KMU naglunsad ng porum ukol sa prosesong pangkapayapaan

March 27, 2011 in Baguio City, national

By EL
www.nordis.net

By ADELA DEYAEN WAYAS
www.nordis.net

Baguio City — Kaalinsunod sa isang napagtibay na resolusyon ng ika-sampung kongreso ng Kilusang Mayo Uno (KMU), idinaos noong Marso 19, 2011 ang pambansang kumperensya ng mga manggagawa ukol sa prosesong pangkapayapaan na may layuning buklurin ang iisang pagtanaw kaugnay sa kasalukuyang prosesong pangkapayapaan.

Si Rafael Baylosis, kagawad ng Reciprocal Working Committee for Socio-economic Reforms, NDF Panel (RWC-SER,NDF) ay nagbigay ng mga bagong kaganapan sa tinatakbo ng usapang pangkapayapaan.

Noong 2006, isang panig (unilateral) na binagsak ng Rehimeng Arroyo ang usapang pangkapayapaan sa pagkansela nito ng kasunduan sa Joint Agreement on Security and Immunity guarantee (JASIG). Mistulang mabangis na asong rumagasa ang militarisang paglulunsad ng GPh ng Kontra Insurhensiyang Plano nitong Oplan Bantay Laya 2. Pinagyayabang ni Arroyo na makakamit ang pagkawasak ng CPP-NPA-NDF sa taong 2010.

Nagpahayag ang NDF na muling makikipagusap ito ukol sa kapayapaan sa susunod na mailuklok na administrasyon sa mga parehong tuntunan na walang pre-condition, no capitulation at pagtibay sa mga napagkaisahang mga kasunduan.

Paano at bakit muling nagbukas ang Peace talks, tanong ni Baylosis? Naging bukas ang NDF sa dalawang positibong pangyayari.

Winalang bisa ni PNoy ang naunang desisyon ni Arroyo noong 2006 na ikansela ang JASIG. Muling napatibay ito at natiyak ang Safety and Immunity Guarantee ng mga NDF peace panel, consultants, staff at lahat na kinauugnayan ng mga NDF peace panel.

Sa unang pagkakataon sa tinakbo ng usapang pang-kapayapaan, noong exploratory talks sa Hongkong, isang opisyal ng gobyerno, si Atty. Alex Padilla, tagapangulo ng GPh Peace Panel ay nagpahayag na hindi tinuturing ng GPh ang CPP-NPA-NDF bilang teroristang organisasyon. Gayun din ang isang pahayag ng National Security Adviser (NSA) ni PNoy na si riteradong Hen. Ceasar Garcia, dating hepe ng paniktik ng Philippine National Police (PNP).

Ngunit hindi nila ito naitatala sa kanilang mga opisyal na dokumento o pahayag.

Aniya, sa simula pa lamang ng pag-uusap ng NDF at GPh sa Oslo, Norway, naghapag ang NDF ng panukala sa madaliang paglutas ng mga suliraning binabalikat ng ating bansa. Isang “truce and alliance proposal” na nag-aanyong anti-imperialistang koalisyong gobyerno na nagtitiyak sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Hindi ito ininda ng panel ng GPh bagkus, ang inililinaw na kadahilanan ng kahirapan at mabagal na pag-unlad ng bansa ay ang armadong digma na inilulunsad ng CPP-NPA-NDF.

Tiniyak ng NDF panel, sabi ni Baylosis, ang pagsunod sa mga pormal na protocol sa negosasyon (kahit ang pagkaayos ng upuan) at ang pagtibay at palitan ng otorisadong papel ng pagkakatalaga ng mga panel na naging dahilan sa ilang oras na pagkakabinbin ng pagbubukas ng pag-uusap.

Inilinaw ni Baylosis na naglalayong makamit sa usapang pangkapayapaan ang kasunduan sa solusyon ng ugat ng problema ng lipunang Pilipino para makamit ang pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisya.

Dagdag niya, sa anumang panahon, bukas ang NDF sa Usapang Pangkapayapaan sa sinumang nakaluklok na kapangyarihan sa gobyerno. Bahagi ito ng iba pang larangan ng paglaban gaya ng elektoral, legal na labanan sa korte at ang militanteng kilos masa. Isang porum din ang usapang pangkapayapaan upang mabilis, malawak at napapanahong naililinaw ng NDF ang kanyang programa.

Mahalagang pagkakataon ito upang hamunin ang GPh na magsagawa ng mga batayang reporma. Ang maaring gawin ng GPh, aniya, ay mapag-isipan at maikonsidera ito o iwalang bahala at gawing paraan ng panlinlang sa mamamayan.

Sa ngayon, mas kumikiling ang GPh na gawing paraan ng panlinlang sa taongbayan ang usapang pangkapayapaan at isagawa ang marahas na pagsupil sa lehitimong paglaban ng mamamayan. Dinamitan ng kung ano anong palamuti at kosmetikong nakaka-enganyo ang mabangis na mukha ng gobyerno at AFP sa bagong Internal Security Operational Plan, Oplan Bayanihan.

Kasalukuyan ang paglulunsad ng NDF panel ng mga konsultasyon at pakikipagusap sa ibat ibang sector upang maitaas ang kamulatan at mapangahas na bantayan ng mamamayan ang mga nakakamit na tagumpay.

Sa Hunyo isasagawa ang ikalawang pag-uusap upang talakayin ang mga panukala para sa kasunduan sa Repormang Panlipunan at Ekonomiko at pinaghahandaan ang panukala para sa political and constitutional reforms para sa ikatlong pag-uusap.

Hindi nakayanang dumalo ang naimbitahang kagawad ng GPh Peace Panel na si Atty. Pablito Sanidad. Binasa ang pagpugay na bati ng ambassador ng Norway para sa porum. # nordis.net

Share