Youth Speak: Yearbook*
April 28, 2008 in columns, general, opinion
By ALBERT LAWRENCE IDIA
Sa kasaysayang itatakda ng yearbook ng aming batch na magtatapos ngayong Abril, hindi ako kasama.
Wala naman akong problema sa babayaran. Kahit nga matagal nang tapos ang panahon ng pagkuha ng litrato, sinusubukan pa ng tiyahin ko na mapilit akong kumuha ng yearbook. Palihim akong naiirita sa pagtatangka nitong mag-abot ng pera. Kasama ang nanay ko, pareho nila akong pinapanood habang naghihintay ng bus na pabalik sa Baguio nang minsang umuwi ako sa amin, tinatanong kung bakit hindi ako kumuha. Matamlay lang na “hindi, ok lang… ayoko rin” ang naisasagot ko.
Maganda sanang regalo ang yearbook sa pamilya. Isa na rin sana itong maaari kong balik-balikan tuwing gusto kong maalala ang buhay kolehiyo ko sa UP. Kasama ng diploma, alam kong matamis ito sa panlasa ng nanay at tatay kong talaga namang ginapang ang pag-aaral ko dito. Pero tinamaan ako ng magaling at nagpasya akong wasakin ang kanilang puso sa pagdedesisyon na hind na ako kukuha nito.
Hindi naman sa ayaw ko ng yearbook. Gustong gusto ko ito. Wala lang talaga akong panahon para pag-isipan kung anung magandang creative picture ko, kahit maikling panahon sa pagaayos para sa pictorial, wala akong maibibigay. Kagagaling ko lang sa malagim na semestreng naging pabaya ako sa maraming mga bagay, at dahil nagre-rectify, pinuno ko ang utak ko ng mga bagay na dapat kong habulin at mga dapat simulan. Oo, maraming paraan kung may gusto ka talagang gawin. Pero mas mainam hanapan ng paraan ang mga bagay na dapat o kailangan mong gawin, hindi dahil gusto mo lang.
Hindi ko (pa) naman pinagsisisihan ang hindi ko pagkuha ng yearbook. Dahil sa panahon na nagsisipila ang mga batchmates ko para makunan sila, mayroon naman akong mga nahabol at nasimulan. Kampante akong magiging maayos ang hitsura ng yearbook ng aming batch, iyon nga lang, malamang sa malamang, hindi mawawala ang mga buntong hininga na pakakawalan ko pag nakita kong dumating na ang mga kopya ng marami kong kakilala.
Hindi makikita ang pagmumukha ko sa makinis at makintab na mga pahina ng librong iyon. Hindi maipagmamalaki ang mga organisasyon at institusyong kinabibilangan ko. Hindi na rin nagkaroon ng boses ang mga kakilala ko para ipakilala ako sa isang pahinang magiging akin, kung pinili ko lang kumuha. Hindi naman sa nagmamapait at hindi rin sa pagiging arogante, pero tingin ko, hindi ko na kailangan ng konting espasyo ng patunay na minsan akong nag-aral sa UP. Hindi ko naman mailalagay doon ang biyahe ko sa Hacienda Luisita, Tarlac, para makihalubilo sa mga namatayan at marami pang manggagawang bukid sa pagputok ng masaker noong 2004. Hindi maikwekwento ang pagpunta ko sa Mankayan, Benguet para naman sumuporta sa mga minero noong 2005. Ganun din ang mga mahabang biyahe ko patungong Sabangan, Mountain Province o kaya naman sa Conner, Apayao para magturo. Hindi sasapat ang isang pahina para maibahagi kung ano na ako sa aking pagtatapos sa pamantasang ito. Iyon sana ang gusto kong makita ng mapapadpad sa pahina ko, kung sakali.
Paumanhin, pero kung babalikan ko ang buhay kolehiyo ko sampung taon mula ngayon, hindi yearbook ang babalingan ko. Encapsulated ang historyang tinatangka nitong ikwento sa bawat pahina, no offense sa mga kumuha nito. Magmamartsa pa rin naman ako at maguuwi ng diploma. At kung larawan at larawan din lang, may digicam naman akong pwedeng-pwedeng laspagin pagdating ng graduation mismo. #
* para sa aking mga magulang. At kay PJ na rin na madalas iniiwasan ko dahil masigasig siyang nagtatanong kung kumuha ba ako ng yearbook o hindi.
(Si Albert Lawrence Idia ay nagtapos ng BA Communication (major in journalism, minor in broadcast communication) UP Baguio. Kasama sa mga tinaguriang “Centennial Graduates” siya ay nagbabalak mag-co-community work pagkatapos. Naging intern din siya ng Northern Dispatch Weekly. – Ed.)
Recent Comments