Mga dapat malaman sa BT talong
August 30, 2010 in agriculture, national
www.nordis.net
(Ang sumusunod ay pinaiksing primer na ginawa ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikutura (MASIPAG) para ipaalam sa publiko ang oposisyon nila sa Bt-talong.)
Mahalagang bahagi ng pagkain ng mga Pilipino ang talong o eggplant. Mayaman ito sa sustansya gaya ng bitamina, minerals, carbohydrates, fiber, fat at protina. Popular itong pagkain ng mga mahihirap dahil bukod sa mura ay madali itong itanim at paramihin.
1. Ano ang Bt-Talong?
Ang Bt-talong ay isang uri ng genetically modified (GM) crop na nilikha sa pamamagitan ng artipisyal na pagsalin ng lahi mula sa isang mikrobyo (Bacillus thuringiensis) sa lupa para magkaroon ito ng sariling lason laban sa mga uod (fruit and shoot borer). Tinatawag din itong Fruit-and-ShootBorer-Resistant talong o FSBR talong at Bt Brinjal sa India.
2. Paano gumagana ang Bt-talong para patayin ang uod na Fruit-and-ShootBorer (FSB)?
Kapag kinain ng uod ang katawan o bunga ng Bt-talong, nakakain din nila ang lason na galing sa lahi ng mikrobyo na naisalin dito. Tinutunaw ng lasong ito ang sikmura ng uod. Ang pagkasira ng sikmura ng uod ang nagiging dahilan ng kamatayan nito.
3. Ano ang ating pagtingin?
a. Ginamit na basehan ng mga taga-suporta ng Bt-talong ang dossier o pag-aaral na ginawa ng Mahyco. Nakakapagtaka sapagkat mismong sa India kung saan nagmula ang Bt-talong ay nagkaroon ng moratorium upang ito ay masusing mapag-aralan. Wala pang impormasyon kung mayroon nga bang lokal at independiyenteng pag-aaral dito sa Pilipinas hinggil sa Bt-talong.
b. Kung maaaprubahan ang komersyalisasyon, ang Bt-talong ang kauna-unahang GM crop na pagkain sa bansa. Ilalagay nito sa alanganin ang kalusugan ng mamamayang Pilipino lalo na at kabilang ang talong sa pang-araw araw na pagkain.
c. Dahil sa maluwag na biosafety law dito sa Pilipinas at maka-GMO na regulators, ginagawang staging grounds ang ating bansa sa komersyalisasyon ng GM crops. Sa Asya, isa ang Pilipinas sa nag-apruba ng napakaraming bilang ng GM crops.
d. Pinipigilan ng ganitong mga teknolohiya ang malayang pagpapalitan ng binhi ng mga magsasaka gaya ng hybrid Bt-talong na kada taniman ay kailangang bumili ng mga magsasaka sa mga seed companies. Sa pagsasa-pribado ng binhi, tinatayang tataas din ang gastusin ng mga magsasaka.
e. Wala ding ginawang konsultasyon sa mga magsasaka hinggil sa paggamit ng mga native talong varieties. Maaaring mawala din ang mga native talong varieties dahil sa kontaminasyon.
f. Maraming mga paraan para sagutin ang mga problema ng mga magsasaka ng hindi na kinakailangan pa ng Bt o GMO technology. Isa na dito ang likas-kayang pagsasaka upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka sa pagkain at kabuhayan.
4. Ano ang naging pagsusuri ng mga independyenteng siyentista sa dossier na ipinasa ng Mahyco?
Maraming problemang lumabas sa dossier o ulat sa Bt-talong ayon sa pag-aaral ng mga independyenteng siyentista?
a. Ang ulat hinggil sa pag-aaral ng Bt-talong ay ginawa mismo ng Mahyco, ang lumikha ng Bt-talong. Walang naging independyenteng pagsusuri dito.
b. Hindi tugma ang pag-aaral na ginawa ng Mahyco sa kakayahan ng lason na pumuksa (toxicity test) ng mga target at at iba pang insekto sapagkat ang lason ng Bt-talong ay kaiba sa lason na kanilang iniulat (improper Cry1 toxin) sa dossier.
c. Kakaiba ang alkaloid content ng Bt-talong at mas mababa ang porsyento ng enerhiyang makukuha (lower kcal) sa pagkain nito kumpara sa natural na talong.
d. Nagtataglay din ng resistensya sa kanamycin (ang kanamycin ay isang uri ng antibiotic) ang Bt-talong. Nangangamba ang mga siyentista sapagkat maaaring lumipat ang katangiang Bt-talong.
e. Maigsing panahon lang ang ibinigay para pag-aralan ang toxicity ng Bt-talong sa mga hayop. Hindi sapat ang 90 araw na pag-aaral sa hayop upang makita kung maaring magdulot ng kanser o tumor sa pagitan ng mga salinlahi (intergeneration studies).
