|
NORDIS
WEEKLY October 16, 2005 |
|
Previous | Next |
||
PNOC-EC kinondena sa public hearing |
||
REINA MERCEDEZ, Isabela (Okt. 12) — Naganap ang isang public hearing noong ika-30 ng Setyembre, sa Judge Manuel T. Respicio Coliseum dito, sa pagitan ng mga istap ng Philippine National Oil Company and Energy Corporation (PNOC-EC) at mga mamamayan ng ilang bayan ng Isabela. Ang nabanggit na public hearing ay bahagi ng Environmental Impact Assessment (EIA). Ito ay ayon sa prosesong nakasaad sa Presidential Decree (PD) 1586- Environment Impact Statement System (EIS) upang ihapag ang resulta ng Environmental Impact Statement (EIS) sa nakaambang proyekto ng nasabing kumpanya sa Isabela na Coal-Mine Mouth Power Plant. Ito rin ay alinsunod sa alituntuning kailangan nilang makuha ang Environmental Compliance Certificate (ECC) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatakda sa Disyembre 2005. Taong 1996 nang unang tutulan ng mga magsasaka ng Isabela ang proyektong ito. Kasama ang dating Gobernador na si Faustino Dy, Jr. sa mga nag-endorso sa minahang proyekto ng PNOC-EC. Katulong rin ang ilang opisyal ng mga barangay, Philippine National Police (PNP), at ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Dinaluhan ng humigit-kumulang na isang libong katao ang public hearing. Mula sa iba’t-ibang sektor na anti-coal mining - LGUs, NGOs, iba’t ibang organisasyon ng kabataan, kababaihan at simbahan ang bumuo sa 95% ng mga nakisali rito. Karamihan ay nanggaling sa mga apektadong lugar na pinangungunahan ng mga lider-magsasaka at ng DANGGAYAN-Cagayan Valley. Ayon sa isang miyembro ng DANGGAYAN-CV, ayaw payagan diumano ng PNOC-EC ang mga tao na magsalita o magtanong sa open forum ng hearing. Sinabi umano ng PNOC-EC na alinsunod lamang ito sa house rule na isulat na lang ang kanilang mga tanong at isa-isa nilang sasagutin. Subalit ito ay kinondena ng mga dumalo, sa pangunguna ni Fr. Angel Luga. Muli, ayon sa mga dumalo sa hearing, panlilinlang lamang diumano ang mga benepisyong sinasabi ng PNOC-EC na makukuha sa proyektong coal mining at planta ng kuryente. “Kailangan daw natin ng mas malakas na kuryente, para maiwasan ang nararanasang palagiang brown-out dahil kulang daw sa supply ng kuryente sa Isabela. Magiging mura daw ang babayarin sa kuryente, at magbubukas daw ng napakaraming trabaho sa mga tao. Yan lamang ang mga ilang panlilinlang ng PNOC-EC,” sambit nila. Naging tampok ding tutulan ng mga dumalo ang isinagawang survey ng PNOC-Maunsell. Isinaad umano sa ulat na 80% ang sumasang-ayon sa coal-mining project. Ang mga lugar na pinagdausan ng sinasabing survey ay ang mga bayan ng Cauayan City, Naguillan at Benito Soliven, Isabela. Pinabulaanan ng mga dumalo ang survey ng Maunsell. Ayon sa mga naninirahan sa Brgy. Villa Luz, Benito Soliven, isang lugar na pinag-surveyan, hindi totoong sila ay sang-ayon sa proyekto. Ayon sa Maunsell, sa 51 kabahayan sa Villa Luz, nainterbyu nila ang 43 ulo ng pamilya. Lumabas na 93% o 39 na katao ang sumusuporta at ang 1% ay nyutral, at 0% ang anti-coal-mining. Kasinungalingan ito ayon sa mga taga-Villa Luz sapagkat ang mayorya ng baryo ay dumalo sa public hearing. Dagdag pa nila, ganito rin ang kalagayan ng halos lahat ng pinag-surveyhang baranggay ng tatlong nabanggit na bayan. “Suppiaten, lappedan, papanawen ang mina ng karbon at planta ng kuryente! [Tutulan, pigilan, palayasin ang minahan ng karbon at planta ng kuryente!]” mariing sinabi ni Bino Abrogena, ang tagapagsalita at Ikalawang taga-pangulo ng DANGGAYAN– CV. Dagdag pa ni Abrogena, kailangang ipatupad ang tunay na reporma sa lupa upang lubusang makinabang ang mga magsasaka ng Isabela, hindi ang mga proyektong ukol sa pagmimina. # via NORDIS |
||
Previous | Next |