Charlie A. Bruzon
August 27, 2006 in Baguio City, economy, social concerns
Charlie A. Bruzon
Taxi Driver, TOTAL-Radio Action Group
Interviewed by Brenda S. Dacpano
Una, di pantay ang pagpapatupad ng batas trapiko ng mga pulis. Halimbawa, ang mga drayber ng mga pribadong sasakyan ay maluwag nilang hinahayaang lumusot maski lumabag ng batas trapiko samantalang kaming mga drayber ng taxi at dyip ay hinuhuli kaagad. Sana parehas ang trato.
Pangalawa, para mabawasan ang grabeng trapik, alisin ang mga illegal parking at double parking sa mga kalye laluna sa mga kalsadang madalas daanan ng mga sasakyan. Huwag sanang patayin ang mga traffic lights sa gabi laluna sa krosing ng Legarda at Abanao-Harrison. Isang dahilan ito ng trapik at aksidente sa gabi. Ayusin ang mga pinaghuhukay at baku-bakong kalsada gaya ng sa Avelino Street at kalsada ng City Camp na papunta pa man din sa opisina ng City Engineers.
Pangatlo, hindi man isyu ng Baguio, ang grabeng pagtaas ng presyo ng krudo. Sobrang nakakaapekto ito sa aming mga drayber. Halos wala na akong naiuuwing kita. Noong 2002 ay kumikita ako ng P800 kada araw, ngayon ay P300 o halos wala na, kung minsan ay abonado pa ako sa boundary. #
Recent Comments