f. Dahil cross-pollinated din ang talong (may 2% hanggang 48% na posibilidad), mataas ang tendensiya na magkaroon ng kontaminasyon sa mga native na varieties. Maari din nitong mahawahan ang tabako, sapagkat ito ay malapit na kamag-anak ng talong.
g. Maaaring makalikha ng mga bagong kemikal ang proseso mismo ng pagsalin ng lahi (genetic modification) na maaaring makasama sa kalusugan ng tao. Walang pag-aaral (protein analysis) na ginawa ang Mahyco upang siguraduhin na walang bagong kemikal na nalikha dahil sa genetic modification.
h. Limitado ang naging pag-aaral sa epekto nito sa kalusugan. Gumamit lamang ang Mahyco ng iisang rat study at nakita na marami itong problema. Ang karaniwang dami ng laboratory test sa dugo ng daga ay umaabot ng 18 hanggang 20 na pagsusuri (biochemical measurements) upang mataya ang kalusugan nito. Sa pag-aaral ng Mahyco, pito lamang ang ginawa nitong pag-susuri.
5. Ano ang status ng Bt-talong sa Pilipinas?
Sa kasalukuyan, dinenebelop ito ng Institute of Plant Breeding sa Univeristy of the Philippines, Los Banos (IPB-UPLB) sa pangunguna ni Dr. Desiree Hautea. Nakuha nila (sublicensed) ang Bt gene ng royalty-free o walang bayad mula sa Mahyco. Sinuportahan ito ng USAID, gayundin ng Cornell University sa pamamagitan ng Agricultural Biotechnology Support Project (ABSP) II nito. Maaring ginawang libre ang paggamit ng Bt gene upang itulak ang pagdebelop at pagtanggap ng mga GM food sa Pilipinas.
Ginagamit nila ang pamamaraan ng backcrossing upang makuha ang katangian ng Bt-talong ng India tungo sa native talong varieties ng Pilipinas. Tinatayang nasa ika-apat o ikaanim stage na ang backcrossing sa mga native varieties gaya ng Mara at mga BT-talong sa experimental farm sa CBSUA, Camarines Sur, Dumaguete Long Purple sa Bt-talong ng India. Matapos ang apat o anim na backcrossing, tinatayang naisalin na sa mga anak nito (progenies) ang kalakhan ng lahi ng orihinal na variety at ang BT gene.
Nalagpasan na ng mga proponents ng BT talong ang contained trial (2003) at confined field trial (2007). Sa ngayon, inaprubahan na ng National Biosafety Committee (NCBP) ang multi-location testing sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas partikular ang University of the Philippines Los Banos, Laguna; Central Bicol State University of Agriculture, Pili, Camarines Sur; Sta. Maria, Pangasinan.
Hinihintay pa sa ngayon ang permiso ng mag-trial sa mga susunod na lugar: Visayas State University, Baybay, Leyte at Sta. Barbara, Iloilo; University of Southern Mindanao, Kabacan, North Cotabato at UP Mindanao, Davao City.
May mga ulat na nakapag-harvest na ng Bt-talong sa Pangasinan (July 3) at Camarines Sur (May 20).
Matapos ang multi-location, isu-submit na ito sa Bureau of Plant Industry para sa approval upang i-komersyalisa ito. Tinataya na sa huling kwarto ng susunod na taon (2011) ay tuloy na ang at ito din ang unang GM/biotech crop na ginawa ng pampublikong sektor (UPLB).
Maaaring pumasok din ito sa mga kasunduan sa pagpaparami ng binhi sa Department of Agriculture at sa mga State Colleges and Universities. Plano ng IPB na sa susunod na taon ay makakapagdevelop na ng open pollinated variety (OPV) na tipo ng Bt-talong. Sa taong 2012, balak nilang i-labas ang hybrid Bt-talong kung saan kinakailangan nang bumili ang mga magsasaka ng binhi kada taniman.
Balak din na pumasok sa isang kasunduan para sa commercial production. Maaaring pumasok sa franchising o licensing agreement sa mga seed companies gaya ng East West o Syngenta.
Maraming mga bansa, partikular sa Europa na nag-ban ng GM foods. Maraming mga siyentista at civil society groups ang nagsasabing nilabag ng proseso ng pag-eksperimento ang Cartagena Protocol on Biosafety kung saan pumirma ang India, partikular sa pamamaraan ng mga pampublikong mga konsultasyon at kung paano pinanghahawakan ang mga prinsipyo na gumagabay sa risk assessment. Ang Cartagena Protocol ay isang internasyunal na kasunduan sa GMOs. # nordis.net
Recent Comments