Buwan ng Magbubukid, buwan ng pagkilos at paglaban sa Lambak Cagayan

Ni CITA MANAGUELOD
www.nordis.net

Ang Lambak ng Cagayan ay isa sa mga rehiyon kung saan walang humpay ang naging pagkilos at paglaban ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Naging tampok noong huling dekada ’70 ang malalaking pagkilos ng magsasaka sa Hacienda Intal sa Cagayan at Hacienda Santa Isabel sa Isabela.

Ang mga labang ito ay nagluwal ng malawak at masiglang kilusang magsasaka sa rehiyon na tinugunan naman ng dahas ng mga panginoong maylupa at estado. Matapos ang ilang dekada, nagpapatuloy ang masikhay na pakikibaka ng mga magbubukid. Patunay dito ang matagumpay na paglulunsad ng magkakahiwalay na pagkilos ng mga magsasaka sa Lambak ng Cagayan para ipagdiwang ang Buwan ng mga Magbubukid.

Ang isang buwang kampanya na may temang “Pagkakaisa at Paglaban para sa Lupa, Pagkain at Hustisya” ay pinangunahan ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley (Danggayan-CV), ang panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Tagumpay itong nailunsad sa kabila ng papatinding atake at panunupil sa mga kasapi at lider ng organisasyon at iba pang progresibong grupo.

“Hindi kayang pigilan ng mga harassment at pagharang sa mga magsasaka ang pagkilos basta may pagkakaisa. Walang imposible sa mga kahilangan kung sama-samang kikilos,” sabi ni Isabelo Adviento, tagapangulo ng Danggayan-CV.

Aniya, sa ibang mga baryo, nalimitahan ang dumalo sa mga pagkilos dahil sa pagbabawal ng kapulisan at ng mga nakaistasyong militar sa mga miyembro ng organisasyon na lumahok sa mga aktibidad.

Ipinaliwanag ni Adviento na layunin ng mga inilunsad na aktibidad na ipabatid sa publiko ang mga usaping kinakaharap ng mga magsasaka na tuwirang may epekto sa iba pang sektor upang hikayatin silang makiisa.

“Ang problema at pagsubok ng mga magsasaka ay direktang nakaugnay sa seguridad ng pagkain ng mamamayan at pundasyon ng ekonomiya ng Pilipinas bilang isang agriculture country. Hindi ito suliranin lamang ng sektor kundi ng buong sambayan,” dagdag niya.

Pagpapalayas sa mapanirang pagmimina

LAYAS! Ipinanawagan ng mamayan ng Nueva Vizcaya sa pamumuno ng Alyansa ng Nagkakaisang Novo Vizcayanos at Diocese of Bayombong kasama ang iba pang grupo ang pagbasura sa aplikasyon ng OceanaGold Philippines, Inc. para sa muli nitong pagmimina at kagyat na pagalis sa kompanya. Larawan mula sa ANVIK

Pinangunahan ng mga katutubong magsasaka at mamamayan ng Nueva Vizcaya at Quirino ang malaking martsa noong Oktubre 9 sa bayan ng Bayombong sa Nueva Vizcaya upang ipinawagan ang pagbabasura sa FTAA Renewal ng OceanaGold.

Giit ng mga nagprotesta na dapat na palayasin na ang kompanya dahil sa paninira nito sa kalikasan, pang-aagaw ng lupa at pandarambong ng rekurso ng mamamayan. Hiling nila ang kagyat na pagbabalik ng mga lupain sa mga katutubo at magsasakang napalayas dahil sa nasabing operasyon.

Ang tatlong buwang barikada ng mamamayan ay lumundo sa matagumpay na pagpigil sa pagpasok ng mga kailangan ng kompanya para sa pagpapatuloy ng iligal na operasyon. Noong Oktubre 15 napilitan ang kompanyang ipahayag ang pagtigil ng operasyon nito dahil sa barikada.

SAMA-SAMA. Ang pagkakaisa ng mamamayan at opisyal ng Nueva Vizcaya ay nagbigay lakas sa kanila upang isustena ang barikada sa tarangkahan ng kompanya hanggang sa maparalisa ito at tuluyang magpahayag ng pansamantalang pagtigil ng operasyon. Larawan mula sa ANVIK.

Ayun kay Julie Simongo, tagapangulo ng Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Manggagawa at Magsasaka Inc. (SAPPAKMMI), sa pagbibigay diin ng OceanaGold sa kanilang pahayag sa pagliit ng produksyon, inililihis ng kompanya ang tunay na usapin.

“Ang isyu dito ay ang pananagutan ng OceanaGold sa pagkasira ng kalikasan at kabuhayan, at ang kanilang kriminal at iligal na operasyon, mula ng mag-expire ang FTAA noong June 20 nitong taon,” aniya.

