Select Page

Kababaihan hindi masaya sa hatol na dismissal ng kawani ng DepEd

< 1 MIN READ

BAGUIO CITY ― “Hindi ako masaya sa desisiyon ng Civil Service Commission (CSC) sa hatol kay Wilgetcortez Godoy…may kuwestiyon sa desisyon,” ani Sofia Bermudez, sa isang press conference ng Innabuyog-Gabriela nitong Huwebes.

Noong Enero 12, 2007 ay binagsakan ng upuan ni Godoy ang katrabaho niyang si Bemudez. Tinangka rin ni Godoy na bagsakan ng typewriter si Bermudez pero hindi natuloy dahil pinigilan din ng isa pa nilang katrabaho. Kapwa sila empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Cordillera.

Sa desisyong inilabas ng CSC noong Agosto 21, natagpuang nagkasala si Godoy ng Grave Misconduct at Conduct Prejudicial . Hinatulan ng dismissal, hindi na makakapagtrabaho sa kahit anong pampublikong tungkulin si Godoy, subali’t makatatanggap pa rin siya ng benepisiyo mula sa kanyang pagreretiro nang buong-buo.

“Bago pa nangyari iyong kaso ay gusto na niyang magretiro. Parang wala rin palang saysay iyong ginawang desisyon,” dagdag pa ni Bermudez. “Masaya pa nga siya ngayon,” aniya.

“Nagplay-safe lang ang CSC. Dapat kung may mga kasong ganyan, iyong mabibigat na desisiyon naman ang katapat,” ani Mila Lingbawan-Singson, acting secretary-general ng Innabuyog-Gabriela.

Sa kabilang banda, tagumpay iyong desisiyon dahil si Godoy ay lalabas sa kanyang tungkulin na may record o ‘exiting with disgrace’, iyon nga lang ay kuwestiyonable iyong hindi man lang nabawasan iyong benepisiyong kanyang matatanggap, ayon kay Vernie Yocogan-Diano, chairperson ng Innabuyog-Gabriela.

“Sana kahit kalahati naman ng benepisiyo niya ay makaltas, kung marunong lang sana siyang magpakumbaba,,,mas human o makatao iyon,” ani pa ni Bermudez.

Tinitingnan pa kung magsasampa ng reconsideration sa CSC si Bermudez. Samantalang naipanalo na niya ang administrative case, nasa proseso naman ng paglilitis ang criminal case na kanya ring isinampa laban kay Godoy. # Maria Lalaine Balot Gulan

About The Author

northern dispatch

is an online, alternative media outfit reporting events and issues from the people’s perspective in Northern Luzon.

Share This
Verified by MonsterInsights