Home ARTICLE Opinion Bukas na liham para sa Martir ng Bayan

Bukas na liham para sa Martir ng Bayan

714
0
4 MIN READ
Ni KERVIN CALABIAS
www.nordis.net

Finny,

Ilang araw na rin ang nakalipas nang pinatay ka ng mga kaaway noong gabi ng Pebrero 13. Kinabukasan ko lamang nabalitaan ito sa gitna ng pagod sa biyahe, sa araw ng mga puso, sa Baguio, kung saan kita unang nakilala. Ilang araw ko na ring pinag-iisipan at pinroproseso ang mga nangyari sa iyo at sa mga kasamahan mo. Ayon sa isang kasama, “overkill.” Alam ko na agad ibig sabihin nito. Hindi ko na inalam pa ang detalye at nag-abang na lamang ng mga balita, mga kumpirmadong report nang nangyari noong gabing iyon. Hanggang sa kamatayan mo Finny, walang habas pa rin ang kahayupan nila. Hindi totoo ang kinakalat nilang engkwentro ito. Ang totoo, dinakip kayo, kinulong, binaril kayo sa ulo, nang nakagapos, walang armas. Silang mga duwag.

Ang unang nasa isip ay sana ay makuha ang iyong bangkay, alam kong papahirapan pa nila tayo dito, tulad nang ginawa nila sa maraming mga kasama sa norte ilang taon na ang nakalipas. Iniisip na sana hindi nila ito gawin sayo. At ngayon buti’t nakauwi ka na, sa kanlungan ng iyong tahanan. Maraming kasama ang mga paakyat ngayon, Finny. Pasensya na hindi kita makikita. Hayaan mong magpaalam ako sa ganitong paraan.

Taong 2009, huminto ako sa pag-aaral upang maging full-time na aktibista. Bago pa lamang ako sa gawaing sektoral at hindi pa alam kung saan ako ilalagay. Nais ko sana mailagay sa CEGP (College Editors Guild of the Philippines) upang makasama ka doon bilang doon din tayo nagkakilala sa Outcrop, ang opisyal na publikasyon ng UPB. Sa kalaunan ay nailipat ako sa kultural at okay na din ito siguro dahil nailipat ka na din sa NUSP (National Union of Students of the Philippines). Ngunit, kahit magkaiba ang gawain, lagi tayong magkasama. Maraming beses magkagrupo sa mga gawain sa YS, maraming beses na ako ang sakit ng ulo mo (at alam ko ng maraming kasama din) dahil sa mga ka-liberalan ko sa maraming antas. Pasensya ka na, Finny.

Sa maraming taon nang pagsasama mula noon, lumalim ang pag-iintindi natin sa isa’t isa. Mula sa Cordillera Day sa Sagada, Kalinga, Abra, at Mt. Province, ang mga pagkakampanya kina Liza Masa, Ka Satur, Kabataan Party-list, Katribu Party-list sa Kalinga at Abra, hindi ka naubusan ng pasenysang gabayan at hubugin ako sa masikhay na pagkilos. Naalala ko pa ang pagbantay mo saakin sa mga sumusunod na mga militar habang nangangampanya ako sa gilid ng daan sa Tabuk. Hindi ko namalayang minamataan na pala ako at sinsusundan ng mga militar, at mula sa malayo ay hinabol mo ako para ayaing bumili ng halo-halo, sabi ko pa’y di pa tayo tapos pero makulit ka at pinahinto mo ako. Dumaan ang mga mil, hindi inaasahang hihinto ako sa mataong sari-sari store. Salamat, Finny. Pasensya na hindi kita nabantayan ngayon.

