Home People's Rights Tignay Ilocos! Makibaka, huwag matakot!

Tignay Ilocos! Makibaka, huwag matakot!

220
0
3 MIN READ

Isabuhay ang rebolusyonaryong diwa ni Gat Andres Bonifacio!

Pahayag ng Bagong Alyansanng Makabayan Ilocos
sa pagriwang ng ika-156 kapanganakan ni
Gat Andres Bonifacio

Sa paggunita ng ika-156 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ipinapaala nito sa ating lahat na tumindig laban sa mga neoliberal at pasistang atake hindi lang sa mamamayan ng Ilocos kundi sa buong bansa.

Sa nakalipas na tatlong taon, sa ilalim ng rehimeng US-China-Duterte, ipinatupad ang mga neoliberal na polisiya na unti-unting pumapatay sa kabuhayan ng ordinaryong mamamayan.

Kung sa rehiyon, una nang naramdaman ang epekto ng pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin dulot ng TRAIN LAW. Sinagasaan nito ang presyo ng farm inputs, gasulina at iba pa na pangunahing ginagamit sa kabuhayan ng mga magsasaka’t mangingisda.

Hinambalos din ng R.A.11203 o Rice Tarrification Law ang presyo ng palay sa rehiyon. Dumagsa ang mga imported na bigas kaya bumagsak ang presyo ng palay pero nanatili namang mataas ang presyo ng bigas.

Ayon sa datos ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation), bumagsak na sa P10-12 kada kilo ang semi-dry na palay samantalang P13-14.50 kada kilo naman ang dry o ready to mill. Halos P10 ang bawas nito mula sa P18-23 kada kilong presyo noong nakaraang taon. Ang Republic Act 1120 o Rice Tarrification Law ay tulak ng mga imperyalistang bansa sa pamamagitan ng World Trade Organization-Agreement on Agriculture (WTO-AoA) kung saan nakapaloob ang bansang Pilipinas.

Tila ininsulto naman ng mga malalaking korporasyon ng tabako tulad ng Universal Leaf Philippines, Inc. (ULPI) ang magsasaka ng tabako dahil sa pisong dagdag nito kada kilo sa presyo ng tabako. Ito ay malayong-malayo sa makatarungan at nararapat na presyo ng tabako na P128 kada kilo. Inutil ang National Tobacco Administration dahil imbes na panigan ang mga magsasaka ng tabako ay nagsilbi itong tagapagsalita ng mga multi-national tobacco companies. Natabunan na rin ang kaso ng korapsyon laban sa Marcoses sa pondo ng tobacco excise tax o RA7171.

Bigo rin ang mamamayan ng Ilocos na nasalanta ng mga nagdaang kalamidad na makakuha ng dagdag at sustinidong ayuda. Mula noong Bagyong Ompong, nanawagan na ang mga magsasaka ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan pero hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring kongretong naibigay na tulong ang mga ito sa kabila ng paggamit nito ng milyon-milyong calamity at emergency fund.

Hindi rin ligtas sa iba pang isyu ang rehimeng US-China-Duterte dahil sa walang tigil na korapsyon, pagbebenta ng kasarinlan, at pagpatay sa mahihirap at marahas na pagpapatahimik sa kanyang kritiko.

At habang nakikipaglaban ang mamamayan ng Ilocos para sa kabuhayan, karapatan at kapayapaan, pasismo ang isinasagot ng rehimeng ito. Sa bisa ng Executive Order 70 ay ipinatutupad ang Whole-of-nation-approach na taktika para supilin ang diumano’y “kalaban ng gubyerno.” Batay sa mismong karanasan ng mga aktibista at progresibong organisasyon, ang pinupuntirya ng batas na ito ay hindi mga armado kundi mga sibilyan at aktibista.

Sa rehiyon, inaresto noong 2017 si Sherwin De Vera, isang aktibista dahil sa gawa-gawang kasong isinampa ng mga militar. Ganoon din ang ginawa kay Rachel Mariano, isang health worker sa Cordillera, nang sinampahan siya ng gawa-gawang kaso ng 81st IBPA. Nitong September 4 ay Napawalang-sala siya at napatunayang nambubulid ng kasinungalingan ang AFP. Lima pang development workers ang napilahan ng gawa-gawang kaso ng 81st IBPA sa Sigay, Ilocos Sur.

Habang sinasampahan ng gawa-gawang kaso ang mga makabagong Bonifacio, tuluy-tuloy ang deployment ng Peace and Development Teams ng 81st IBPA mga baryo sa ikalawang distrito ng Ilocos Sur. Hindi rin humupa ang panlilinlang para pumirma sa “oath of allegiance” sa mga miyembro ng lokal na organisayong Timpuyog ti Umili iti Karayan Buaya at iba pa para diumano itakwil ang CPP-NPA.

Palala nang palala ang red-tagging, surveillance at pananakot sa mga miyembro ng pang-masa at progresibong organisasyon tulad ng Anakbayan, Timek iti Marigrigat a Mangngalap iti La Union at iba pa. Kahit ang disaster management-based NGO na Ilocos Center for Research, Education and Development ay hindi ligtas sa ginagawang red-tagging ng pulisya at militar.

Nanganganib din ang buhay at seguridad ng mga lider-aktibista na binansagang ‘threats in region 1’ tulad nina Stop Exploitation Chairperson Antonino Pugyao at Ilocos Human Rights Alliance secretary-general Mary Ann Gabayan. Kabilang sila sa listahan ng ‘panganib’ na inilabas ng Regional Peace and Development Council noong unang bahagi ng taon.

Sa panahong gaya nito, na puno ng ligalig at nagkalat ang mga nagpapanggap na makabayan, napakahalagang balikan ang aral na itinuro ni Gat Andres Bonifacio- ang umibig ng tapat sa mamamayan at sa bayan na handa mo itong ipaglaban, ialay man ang buhay.

Katulad ni Bonifacio, ipagtagumpay natin ang uring inaapi laban sa anumang uri ng pananakop, pagtatraydor at pandarahas. Gawin nating inspirasyon si Bonifacio, na kahit gaano kahirap, tayo ay mananaig at magtatagumpay. Sa panahong binabalot tayo ng kadiliman, higit kailanmang kailangang manindigan at kumilos para makamit ang magandang kinabukasan.

Pangibabawan ang takot at higit na magpursige. Walang ibang paraan kundi ang pagkilos laban sa mga naghaharing-uri, biguin ang pananaig ng pasismo at ipagtagumpay ang inaaping uri!

Tulad ng sinabi ni Gat Andres, “May araw ring sisikat ang araw ng katuwiran, at magbabayad ang may mga utang.” # nordis.net

PUBLIC DISCLOSURE: Sherwin De Vera is the current managing editor of Northern Dispatch. He maintains a column, Ilocandia Raumbling (Daranudor ti Ilocandia), for our print version at the time of his arrest for trumped-up charges of rebellion.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.