Dagdag pa ni Simongo na “tugtugin na ang taktikang magmukhang kawawa at magpasaklolo ang OceanaGold” sa pamahalaan para sa kagyat na pagpapanibago ng kanilang FTAA. Ayun sa kanya ay nagpapanggap na biktima ang kompanya upang mapagtakpan ang mga nilabag nitong batas at karapatan ng mamamayan.

“Tuloy ang barikada at mga aksyong masa hangga’t di napapalayas ang OceanaGold sa aming probinsya at ‘di pa naibabalik ang lupang kinamkam ng minahan sa mamamayan ng Kasibusabi ni Simongo.

Paglaban sa liberalisasyon

Naglunsad naman ng magkasabay na martsa, piket at rally ang mga magsasaka kasama ang iba pang sektor sa mga syudad ng Tuguegarao at Ilagan noong Oktubre 21 kasabay ng pambansang pagkilos ng mga magsasaka. Ipinanawagan sa mga isinagawang demonstrasyon ang pagpapabasura sa liberalisasyon ng bigas at pagtiyak ng makataraungang presyo ng palay.

Sa isinagawang piket sa tanggapan ng Department of Agriculture sa rehiyon sa Tuguegarao City, at sa martsa at programa sa Ilagan City hiniling ng mga magsasaka na ipawalang bisa ang Republic Act No. 11203 o Rice Trade Liberalization Act (RTLA).

“Nagbunga na ito ng pagbulusok ng kabuhayang magsasaka sa palayan at kamatayan ng buong industriya ng bigas. Sumadsad na sa P8-10 ang presyo ng palay sa rehiyon mula sa dating P22 kada kilo,” paliwanag ni Adviento.

Batay sa pag-aaral na isinagawa ng Danggayan, umaabot ng P60,000-70,000 ang karaniwang gastos ng isang magsasaka sa rehiyon. Nakakaani ito ng aabot sa 100 kaban na karaniwang may timbang na 50 kilo. Batay dito at sa kasalukuyang presyo na P8-10 kasa kilo, aabot lamang ng P40,000-P50,000 ang pagbebentahan ng kabuuang ani. Hindi pa man nakakaltas ang renta sa lupa, interes at inutang na puhunan at iba pang gastusin ay lugi na agad ang magsasaka.

IBASURA! Kasama sa mga pangunahing panawagan ng mga nagprotesta sa Tuguegarao City, Cagayan ang kagyat na pagpapabsura sa Rice Trade Liberation Act na anila ay sumalanta sa kanilang kabuhayan. Larawan mula sa Danggayan-CV

Bago ito, matagumpay na nailunsad ng mga pamprobinsyang balangay ng Danggayan-CV ang mga hiwalay na pulong-talakayan kaugnay sa isyu ng palay. Ang mga nabuong pagkakaisa mula sa mga ito ang naging tungtungan ng kanilang mga panawagan.

Naisagawa din ng Amihan Isabela ang Palengke Tour sa San Mateo at Round Table Discussion on Rice Liberalization sa Cauayan City noong Oktubre 16, bilang bahagi ng paggunita sa World Food Day.

Ayun kay Adviento nararapat na bilhin ang kanilang aning palay ng P20 kada kilo. Gayun din ang pangangailangan ng kagyat na cash assistance na hindi bababa sa P25,000 at kagyat na pamamahagi ng mga farm inputs at kagamitan.

Kasama ang mga nasabing kahilingan sa isinumiteng resolusyon ng Danggayan sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela noong Oktubre 19. Hiling din nila sa ito ay gawan ng karampatang ordinansa upang matiyak ang pagtatalaga ng buying stations ng palay ng NFA at local na pamahalaan sa mga bayan.

Ipinanawagan rin ng grupo ang pagbaklas ng bansa sa World Trade Organization na nagbunsod na ng pagdausdos ng presyo ng mga produktong magsasaka. Hiling din nila ang pagpapalakas ng National Food Authority upang sapat nitong magampanan ang tungkuling pangalagaan ang seguridad sa mga pangunahing butil gaya ng palay at mais.

“Bumagsak din ang presyo ng mais dahil sa papalaking pagdagsa ngayong taon ng imported na trigo,” ayon kay Renato Gameng, lider ng Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela, ang pamprobinsyang balangay ng Daggayan-CV sa nasabing lalawigan.

Pagkilos para sa lupa

Dumulog at nakipagdayalogo ang mga magsasaka sa pamprobinsyang tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Cagayan upang singilin ang opisina sa kawalang aksyon nito sa mga matagal ng kaso. Kinondena ng mga magsasaka ang paulit-ulit na katwiran ng mga opisyal ng DAR na wala umano silang naharap dahil bago lamang sila sa pwesto.

“Mahigit 47 taon na ang batas hingil sa lupa subalit nanatili pa rin ang problema sa lupa ng magsasaka. Kalakhan pa rin sa amin ang walang lupa at nanatiling hawak ng iilan ang malawak na lupain sa ating bansa,” pahayag ni Adviento.

