bakit siya tumatakbo na pasigaw niyang sinagot “papatayin kami, bitiwan n’yo ako, papatayin kami!”

Dahil sa lakas ng sigaw ng mga biktima, lumabas ang mga tao sa paligid, na nagtulak sa mabilis na pagtalilis ng mga lalake.

Patungo ang dalawang lider sa baryo upang makipagkaisa sa mga magbubukid na suportahan ang kilos protestang pangungunahan ng Bagong Alyansang Makabayan-Cagayan Valley sa Mayo 1, pangwakas ng karapatan, na isang organisasyon na nangangampanya sa pagrespeto ng karapatang pantao. # via NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next