NORDIS WEEKLY
April 23, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Baguntao

Ni ANGELICA CAMPO

May gatas pa sa labi si Nene
nang sumama siya
sa mga rali.
May gatas pang sa labi’y
sumigaw sa kahabaan ng lansangan
nagalit sa inuwing bangkay
ng nangatulong sa Hongkong
sa dalagang pinagpasasaan ng mga
Kanong lango sa alak
ilang hakbang mula sa base-militar sa Olongapo
sa kapatid na tapos ng kurso
subalit walang mahanap na trabaho
sa pamasaheng walang pakundangang
inaasinta ang nakasulsi nang halos
na mga bulsa
sa ina’t ama niyang ang mga mata’y
lumalalim pa...
lumalalim pa.

Naglagi siya sa lansangan
tulad ng iba,
pagka’t kinupkop rin ng pangamba
ipinaghele ng kalam ng sikmura
namuhunan ng salita
naghaligi ng sarili
bantayog ng barikada.

At bukas pupunasan na niya
ang panis na alaala ng gatas
sa kanyang kaluluwa. #

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next