Alyansa ng magsasaka sa Cabugao, IS binuo

February 18, 2008 in general, Ilocos, peasants

CABUGAO, Ilocos Sur (Feb. 10) — Mahigit tatlumpung lider at organisador magsasaka ang nagtipun-tipon upang isulong ang pagkakaisa ng mga magsasaka sa unang asembliya ng Alyansa iti kumpang ti Cabugao (ALKUMPAC) noong Pebrero 10 sa Brgy. Bato, Cabugao, Ilocos Sur.

Ang nasabing asembliya ay pinangunahan ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation), ang panrehiyong alyansa ng mga magsasaka. Ayon kay Zaldy Alfiler, pangkalahatang kalihim ng STOP Exploitation, layon ng nasabing asembliya na pagkaisahin ang mga magsasaka sa bayan ng Cabugao upang higit pang maitaguyod ang isyung kinahaharap ng mga magsasaka sa nasabing bayan.

“Malaking tulong ang muling pagtitipun-tipon ng mga magsasaka dito upang manindigan sa kanilang mga karapatan sa gitna ng pasistang atake ng rehimeng Arroyo,” dagdag pa ni Alfiler.

Sa kasalukuyan, ilan sa mga isyung hinaharap ng mga magsasaka sa nasabing bayan ay ang pagkansela sa mga Certificate of Land Transfer (CLT) na may 22 apektadong magsasaka, militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao, at mababang presyo ng mga produktong agrikultural tulad ng tabako.

Nahalal bilang tagapangulo si Santos Aquino at pangalawang tagapangulo at pangkalahatang kalihim sina Romeo at Elmer Serrano. Samantala, nahalal bilang ingat-yaman si Cresencio Baclig at tagasuri si Pacifico Aquino. Nahirang naman bilang mga Human Rights at Women Officer sina Gemma Purisima, Evangeline Castillo at Rosita Serrano.

Maglulunsad ang ALKUMPAC ng mga serye ng pagkilos tulad ng dialogue, porum at picket sa mga ahensya ng tulad ng Department of Agrarian Reform (DAR) at iba pang ahensya ng gobyernong may direktang kontrol sa mga lupain ng mga magsasaka.

Ayon kay Alfiler, pangungunahan ng ALKUMPAC ang pakikibaka ng magsasaka lalo na sa barangay Bato at Lipit kung saan nagkaroon ng pagkansela sa mga CLT.

“Hindi titigil ang mga magsasaka sa pagigiit ng kanilang karapatang ariin ang lupang kanilang minana pa sa kanilang mga ninuno. Ang mga lupaing ito ay dapat bawiin at ipagkaloob sa mga tunay na may-ari nito, ang mga magsasaka ng Lipit at Bato,” pagwawakas ni Alfiler. # Rod Tajon/ NORDIS

Share