KMU handa sa hamon ng panahon

March 20, 2011 in Cordillera, Featured, national

By MARY LOU MARIGZA at ADELA DEYAEN WAYAS
www.nordis.net

BAGUIO CITY — Idinaos ang ika-sampung Kongreso ng Kilusang Mayo Uno (KMU), dito, sa Teachers’ Camp noong Marso 16- 19 na dinaluhan ng 233 delegado mula sa 10 pederasyon ng KMU sa buong bansa. Sa loob ng apat na araw, tinalakay sa kongreso ang mga isyung hinaharap ng kilusang manggagawa at mga hakbangin sa pagpapatatag ng pagbubuklod ng unyong palaban.

FOR THE NEXT GENERATION. Kilusang Mayo Uno (KMU) marches for justice and peace culminating its 10th National Congress held at Teachers’ Camp, Baguio City. Photo by Adela Deyaen Wayas/nordis.net

Sa pagbubukas ng tagapangulo ng KMU na si Elmer “Ka Bong” Labog binalik tanaw niya ang mga nagdaang kongreso. Aniya, hinarap ng KMU ang malawakang tanggalan sa trabaho dulot ng krisis pampinansya sa buong daigdig noong 2008.

Hinarap din nito ang pagpapanalo ng mga progresibong lider manggagawa sa mga posisyon sa gubyerno.

Pinarangalan at binibig-yang pugay ang mga bayani ng kilusang manggagawa: KMU Chairperson Emeritus Crispin “Ka Bel” Beltran, Ka Wilson Baldonaz, Ka Douglas Dumanon at PISTON-KMU President Emeritus Ka Medardo Roda, at si “ka Jun”, Lorico Espejo Jr. ng Cordillera.

Sinabi ni Ka Bong na lalong tumitindi ang krisis ng kapitalismo at pagpapahirap sa mga anakpawis. Ngunit lalo namang naghuhumiyaw ang mga manggagawa para sa tunay na unyonismo, hustisya at kalayaan.

Inilahad din ni Ka Bong ang nais matupad ng ika-sampung Kongreso gaya ng pagsusog sa Konstitusyon, eleksyon at pagbubuo ng plano mula 2011-2014.

Prof JMS

Samantala, sa unang araw ng kongreso, nagbigay ng talumpati si Prof Jose Maria Sison, Tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggles sa pamamagitan ng video. Binati niya ang mga manggagawa sa malalaking tagumpay at sa pagtindig bilang tunay at pinakaprogresibong sentrong manggagawa sa Pilipinas.

Binaybay ni Prof Sison ang kasalukuyang krisis ng imperyalismo dahil sa patakarang neoliberal na globalisasyon. Kaakibat ng global na krisis, aniya, tumaas ang tantos ng kawalan ng trabaho at tumataas ang presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang bilihin na nagdudulot ng higit na kapinsalaan sa buhay ng mga mamamayan sa buong mundo.

Sa gayon, hinimok ni Prof Sison ang KMU na isulong ang pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya laban sa rehimeng US-Aquino at sa buong naghaharing sistema. Dapat komprontahin at tutulan ang patuloy na pangangayupapa sa US at sa mga diktang patakaran sa reaksyunaryong gubyerno, aniya.

Sinabi pa ni Prof Sison na tama na manawagan ang KMU ng lakas-loob na pagpapalawak at matibay na konsolidasyon at para sa walang humpay na mobilisasyon ng mga manggagawang Pilipino. Ang tagumpay sa Pilipinas ay ambag sa pakikibaka ng mamamayan ng daigdig para sa isang bago, makatarungan at mas mabuting daigdig.

Pambansang kalagayan

Ibinahagi naman ni Ka Satur Ocampo, tagapangulo ng Makabayan, ang kasalukuyang kalagayang pambansa. Binanggit ni Ka Satur na walang inihapag ang bagong gubyerno ni Pangulong Noynoy Aquino na tunay o makabuluhang programa ng pagbabago sa maling mga patakarang tinunton ng nagdaang mga gubyerno, mula kay Cory Aquino hanggang kay GMA.

Sa ulat ni Ka Satur, ang katangian ng ekonomiya ay ang nananatiling atrasadong agrikultura, palusaw na industriya (de-industrialisasyon), lumalaking kawalan ng trabaho, lumulubhang kahirapan at tagibang na agwat ng mayaman sa mahirap. Patuloy din aniya ang krisis sa pinansya ng gubyerno at lumalala ang pagkasira ng kapaligiran.

Idinagdag din ni Ka Satur na ang manupaktura ay tuloy-tuloy na bumababa at noong 2010 ay 22.5 na lamang. Dominado ng mga dayuhang empresa ang manupaktura (tulad ng electronics, awto, gamot at parmasyutikal) at wala itong kawing sa lokal na ekonomya.

Samantala, palagian aniya ang pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin ngunit kakaunti lamang ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Ang mga patakarang pang-ekonomiya ni PNoy ay pagpapatuloy ng Medium Term Phil. Development Plan na mas agresibong nagpapalawig ng pribatisasyon, ani Ka Satur. Ipinunto din niya na ang mga napiling Gabinete ni PNoy ay sangkot sa pagtatakda at pagpapatupad ng pang-ekonomiyang patakaran at proyekto ng malalaking interes sa negosyo.

Binanggit din niyang ang plano sa Charter Change ay itinutulak ng US tulad din ng sa ibang bansa para itulak ang mga reporma sa ekonomiya at pulitika na naglalayong buwagin ang mga partidong pulitikal na nagsusulong ng mga pambansang agenda. Haharapin din ng mamamayan ang bagong counter-insurgency plan ng US-Aquino regime na Oplan Bayanihan na nagtatangkang puksain ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng kombat at non-kombat na pamamaraan.

Sa pagwawakas, sinabi ni Ka Satur na mas matinding labanan ang susuungin ng KMU at kapanalig nitong mga progresibong organisasyon sa pagkamit ng makabuluhan at makatarungang pamamahagi ng salaping kinikita at yamang pinalilitaw. Kabilang dito ang pagtataas ng batayang sahod, tunay na repormang agraryo, progresibong pagbubuwis, serbisyong pang-edukasyon, pangkalusugan, murang pabahay at iba pa.

Tuloy ang Laban

Binigyang-diin ni Ka Bong na kapit-bisig pa ring lalabanan ng mga manggagawa at uring anakpawis ang mga anti-manggagawang polisiya at pagsasamantala ng gobyerno at ng mga kompanya. Aniya, marami mang lider ang pumanaw mula sa kanilang hanay ay patuloy pa rin silang kikilos. Sa huli, binaybay pa ni Ka Bong ang mga kataga mula kay Abrano Sarmiento Jr, “Kung hindi tayo magsasalita, sino ang magsasalita. Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos. Kung hindi ngayon, kailan pa.” # nordis.net

Share