Pangrehiyong kumbensyon ng Kabataan Partylist idinaos
March 31, 2007 in Cordillera, elections, general
BAGUIO CITY (Mar. 30)—Idinaos ang panrehiyong kumbensyon (Regional Convention) ng Kabataan Partylist, ang pinakamalawak na organisasyon ng mga kabataan sa buong Pilipinas, noong Linggo, Marso 25 sa Igorot Park, Baguio City na dinaluhan ng humigit-kumulang 350 kabataan mula sa iba’t ibang probinsiya ng Kordilyera.
Bagaman umuulan-ulan, matagumpay na naidaos ang kumbensyon na nagumpisa sa isang motorcade bandang 11:30 ng umaga. Ang motorcade nagsimula sa Baguio Convention Center papuntang Session Road at Baguio Public Market at nagtapos sa Igorot Park. Mahigit 10 dyip ang dumalo sa nasabing motorcade.
Ayon kay Kristoffer John Panem, Coordinator ng Kabataan Partylist-Kordilyera malaki ang papel ng kabataan sa darating na halalan. “Papatunayan ng mga Kabataan ang kanilang pagiging pag-asa ng bayan sa pamamagitan ng paglahok sa eleksiyon. Marapat lamang na makiaalam ang mga Kabataan sapagkat ang 40 poryento ng pangkabuuang populasyon ng bansa ay bibigyang boses sa Kongreso,” aniya.
Dagdag pa ni Carl Marc Ramota, pambansang pangalawang pangulo ng Kabataan Partylist, sa darating na eleksyon dapat manindigan ang kabataan para sa pagsusulong ng kanilang karapatan at kagalingan. Aniya ang karapatan sa edukasyon at disenteng empleyo o trabaho and dalawang pangunahing isyu na nararapat bigyan ng diin ng mga kabataan.
Hinamon naman ni Mark Chester Tuazon, coordinator ng Kabataan Partylist-Benguet ang mga delegado ng kumbensiyon. “Dapat nating palawakin pa ang ating hanay upang maisulong at maipagtagumpay ang ating mga lehitimong karapatan,” aniya.
Ayon kay Antoni Karl Riva, miyembro ng panrehiyong sekretaryat ng Kabataan Partylist, mayroong mahigit 2000 kasapi ang Kabataan sa Kordilyera. Ipinakilala din ang mga nominado at provincial Coordinators ng Kabataan sa Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.
Bilang pagtatapos ng kumbensiyon, isang libreng konsyerto ang inihandog ng Kabataan Partylist para sa mga mamamayan ng Metro Baguio lalo na sa mga kabataan. Nilahukan ng mahigit na 10 lokal ng banda mula sa Baguio City ang konsyertong ito.
Ipinalabas din sa naturang konsyerto ang isang video hinggil sa oryentasyon ng Kabataan kung saan narrator sina Atom Araullo, host ng KABATAAN Express at Angela Colmenares, isa sa mga nominado ng Kabataan Partylist.
Samantala, inendorso ng ilang sa mga sikat na kabataang artista ang Kabataan Partylist tulad nila Angel Locsin, kapatid ni Colmenares, Dennis Trillo, Dino Concepcion ng bandang Brownman Revival kasama din sina Ciara Sotto at Paolo Balesteros. # Keidy M. Transfiguracion para sa NORDIS
hipo,,pedi po ba akong sumali sa kabataan express,,,magaling naman po akong mag,,broadcast eh!!!! cge napo pls,,,,,,,thats is my ambition eh!!!hehehehhehe