Home Literary Apokalipsis

Apokalipsis

304
0
< 1 MIN READ
Ni RENE BOY ABIVA
www.nordis.net

(Tugon Sa Pangako Ng Make America Great Again At Sa Napipintong Digmang Golpo)

“Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng (tulang) ito, tiyak na nga! Darating ako!”
-Pahayag 22:20

Ilang beses na ba akong sumilip
sa ibabaw ng mundo gaya ng araw
sa bawat bukang-liwayway tuwing
(m)napagtatagumpayan ng rebolusyon
ang pag-inog laban sa kontradiksyon
ng mga batas na likha ng (mga) kosmos,
ng (mga) homo, at ng (mga) Diyos?
Sa pagkakatanda ko’y marami na
at hindi ko na mabilang—
ang mga linggo’t buwang ulan,
ang mga higanteng baha,
ang mga pagyanig sa ilalim ng lupa,
ang mga pagguho ng mga templo,
ang mga pagputok ng mga bulkan,
ang mga pagkasunog ng mga birhen-berdeng kagubatan,
ang mga tagtuyot na walang katulad,
ang mga sakit na hindi mahanapan ng lunas,
ang mga pagdami ng mga gutom na tao,
ang mga paglaganap ng mga kung sinu-sinong sugo,
ang mga pagdami ng mga walang trabaho,
ang mga hindi maampat na digmaan ng mga bansa,
at ang mga patuloy pa ring pagsamba sa ginto, salapi, bomba, at bala—
sinasabi ko ngayon sa inyo,
mapalad kayo kung inyo pang masisilayan
ang isang umagang kayo’y nagising
hindi dahil sa awit-lambingan ng mga ibon,
halimuyak-halumigmig ng mga bulaklak sa parang,
agos-kaluskos ng mga bato sa batis,
init-dampi ng mga ginintuang silahis,
o haplos-halik ng inyong (mga) kabiyak sa ligaya’t hinagpis
kundi dahil sa walang-kaparis na katahimikan
purong katahimikan
purong-purong katahimikan
ni walang tikatik ng orasan,
ni walang takatak ng ulan.

Enero 8, 2020
Lungsod ng Quezon, Maynila

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.