Ang mga larawan sa ibaba ay kuha noong 2009, isang taon mula nang ma-abduct ng mga militar si Manong James Balao, kasama tayo sa postering noon. Ang ikatlong litrato siguro dito ang pinakanatatandaan ko. Nakangiti kang kausap ako. Sabi ng isang kasama noong pinadala ang mga litratong ito sa akin, kutob niya ay pinagsasabihan mo ako dito. Tama siya. Naalala kong pinagsasabihan mo ako na huwag panay ang sunod sa iyo sa postering para mas malawak na area ang macover natin. Sabi ko’y natatakot kasi ako. At hanggang ngayon, Finny natatakot pa rin ako. Duwag ako. Noong huling beses tayong nagkita sa Baguio, siguro’y nakaisang taon ka na sa loob noon, ang tanging hiling mo lamang ay magpadala ako ng makakapal at makukulay na medyas. Pinangako kong papadalhan ka, kasama ng maraming sulat. Maraming taon na ang nakalipas at hindi ko ni minsa’y naipadala ang mga hinihingi mo. Pasensya na ulit, Finny.

Takot pa rin ako Finny. Ilang beses ko na yan sinasabi sayo. Sa isang rally, naatasan akong magsalita sa programa. Gusto ko nang magback-out noon dahil sa takot, dahil sa hiya. Ikaw ang kumausap sa akin noon, sabi mo: “Bakit ka mahihiya kung alam mong tama ang mga sinasabi mo?”

Ngunit, ikaw rin ay may mga tangang bigat, takot, at hiya pero di tulad ko, ay hindi ito nagiging sagabal sa pagkilos mo. Kahanga-hanga ka. Higit sa lahat siguro, ito ang matatandaan ko– ang mga piling pagkakataon na nagpapahinga tayo sa Burnham Park tuwing gabi, nakaupo sa bench sa ilalalim ng isang punong pinangalanang mong “liberal” tree (dahil dito lamang tayo naglalabas ng mga hinanaing nating politikal at personal, or both) at sabi mo nga, bukas maaayos na ulit tayo, handa nang humarap sa gawain kinabukasan. Kailangan lamang ay magpahinga at pagmasdan ang mga bagay na lulan nang katahimikan: ang mga bangka sa Burnham Lake tuwing gabi. Payapa at papalaot na.

Lakip nito ang tulang, “Ang Gerilya ay Tulad ng Makata” ni Jose Maria Sison. Ang undergraduate thesis mo noon ay isang Marxistang pagsusuri ng panitikan at nilagay mo bilang dedikasyon ang mga piling linya sa tulang ito, na ginaya ko din sa aking thesis hahaha. sorry. Kaya pala lagi mo itong pinapakanta sa amin noon kahit walang magaling kumanta sa amin. Pero ituturo ko ito Finny. Sa lahat ng klase ko sa panitikan. Kabit ng tulang ito ang alaala mong nais kong papalautin sa lulan ng mga klase ko, sa puso ko, habambuhay.

Finny, ika’y papalaot na. Makakapagpahinga ka na. Hayaan mong kami ang magpatuloy, sa kung ano mang paraan ang makakaya namin, ng iyong katapangan. Isang taas kamaong pagpupugay sa iyo, Finela “Ka Ricky” Mejia, martir ng bayan!

Hanggang sa muli.

ANG GERILYA AY TULAD NG MAKATA
Ni Jose Maria Sison

Ang gerilya ay tulad ng makata
Matalas sa kaluskos ng mga dahon
Sa pagkabali ng mga sanga
Sa mga onda ng ilog
Sa amoy ng apoy
At sa abo ng paglisan.

Ang gerilya ay tulad ng makata
Nakasanib sa mga puno
Sa mga palumpong at rokas
Nakakaalangan subalit tumpak
Bihasa sa batas ng paggalaw
Pantas sa laksang larawan.

Ang gerilya ay tulad ng makata
Karima ng kalikasan
Ng sutlang ritmo ng kaluntian
Katahimikang panloob, kamusmusang panlabas
Aserong tibay ng panatag na loob
Na sumisilo sa kaaway.

Ang gerilya ay tulad ng makata
Kasabay ng luntiang, kayumangging masa
Sa palumpong na pinaliliyab ng mga pulang bulaklak
Na nagkokorona at nagpapaalab sa lahat,
Dumadagsa sa kalupaan tulad ng baha
Nagmamartsa sa wakas laban sa kuta.

Walang hanggang daloy ng lakas,
Masdan ang matagalang tema
Ng epikong bayan, ng digmang bayan. # nordis.net

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.