YOUTHSPEAK | Paninigarilyo, pagmumura at iba pang masamang impluwensiya sa bata

By RAQUEM JOHN N. QUITASOL
www.nordis.net

Bilang isang mag-aaral, tulad ng aking mga guro, ako rin ay nababahala sa kaugalian ng aking mga kamag-aral. Dahil may isang insidente na kung saan ay may isininumbong na nanigarilyo sa aming klase. At may balak pa silang magdala ng inuming alak pero buti na lang at naagapan ito. At sa ibang klase naman, may nahuling nagvevape o humihithit ng tinatawag na electric cigarette o mas kilala na e-cigarette.

Marami ring mga batang nagmumura at parang normal na lang sa kanila ito. May ipinasa ang konseho ng Lungsod ng Baguio na ordinansa na ipinagbabawal ang pagmumura. Pero ganun pa man, marami pa rin ang nagmumura.

Pero bakit kaya nagkakaganito ang aking mga kamag-aral at kapwa mga bata?

Ang pangunahing rason kung bakit nagkakaganito ang mga katulad kong bata ay ang mga nakikita at naririnig nila sa mga nakatatanda lalong-lalo na sa kanilang mismong mga magulang. At dahil nakikita at naririnig nila ito ay gusto nila itong gayahin dahil akala nila ay tama. Mayroon ding ibang sanhi ng mga pagkakaganito ang mga bata, ito ay ang mga napapanood nila sa telebisyon at nakikita sa internet.

Mayroon pang ibang masasamang ugali ng mga bata dahil sa impluwensiya na hatid ng kanilang mga naririnig at nakikita sa mga nakatatanda at sa mga paligid nila. Ang bandalismo, pakikipag-away, at pang-aasar, panlalamang sa kapwa bata at iba pa na ikinapapahamak ng mga kabataan kaya dapat matigil na ito.

Isa pang tanong, ano ba kasi ang ginagawa ng mga matatanda sa harap ng mga bata? Ano ba kasi ang kanilang ipinapakita at ipinaparinig nila sa mga bata? Sino-sino pa ba ang ibang gumagawa nito? Ang mga magulang, mga kuya at ate, tito at tita, lolo at lola, mga hindi kilalang tao, si kagawad, si kapitan, si mayor, si gobernador, si congressman, at ang iba pang opisiyales ng gobyerno lalong-lalo na ang presidente ng bansa na hindi lingid sa karamihan na hindi magandang pakinggan ang pinagsasabi dahil sa kaniyang pagmumura.

Kaya ang mga matatanda ay maging magandang ehemplo sa mga bata. Kaya agapan na ito kaagad upang sa susunod na henerasyon ay wala ng ganito.

The author is a ten year old in the public elementary school system striving to be a good writer. He just hopes to improve his penmanship as he learns and works to be a good teacher. When he gets to high school he wants to qualify for Track STEM… science, technology, engineering and math.

 

Share

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.