Tula: Halina, sa hanay ng magsasaka

August 25, 2008 in general, literary

Ni HELENA

O kaibigan ko, wala ka bang ginagawa?
Isa ka ba sa mga nagtatanong
nag-uusisa at nagtataka?
May nais ka bang malaman,
matutunan at maunawaan?
Kung bakit ganito at ganyan
ang kalagayan ng ating lipunan?

Naitanong mo na rin ba
kung bakit ang mga magsasaka
ay nagpupunta sa Mendiola,
sa DAR at Batasang Pambansa?
Kung bakit maya’t maya, mula sa kanayunan,
naglalakad, nagmamartsa papuntang Maynila
upang doon magprotesta?

Na silang naghahawan ng gubat,
naglilinis ng kapatagan,
nagpatag ng bukirin
at makalipas ay inari at inagaw
ng iilan…

Na silang mga lumilikha ng pagkain
ng ating mamamayan
kakaunti at hindi sapat
ang pagkain sa hapag-kainan,
at ang kanilang kalagayan
ay nilimot ng pamahalaan…

Na silang mga magsasakang ang pawis at lakas
ay nagbubungkal ng lupa, nagpunla ng tanim
buong buhay yapos ang init ng tag-araw,
hinahambalos ng unos sa tag-ulan,
at ang puhunan ay ipinangungutang…

Ating pinagpupugayan ang kanilang sakripisyo
na sila rin ang bumubuo sa kalakhan
ng ating sambayanan;
Na sila rin ang nagbibigay-giting
sa isa sa magandang tanawin ng bukirin
na ating ikinararangal —
ang kamangha-manghang payew ng Kaigorotan.

Subalit ang mga ito ay hindi nilikha
upang ang ating mga mata’y tumunganga
at hindi na makita
ang mga pagsasamantalang nilikha!

Na sila rin ang kabuuan ng ating sambayanan
na patuloy sa pagdurusa
sa gapos ng pyudal na sistema
ng mga panginoong may lupa…

Na silang kapag nag-oorganisa at nagsasama-sama
upang kamtin ang katarunga’t karapatan
karahasan at panunupil sa kanila’y nakaambang…

Kaibigan, masdan natin ang kanayunan
ikinukubli sa ganda ng linang at palayan
ang ‘santambak na sundalo sa pamayanan.
Masdan natin ang kilos protesta sa kalunsuran
na karapatang magpahayag ang salalayan
hayun, ‘sanlibong berdugo ang nakaabang!

O kaibigan, wala ka bang ginagawa?
Isa ka ba sa mga walang pakialam
at nililibang ng lipunang mapanlinlang?
O isa ka ba sa nagdadalawang-isip
at naguguluhan?

Halina sa hanay ng magsasaka…
Damhin natin at masaksihan
ang tunay na kalagayan
na umiiral at nananatili sa ating lipunan
ng sistemang ilan lamang ang nakikinabang.

Halina sa hanay ng magsasaka…
ating mauunawaan ang binaluktot na katotohanan
na ang kanilang nararanasan
ay ‘singtulad sa mga manggagawa at
buong sambayanan.

Halina sa hanay ng magsasaka…
kumilos, maglingkod at makibaka!
Mula sa kanayunan tayo ay magmamartsa
babalikwasin ang bulok na sistema.

Halina sa hanay ng magsasaka…
Para ang mga tanong nati’y masagutan,
ang mga pagtataka ay malinawan —
na kung bakit sa kanayunan
lumalawak, lumalakas
ang sambayanang nag-aaklas!#

Share