Katutubong sining

May 3, 2009 in Cordillera, general, indigenous by editors

Ni BRENDA SUBIDO-DACPANO
www.nordis.net

Sunud-sunod ang klik ng aming kamera upang maisalarawan ang mga katutubong sayaw na bihira nang mapanood sa panahong ito. Sayaw ng ibon ng mga Igorot ng Kordilyera at sayaw ng lawin ng mga Talaandig ng Bukidnon.


Youth and Artists of Talaandig Tribe. Photo by Brenda S. Dacpano/nordis.net

Naantala ang aming pagdating sa Ankileng, Sagada kung saan ako dumalo ng Araw ng Kordilyera, kasama sina Tito (kartunista ng Nordis) at Noel (layout artist/photographer) noong Abril 23. Halos patapos na ang mga workshop na gusto kong matunghayan kaugnay ng katutubong musika, mga instrumento at sayaw; at kaugnay ng katutubong pagkain. Hinggil sa paggawa ng tapey at katutubong sayaw na lamang ang aming naabutan. Ang mga ito ay bahagi ng programa ng Araw ng Kordilyera.

Ang idinaos na arts workshop sa Sagada ay bahagi ng cultural exchange na programa ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) sa pagitan ng grupong Youth and Artists of Talaandig Tribe mula sa Sungko, Lantapan, Bukidnon sa Mindanao. Ang workshop kaugnay ng pagpipintura gamit ang lupa bilang pintura (soil painting) ay hindi naisagawa dahil sa kakapusan ng oras. Mabuti na lamang at naisagawa rin ito sa Baguio bago bumyahe ang mga kaibigang Talaandig.

Ang kalikasan ay bahagi ng kultura at dito nanggagaling ang tunog. Ang musika ng mga Talaandig ay halaw sa kalikasan, ayon kay Waway, mula sa grupong Youth and Artists of Talaandig Tribe, na nagbahagi ng kanilang kultura. Ang musika ang siyang nagbibigkis ng lipunan. Ang kanilang chant ay mula sa tunog ng bubuyog. Nagkakaroon ito ng pattern na maihahambing sa daloy ng tubig sa ilog na dumadaan at humahampas sa mga bato. Ang kanilang unang instrumentong pangmusika ay isang malaking tambol na ayon sa isang kwento ay siyang nagligtas kay Bae Ginamayong na kanyang ninuno mula sa malaking pagbaha sa pamamagitan ng pagsakay rito.


Frog dance in Ankileng, Sagada. Photo by Noel D. Godinez/nordis.net

Masaya ang pagbabahagi ni Waway sa kanilang kultura laluna nang ipakita niya ang kubing na tunog ng ibong kalaw. Ito ay gawa sa maliit na piraso ng kawayan. Masasabing ito ang unang instrumentong gamit sa komunikasyon ng mga magsing-irog noong unang panahon, parang text messaging sa kasalukuyan.

Nakagisnan na ni Waway ang musika at paggawa ng mga instrumento. Sariling gawa ng kanyang ninuno ang mga instrumentong pangmusika. Ngunit nahigop siya ng kultura ng banyaga at ng gitarang may anim na string. Dalawampung taon ang nakalipas bago siya bumalik sa kanyang tribu at muling yakapin ang nakagisnang musika at kultura. Gumawa siya ng tambol at iba pang katutubong instrumentong pangmusika upang buhayin ang katutubong musika na unti-unti nang naglalaho.

Si Balugto, kasamahan ni Waway sa grupo ay gumawa rin ng instrumento na tunog palaka. Yari ito sa kawayan na dalawang piraso na kung pagkuskusin o pagtuktukin ay magtutunog palaka. Ang imbensyong ito ay makikita na sa museyo ng Taiwan.

Maging ang mga sayaw ay halaw rin sa kalikasan. Ang sayaw ng lawin ng mga Talaandig ay malamyos ang galaw na para bang lumilipad sa kalawakan, dinadama ang haplos ng hangin at nakatunghay sa lupa na naghahanap ng pagkain. Ang sayaw ng ibon ng mga Igorot ay malamyos ngunit may pabiglang paggalaw, nag-iiba-iba ang bilis at galaw ayon sa okasyon kung saan ito isinasayaw.

Marami ang sumali sa pagsayaw mula sa komunidad ng Ankileng at delegado mula sa iba’t ibang lugar ng bansa at ibayong dagat noong Araw ng Kordilyera sa Sagada. Maging ang workshop na idinaos sa Victor Oteyza Community Arts Space (VOCAS) sa Baguio na dinaluhan ng ilang kabataan at di pa naman katandaang gaya ko ay napaindak sa tugtog ng mga tambol, kaluping at udal-udal (ulan-ulan, na gawa sa mga sungay ng kambing). Itinuro rin nila ang sayaw ng palaka. “Parang madaling sayawin kung tinitignan pero mahirap din pala dahil nakakangawit at parang napipilipit ang iyong braso,” ayon sa isang sumubok sumayaw nito.

Sina Balugto, Waway at Soliman, ay nagbahagi ng kanilang talento sa pagguhit. Tatlo sila sa grupo na gumuguhit gamit ang lupa bilang pintura. “Maaari pa rin tayong gumuhit nang hindi gagastos ng malaki,” ayon kay Waway. Ang mga lupang ginagamit sa pagpinta ay galing sa iba’t ibang lugar. Ang bawat lugar ay nagtataglay ng iba’t ibang kulay ng lupa. Ayon kay Balugto, ang kulay berdeng lupa ay mula sa mga kuweba. Ang lupa ay hahaluan ng tubig ag white glue upang dumikit sa kanbas. Kapag natuyo ang ginuhit mas maiging patungan ito ng acrylic emulsion upang mapreserba.

Si Balugto ay nakatanggap ng unang gantimpala sa buong Mindanao sa isang guhit niya gamit ang lupa. Ang soil painting naman ni Soliman ay makikita sa YouTube. Ang mga soil painting nila ay matutunghayan sa Kalinawan Arts Foundation sa Mindanao at sa kalinawan.com. # nordis.net