P95/kilo ng tabako ipinanawagan
April 19, 2009 in agriculture, general, Ilocos
By ROD TAJON
www.nordis.net
VIGAN CITY — Isang grupo ng magsasaka sa Ilocos ang nanawagan na itaas ang presyo ng tabako sa P95 kada kilo batay sa kanilang ginawang pag-aaral sa gastos ng magsasaka sa produksyon ng tabako.

STOP Exploitation leaders present the issues concerning tobacco farmers during their dialogue with NTA officials at NTA-Vigan Branch. Photo courtesy of STOP Exploitation
Ayon sa Solidarity of Peasants against Exploitation (STOP Exploitation), isang panrehiyong organisasyon ng mga magsasaka sa rehiyon ng Ilocos, tinatayang P22,800 hanggang P23,000 ang kabuuang gastos ng magsasaka sa pagtatanim ng tabako sa kalahating ektarya ng lupain. Kasama sa mga gastusing ito ay ang abono, pestisidyo, pagpapatraktor, pagdidilig, pagtutusok ng tabako, paghahanda ng pugon, gasolina, pamasahe at iba pa para sa 108 na araw ng pagtatrabaho. Dagdag pa ng STOP Exploitation, tinatayang 900 kilo ang abereyds na dami ng produksyon at kabuuang gastos ng pamilya sa isang araw ay P582, makatarungan at sapat lamang na P95 ang kada kilo ng tabako.
“Ang aming kahiligan ay sapat lamang para sa aming mga magsasaka lalo na at humaharap tayo ngayon sa pandaigdigang krisis, lagi’t lagi, nalulugi ang mga magsasaka kaya naman nagreresulta ito sa kawalan ng makakain ng mga kapwa naming magsasaka,” palinawag ni Avelino Dacanay, tagapangulo ng STOP Exploitation.
Ayon naman sa National Tobacco Administration (NTA), umabot nang P85 ang kada kilo ng tabako mula noong huling tripartite conference noong 2007. Sa paliwanag ni Dir. Rodrigo Pagtulingan, kasapi ng Board of Directors ng NTA, ibinatay ang presyo ng tabako sa aktwal na Cost of Production (COP) at 25% return of investment.
Sa pagbabahagi ng NTA sa naganap na diyalogo sa pagitan nila ng STOP Exploitation, ang Grade AA ay nagkakahalaga ng P61, A-P59, B-P57, C-P55, D-P50, E-P49, F1-P45, F2-42 at Reject-P20 batay sa physical characteristics ng tabako.
Giit naman ng STOP Exploitation, mas nakikinabang ang mga malalaking kumpanya ng sigarilyo sa pagkakaroon ng grado ng mga tabako. “Nagkakaroon na ng trend na tuwing matatapos ang semana santa, bumababa ang presyo ng tabako. Sa karanasan ng STOP Exploitation, napakaraming magsasaka ang nalulugi pagkatapos ng semana santa, dito pa lang nakikita na kung sino ang nakikinabang nang husto sa hirap ng mga magsasaka,” ani Dacanay.
Samantala, nanawagan din ang STOP Exploitation na makilahok sila sa Tripartite Conference para maibahagi rin nila ang kanilang pag-aaral sa kalagayan ng mga magsasakang nagtatanim ng tabako. “Matagal nang panahon mula noong huli kaming nakilahok sa Tripartite Conference, at nakita naming kailangan isulong ang interes ng mga magsasakang nagtatanim ng tabako sa talakayang ito,” dagdag pa ni Dacanay.
Sagot naman ng Pagtulingan, hindi malabong mapagbigyan ang kanilang kahilingan. “Hindi naman mabigat itong kahilingan nila. Basta makapagpasa sila ng representasyon ng mga tobacco farmers sa mga probinsya.”
Ginaganap ang Tripartite Conference tuwing dalawang taon. Ang huling tripartite conference ay naganap noong 2007 kung saan ipinatupad ang mga presyo ng tabako. Ang mga tinaguriang Virginia Tobacco Provinces ay ang mga probinsya ng Ilocos Norte, Sur, La Union at Abra.
Ilan pa sa mga panawagan ng mga magsasaka ay ang pagbibigay ng subsidyo para sa produksyon ng mga magsasaka, pagdiretso ng pondo ng RA 7171 sa mga magsasaka at papatupad ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Ayon kasi sa pag-aaral ng STOP Exploitation, tinatayang ¼ na ektarya lamang ng lupa ang sinasaka ng mga magsasaka at malaking bilang ng mga magsasaka ay nakikisaka lamang. Ang nasabing diyalogo sa pagitan ng NTA at STOP Exploitation ay dinaluhan ng mahigit 30 magsasaka. # nordis.net
Recent Comments