Pagmimina sa Ilocos, kinondena ng masa

August 23, 2009 in Ilocos

By Roda Tajon
www.nordis.net

VIGAN CITY — Kinondena ng isang grupo ng magsasaka sa rehiyon ng Ilocos ang panibagong bugso ng pagmimina sa probinsya ng Ilocos Sur, partikular sa karagatan ng Metro Vigan upang mangalap ng tangigi o magnetite sand.

Ayon kay Zaldy Alfiler, pangkalahatang kalihim ng Solidarity of Peasants against Exploitation (STOP Exploitation), mula aprubahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang mga exploration permit ng Colossal Mining Corporation noong 2007, nagsimula nang minahin ng kumpanyang ito ang mga karagatan gamit ang mga barko na nagresulta sa pagkabahala ng mamamayan sa apat na munisipyo ng Metro Vigan.

Ang mga munisipyong apektado ng pagmimina ng magnetite sand ay ang mga karagatan sa munisipyo ng Caoayan, Sta. Catalina, San Vicente at siyudad ng Vigan.

Dagdag ni Alfiler, hindi lamang ang probinsya ng Ilocos Sur ang apektado ng nasabing pagmimina. Ilan sa mga probinsyang kasama sa 19, 000 ektarya ng karagatan na inaprubahan ng MGB ang Ilocos Norte, La Union, at Pangasinan.

“Tiyak na maapektuhan ang kabuhayan ng mamamayan sa ganitong mga gawain,” ani Alfiler. “Lumalalim na ang dagat at nag-iba na ang alon, batay sa mga ulat ng mga residente ng Sta. Catalina at Caoayan, at hindi maiiwasang magkaroon ng pagtagas ng petrolyo ang mga barko,” dagdag pa nito.

Sa pananaliksik ng STOP Exploitation, hindi umano dumaan sa public hearing ang pagmimina. Bukod pa rito, hindi ang Colossal Mining Corporation mismo ang gumagawa ng pagmimina kundi mga dayuhang barko na nag-ooperasyon tuwing gabi. Paglalarawan nga ni Alfiler, “para silang mga magnanakaw na nang-oomit ng mga kayamanan ng ating bayan.”

Nanawagan ang STOP Exploitation sa iba’t ibang sektor upang magkaisa at tutulan ang pagmimina sa mga karagatan ng Ilocos.

Ayon kay Alfiler, nagsimula nang magpahayag ng kanilang pagtuligsa rito ang iba’t ibang lokal na gobyerno tulad ng Sta. Catalina na gumawa na ng mga hakbangin upang ipaabot ang kanilang pagtutol dito. “Nagsisimula na rin ang pag-oorganisa namin sa mamamayan dito upang makiisa at tutulan ang mga mapanirang pagmimina sa karagatan ng Ilocos,” adgdag pa niya.

“Kailangang tutulan ang mapanirang pagmimina dahil sa huli, ang magpapasiya sa tagumpay ng laban na ito ay ang mamamayan makikibaka para sa maningning na bukas ng susunod pang henerasyon,” pagwawakas ni Alfiler.# nordis.net

Share