Noong Oktubre 21, 1972, nilagdaan ng dating diktador Ferdinand Marcos, Sr. ang Presidential Decree No. 27 o ang Tenant Emancipation Law na naglalayong ipamahagi sa mga magbubukid ang mga lupang kanilang sinasaka. Ngunit ayun kay Adviento, lalong pinasahol ng batas ang konsentrasyon ng lupa matapos ipatupad ito.

TUNAY NA REPORMANG AGRARYO. Ang kagyat na pamamahagi ng lupa at pagresolba sa mga kaso ng pangangamkam ng mga sinasakang lupain ng mga magbubukid ang isa sa tampok na panawagan sa isingawang pagkilos sa Ilagan City, Isabela. Larawan mula sa Danggayan-CV.

Sa panahon ni Corazon Aquino, naisabatas naman ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na lalo pang pinalawig sa pagpapasa ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER). Matapos ang implementasyon ng CARP ay nanatiling mayroong mahigit 1.2 milyong ektaryang lupain ang dapat sanang ipamahagi ngunit hindi naipatupad. Bagamat naipasa ang CARPER, nanatiling buo ang mga malalaking hacienda at lupaing sakop ng plantasyon.

Batay sa Ibon Foundation, noong 2017 ay mayroong 10 malalaking tipak ng lupain na pag-aari ng nag-i-isang pamilya sa rehiyon: ang Hacienda Madrigal (12,000 ektarya), Hacienda Villacete (6,000 ektarya), Hacienda Intal (796 ektarya), Catral Estate (500 ektarya), Catolico Estate (400 ektarya), Torres Estate (286 ektarya), Hacienda Florentino (200 ektarya), Puzon Estate (175 ektarya), Lizardo Estate (168 ektarya) at Pallgao Estate (130 ektarya).

Maliban dito, isinagawa din ang patuloy na pagpapapirma ng petisyon laban sa National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasosyo si Marcela Uy. Saklaw ng nasabing programa ang mga posisyon ng mga magsasaka sa Mallig, Isabela.

Kasama din sa mga isinagawang pagkilos sa buwan ng Oktubre ang paggigiit ng mga magsasaka ng tabako sa San Mateo, Isabela na ipagkaloob sa kanila ang P15,000 tulong pinansyal mula sa bahaging natatanggap ng kanilang munisipyo sa excise tax ng tabako.

Nitong Hunyo 2019, inihayag ng Department of Budget and Management ang halagang matatanggap ng mga probinsyang nagtatanim ng tabako sa nakolektang buwis mula sa mga produktong gawa dito. Ang Isabela ay tatanggap ng P1.46 bilyon habang ang naturang bayan ay may hating P12.4 milyon.

Paggigiit ng karapatan laban sa Dahas at panunupil

Sa lahat ng mga pagkilos, kinondena ng mga magsasaka ang papatinding militarisasyon sa kani-kanilang mga komunidad.

Ayun sa Danggayan-CV, noon pang Marso, ilan sa mga kasapi nila sa mga komunidad ng Cagayan ang sapilitang pinasuko ng militar kasabwat ang kasalukuyang gobernador na si Manuel Mamba. Hindi pa umano ito nakuntento sa ginawang pagpapasuko sa mga sibilyan, sinabihan pa nila ang mga ito na huwag iboto ang mga party-list na kasapi ng blokeng Makabayan kasabay ng pagbabanta.

“Binantayan, tinakot at pinagbabantaan ang mga magsasaka na nais sumama sa mga pagkilos habang patuloy ang raket ng AFP na fake na pagpapasurrender sa taumbaryo. Pero bigo ang PNP sa pilit nitong pagdisperse sa mga aksyong masa,” dagdag ni Adviento.

Nito lamang nakaraan, magkakahiwalay na hinuli ang tatlong organisador ng magsasaka at pinaratangang kasapi ng New People’s Army. Bago ito, ilan din sa mga lider magsasaka ang binataan at pilit na pinagrereport ng mga military upang magpalinis umano ng kanikanilang pangalan.

Sa Ilagan City naman, sinabayan ang pagkilos ng magsasaka ng pagsabog ng red tag leaflets at pagharass ng PNP sa mga magsasaka gamit ang pinakita nilang “persona non grata” na deklarasyon ng syudad laban sa “CPP-NPA associated organizations”.

“Kahit anupamang paninira at pananakot ang gawin ng PNP at AFP, kinikilala at sinusuportahan ng mga magsasaka ang Dagami at mga progresibong organisasyong masa. Sa puso at damdamin ng magsasaka ang tunay na “persona non grata” ay ang PNP, AFP at amo nilang si Duterte”, dagdag ni Gameng. # nordis.net

Share