Pokus: K12 nga ba ang solusyon?

April 24, 2011 in Featured, opinion

By STELLA GASPAR, SUCCESS MIA PADAOANG and CHARMI ACIO
www.nordis.net

Patuloy pa ring nagiging matunog ang issue hingil sa K12 na programa ng administrasyon ni PNoy.

Ang pangunahing adhikain ng K12 Program ng gobyerno ay ang pag aangat ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ngunit ito nga ba ay praktikal? Ito nga ba ang tunay na solusyon sa naghihikahos na estado ng edukasyon sa ating bansa?

Maraming beses na nating narinig ang punto ng gobyerno; ngayon ay pakingggan naman natin ang boses ng mamamayang Pilipino sa isyung pagdadagdag ng dalawang taon sa regular na sampung taon sa siklo ng edukasyon.

Si Marylyn Palitayan na taga Baguio City ay mayroong anak na kakatapos lamang sa elementarya at mayroon pang anak na nasa ikalawang antas ng elementarya. “Dagdag gastos na naman iyan (K12 Program). At dagdag pahirap sa mga estudyante,” wika niya.

Sabi ni Jermie Ferrer, taga-Pangasinan, sa programang ito ng gobyerno, “Panibagong gastos na naman”. Ang kanyang asawa naman na si Edwin Ferrer ay may iba ring negatibong pananaw sa isyung ito, “Parehas rin lang naman. Kung daragdagan ng dalawang taon, dapat magbigay ang gobyerno ng sapat na suporta lalung lalo na sa mga school supplies.” Si Jermie at Edwin Ferrer ay mayroong isang anak na nasa ikatlong antas ng elementarya at may isa ring nasa ika anim na antas.

Bagaman walang sariling anak na maaaring maapektuhan ng K12 program ng gobyerno, si Clyde Nayosan na taga-Benguet ay hindi pa rin panatag sa programang ito. “Adding years will not help, because it is the education (system) itself that is degrading,” wika ni Nayosan.

Si Janice na may dalawang anak ay umaapila dahil ito daw ay dagdag gastos lamang at nakatapos naman sila kahit wala pa noon ang K12. Dagdag pa niya ito ay magiging “burden” sa mga magulang at pati narin ang mga bata.

Ang saloobin naman ni Jason Verzola bukod sa dagdag gastos at dagdag baon sa mga bata, hindi ito nakakatulong o hindi kinakailangan dahil ano ba yung kurikulum na pinapalooban nito. Dagdag pa niya hindi sapat yung dalawang taon lang, pagkatapos ng 12 taon ang kalalabasan lang ay “semi-skilled workers” na hindi kinakailangan ng ating bansa kung di kailangan ng ibang bansa. Sabi pa niya dapat ang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay mga sweldo ng mga guro at pag-aaral ng mga estudyante sa kulang-kulang na facilities at guro sa mga eskwelahan.

“Maganda, kung maipapatupad ng gobyerno ito at kung makapagbibigyan ng sapat na pondo,” wika ni Diego Tongson ng Zambales, guro sa isang pampublikong paaralan sa kanilang lugar. Dagdag pa niya, kailangan talagang ma-attain ang quality education.”

Bukod pa sa mga magulang at nakatatanda, dininig din naming ang saloobin ng mga kabataan na maaaring maapektuhan sa programang ito. Tulad ni Marvin Salom, 11 ng Cabugao, Ilocos Sur, “Haan ko kayat. Nabayag to unayen.” Ganoon din ang wika ni Andrea Suarez, 9 taong gulang na taga Dagupan, “Ayaw ko po. Matagal.”

Sa kabilang dako naman ay may mga naniniwala pa rin na ang K12 ng gobyerno ay makakatulong nga sa pag aangat ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa.

Wika nga ni Alice Carolino at may isang anak “okay programang ito (K12) para matuto ang mga bata ng mabuti at para madagdagan pa ang laman ng brain nila”. Dagdag pa niya ito daw ay makakatulong sa kanyang nag-iisang anak.

Dagdag din ni Shara Borac na taga-Baguio “kahit hahaba yung years pwede pa rin at least mas magiging matalino sila, pero un nga lang magastos”. Ika niya rin kahit na magastos kung ito yung makakatulong sa kanilang mga anak pwede na.

“Gusto ko rin madagdagan yung knowledge ko” sabi ni Franz Gonzalez na isang grade five pupil. Wika rin ni Ira Sanchez na grade six pupil “okay po, dahil marami pong matututunan yung mga batang tulad namin.

May kasabihan nga na, “There is no harm in trying” ngunit kaya ba nating mga Pilipino na ilagay sa walang kasiguraduhang sitwasyon ang mga kabataang Pilipino? Ayon nga kay Gat. Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Kaya ba ng gobyerno na ilagay sa alanganin na posisyon ang mga pag-asa ng ating bansa?

Kung kalidad ng edukasyon ang problema sa ating bansa, karapat-dapat lamang na iyon mismo ang pagtuunan ng pansin. # nordis.net

Share