Magsasaka ng Kordilyera hiniling ibasura GATT-WTO

April 28, 2007 in agriculture, Cordillera, general

LA TRINIDAD, Benguet (Abr. 25) — Bumagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyong Cordillera dahil sa liberalisasyon sa agrikultura, ayon sa ilang dumalo ng Cordillera Peasant Summit sa La Trinidad, Benguet ngayong araw na ito.

Pagkaraan ng pagbabahaginan ng epekto ng General Agreement on Tariff and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO) sa kanilang sektor sa kani-kanilang lalawigan, minarapat ng mga magsasaka ang pagbasura nito.

Ayon kay Abe Bataoang, tagapangulo ng Alyansa Dagiti Peasante iti Taeng Montañosa (Apit Mon) ay 90 porsiyento ang ibinagsak ng produkto ng agrikultura dahil na rin sa WTO. Ang dating mahigit kumulang na P20,000 na kita nila sa pagtatanim ng gulay ay wala na ngayon. Kahit ang puhunan ay hirap na ring bawiin. Bumagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka nang magdagsaan ang mga gulay na galing sa ibang bansa.. Malapit na silang mawalan ng pag-asa dahil sa batas na ito ng gobyerno, aniya.

Ayon rin kay Vicente Warcha, tagapangulo ng Timek dagiti Mannalon iti Kalinga (TMK), ay naroon ang sakit ng kanilang loob sa gobyerno dahil sa WTO. Napakamamahal ng mga kakailanganin sa produksyon gaya ng binhi, pataba, pestisidyo, at iba pa, ngunit kung ibebenta ang produkto partikular ang palay ay sa murang halaga lamang na P11 bawat kilo nito. Hirap bawiin ang nagastos at halos wala na ring pantustos sa pang-araw-araw na gastusin at sa pag-aaral ng mga anak.

Sa pangkalahatang pag-aanalisa sa epekto ng liberalisasyon sa agrikultura sa rehiyon ng Cordillera ayon kay Fernando Bagyan, convenor ng Pambansang Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Liberalisasyon sa Agrikultura (Pumalag), ay halos isandaang porsiyento na mga pamilya ang bumagsak ang kabuhayan. Karamihan sa kanila ay nawalan na ng gana sa pagsasaka, sa halip ay gold panning na lamang ang pinagtuunan ng pansin para may pantustos pa rin sa kanilang kabuhayan. Dahilan na rin dito ay bumaba ang suplay ng produktong agrikultura sa ating bansa.

Ang kagutuman ay hindi na kayang pagtakpan at linlangin ng Malacañang, sabi ni Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya at pang-apat na nominado ng Anakpawis patry-list. Ayon sa kanya, ang dating mahirap na magsasaka ay lalong naghihirap. Ang mga magsasaka na walang lupa ay nananatiling walang lupa. Sa sampung magsasaka ay pito ang walang sariling lupa at ang natitirang tatlo ay nagtitiis na lamang din sa kakapirasong lupaing tinatamnan.

Kaugnay nito, bahagi ng plataporma ni Board Member Wasing Sacla na tumatakbo bilang bise-gobernador ng lalawigan ng Benguet, ang pagprotekta sa industrya ng gulay. Ang malayang pakikipagkalakalan ay siyang nakakaapekto sa mga mamamayan ng Benguet kaya’t kinakailangan itong kontrolin, aniya. Wala nang mapuntahan ang kanilang mga produkto at magiging dahilan ito ng kanilang pagkalugi. “Kapag nalugi ang magsasaka, marami ang apektado,” ani Sacla. “Walang trabaho ang mga komboy o mga kargador, pati sa mga restawran, walang kakain ‘pag lugi ang magbubukid,” dagdag pa niya.

Ayon kay Board Member John Kim, kumakandidato bilang board member, ang GATT-WTO ay walang mabuting idudulot sa mga magsasaka. Isang matibay na halimbawa na ibinigay niya ay ang pagsasaka ng sibuyas at bawang sa Nueva Ecija, Pangasinan, at Ilocos na kung saan ay halos wala na ngayon dahil sa importasyon ng mga ganitong produkto galing China. Ang mga produktong ito ngayon ang nakakahigit na makikita natin sa mga tindahan.

Sa ganitong kalagayan, tuluy-tuloy pa rin ang panawagan ng mga magsasaka sa Cordillera na ibasura ang GATT-WTO na lalong nagpapahirap sa kanila. Ang kanilang hinaing ay maririnig sa kanilang nagkakaisang boses habang isinisigaw ang ‘Junk WTO!’ # Laarni T. Salaguinto para sa NORDIS

Share