Baguio bulk water project, kanselado
February 18, 2008 in Baguio City, general
BAGUIO CITY (Peb. 13) — Pinal nang kinansela ng Baguio Water District Board ang bulk water project na nai-award sa Benguet Corporation pagkaraan ng dalawang taong contract review dahil umano ay hindi nagkasundo sa “terms of reference” and magkabilang panig.
Nanalo ang BC sa bidding sa presyo nitong P39.99 kada metriko kwadrado ng tubig.
Sa lingguhang talakayan ng radyo ng bayan kahapon, sinabi ni BWD General Manager Teresita de Guzman na ikinonsidera ang parametric formula at rebasing sa kanilang isinagawang contract review.
Aminado si de Guzman na apektado ang nanalong buying rate ng BC sa pagtaas ng labor cost, foreign exchange at power cost.
Nais din aniyang itaas ng nanalong kumpanya sa P53 ang dating tawad nitong P39.99 pesos per cubic meter.
Ngunit nananaig ang probisyon ng Government Procurement Reform Act kung saan hindi basta-basta itaas ang anumang presyo sa kontrata kung ito’y dumaan na sa kaukulang “bidding.”
Sinabi ni de Guzman na dahil dito ay ipinasya ng board na nagkaroon ng failure of bidding at idineklarang kanselado ang kontrata noong Disyembre, 2007.
Idinagdag ni de guzman na sa kabila ng pagkansela sa bulk water project ay hindi naman ganap na inaalis ang posibilidad na magkakaroon ulit ng bidding para sa ganitong proyekto.
Kalakip aniya ng long term program ng BWD ang pagkakaroon ng bulk water supplier ng tubig na magmumula sa labas ng syudad. Ito ay kaugnay pa rin ng patuloy at hindi makontrol na pagdami ng mga residente ng syudad, aniya.
Hindi kaya ng underground water sources na punan ang pangangailangan sa tubig ng buong syudad, aniya. # Robert Tabay/DzEQ
Recent Comments