Tula: Ikaw

September 28, 2010 in literary

Ni AUREA ESTAYO
www.nordis.net

Gusto kong dukutin
at lasapin ang iyong mga mata
at higupin ang iyong mga luha
upang malaman
kung ito ay mapait o matamis ;
kung ang luha mo
ay luha ng lungkot o pag asa.

Ngunguyain kong parang pandesal
na nabibili sa may Agila
ang iyong mga paa
at pipilitin kong ‘di to maisawsaw
sa mainit na kape dahil baka mapaso ka.
Titiisin ko tong isubo
upang malaman
kung gaano kahirap ang maglakbay
at kung gaano  na kalayo ang narating mo.

Kakagat kagatin ko
ang  mga kamay mo
na singkapal ng tsinelas na rambo
upang malaman ko
kung gaano kabigat
ang mga trabahong ginagawa mo
at kung gaano na karami ang natapos mo.

Sisimutin ko ang utak mo
tulad ng pagsimut sa bagong panis na pansit
ng mga batang musmos sa lansangan
na iniwan sa isa sa mga apo ni Eba.
Nanamnamin ko ng husto
ang utak mo upang madagdagan
ang mga prinsipyong dinadala ko
ngunit magtitira pa rin ako
para maisip mo rin ako.

Hihigupin ko hanggang masaid
ang puso mo
tulad sa paghigop ni bunso sa zesT-O
na pasalubong ni ina galing sa kung saan.

Uubusin ko ang puso mo
upang pagnatunaw ka na 
kakalat ka sa buo  kong katawan
at mananatili ka rito.
Magiging bitamina ka
  na siyang susugpo sa lahat ng sakit ko.
 
….Pasensya ka na kong di kita masubo ng buo
at kung bakit ito lang ang kaya kong simutin.
Natatakot kasi ako
na baka  kakainin mo rin
ang buo kong pagkatao # nordis.net

Share