Suara inaasahang boses ng Bangsangmoro sa kongreso

April 28, 2007 in elections, general, national, politics

BAGUIO CITY (Abr. 23) – “Ang Suara Bangsamoro ay inaasahang magdadala ng boses ng mga Bangsamoro sa loob ng konggreso at magtatayugod ng kapakanan ng hindi lamang ng mga Bangsamoro kundi ng taumbayan,” ayon kay Zaynab Afdal Ampatuan, pambansang tagapangulo ng Suara Bangsamoro party-list at unang nominado nito.


Ipinakita ng Suara Bangsamoro Party-list ang kanilang pakikiisa sa mamamayan ng Kordilyera sa pamamagitan ng pagdalo sa ika-23 na Aldaw Kordilyera sa Baguio. Larawan ni Noel Godinez/NORDIS

Sabi pa ni Ampatuan, ang hinaing ng mga Bangsamoro sa ating komunidad, sa kalsada sa panahon ng rally ay dadalhin ngayon ng partidong ito sa loob ng konggreso. Ang Suara na ang ibig sabihin ay boses ay naglalayong iparinig sa buong bansa o sa internasyonal man na marami pa rin sa mga Bangsamoro ang seryosong tumulong, makipagkaisa sa mamamayang Pilipino para labanan ang problema sa ekonomya at pulitika.

“Ang Suara Bangsamoro bilang nagdadala ng mga interes ng Bangsamoro at bilang sektor ay kilalang minority sa ating bansa. Kabilang sa ipinanawagan natin ay ang kapakanan ng mga indigenous peoples na nagmumula sa Mindanao. Isang hakbang itong paglahok natin sa parliamentaryong porma ng pakikibaka sa pakikibakang elektoral mula sa mga kalsada na hitsura ng pakikibaka natin. Ito ay pagpapakita lamang na seryoso tayo na hanggang sa loob ng konggreso ay marinig ang boses natin, at ma-ilantad ang mga anti-Bangsamoro na programa ng pamahalaan. Kasabay rin nito ay makapagpanukala tayo ng mga batas at programa na magseserbisyo sa mamamayang Moro at sa mamamayan sa Mindanao,” dagdag pa ni Ampatuan.

Ayon pa sa kanya, kinakailangang dumami pa ang kinatawan ng mga progresibong organisasyon sa loob ng House of Representatives na nagrerepresenta sa iba’t-ibang sektor para sa tuluy-tuloy na paggiit ng karapatan, interes, at kagalingan ng mga tao. Panawagan din niya mula sa lokal hanggang sa nasyonal na suportahan ang mga lider na totoong magseserbisyo, hindi ang mga lider na nagiging dahilan ng paglabag at pagpatay mismo ng mga mamamayan.

“Ang 2007 na eleksyon ay turning point ng pagpili ng mamamayan sa mga tunay na kinatawan mula sa lokal hanggang sa nasyonal na mga opisyales natin. Dito natin makikita ang bagong pulitika na isinusulong natin kasama ang iba pang progresibong party-list. Napakaimportante na mabigyan ng representasyon lalo na ang Bangsamoro dahil ang Bangsamoro sa Mindanao ay isa sa ginamit noong 2004 na eleksyon sa malawakang dayaan kaya nailuklok sa puwesto si Arroyo. Ayaw nating mangyari na may mga Moro lider na uupo uli sa konggreso at magkukunwari na sila ang lehitimong representante ng Bangsamoro. Ang totoo, hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang paglabag sa karapatang pantao ng mga taga-Mindanao ngunit wala pang mga lider na mga Moro na nakikitang nagsasalita at kumukundena sa mga karahasang ginagawa partikular sa mga komunidad ng Bangsamoro,” sabi ni Ampatuan.

Misyon diumano ng Suara Bangsamoro na itama at ibunyag ang mga pagkakamali at patuloy na hanapin ang tunay na kapayapaan na nakabase sa katarungan. Sa ilang pagkakataon, may mga aksyon na ring nagagawa ang partidong ito sa mga nangyayaring karahasan sa Mindanao. May mga natulungan silang mapalaya partikular ‘yung mga iligal na inaresto. May mga ilan kasi sa mga hinuli na pinagbintangang mga terorista na walang katotohanan at walang basehan. Tuluy-tuloy rin ang pagtuturo sa mga mamamayan sa Mindanao, pag-oorganisa kahit sa hanay ng mga abogado, mga pagtayo ng inter-faith formations, para patunayan na ang mga tao sa Mindanao ay nakahandang makipagtulungan sa iba pang mga tribo, sa iba pang mga sektor para maisulong ang mga panawagan sa pagprotekta sa karapatan. Nakasampa na rin ang ilan sa mga reklamo at mga petisyon hinggil sa usapin ng tuluy-tuloy na paglabag sa karapatang pantao hindi lamang ng mamamayang Moro kundi ng mamamayan sa Mindanao.

Isang hamon ang binitawan ni Ampatuan, ang maging matalino at kritiko sa pagpili ng mga totoong lider ng ating bansa na tunay na magsisilbi sa kapakanan ng tao at sa pagbabago ng ating lipunan. At naniniwala siya na kapag naabot natin ang pagbabagong ito ay sama-sama nating tatamasain ang pangmatagalan at tunay na kapayapaan at mabigyan ng katarungan ang lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Nasa syudad ng Baguio ang grupo ni Ampatuan, na dumalo at naging bahagi ng matagumpay na pagdiriwang ng Cordillera Day sa Melvin Jones noong Abril 24. Inaasahang magtatagal pa ang pangkat ng Bangsamoro para makaulayaw pa nito ang dumaraming populasyong galing sa Mindanao. # Laarni T. Salaguinto para sa NORDIS

Share