Ang huling hirit sa 2007

December 31, 2007 in general

Mabilis talaga ang panahon. Parang kailan lang sinasalubong natin ang pagpasok ng taong 2007, ngayon ay mamamaalam na naman tayo. Pero bago natin tuluyang iwanan ang taong 2007, samahan ninyo ako sa pagbabalik-tanaw sa mga talaga namang kaokray-okray na mga isyung hinarap natin. Mga kaganapang gumulantang at nagpasakit sa ating mga ulo at bigyan natin ng award ang mga salarin.



Kung noong nakaraang 2006 ay tatlo lang ang nabigyan ng award, mas marami nitong 2007.

Nangunguna sa aking listahan ang hindi matapus-tapos na BGH flyover. Hindi ba talaga namang nakakabwisit, sabi ng mga may pakana ng proyektong ito, makakatulong ang flyover para maibsan ang trapik sa BGH rotunda. Pero may trapik nga ba roon? Matagal na nabinbin ang nasabing proyekto dahil kulang umano sa pondo. Mula sa unang P88 milyon na hininging budget naging P280 milyon. Sabi ng Deparment of Public Works and Highways (DPWH) nagkamali sila sa pagkwenta ng budget. Ang nakakaloka pa rito, winaldas muna ng DPWH ang naunang budget tsaka sila nagreklamong kulang pala ito. Sinisisi pa nila ang mga mamamayang tumututol sa pagpapatayo ng flyover. Kung hindi sana ipinilit ang proyektong ito, wala sanang sakit sa ulo ngayon, di ba?

Itong pangalawa sa listahan ko ay tunay na nakakainis. Maalala ninyo yung mga paper bags na may lamang P250,000 hanggang P500,000 na pera na ipinamudmod sa mga kongresista sa Malacañang? Iyong pamumudmod mismo ng pera ay nakakainis na, lalo pa kung maalala ninyo ang naging komento ng kongresista ng Baguio. Mantakin mo ba naman ang natanggap daw ni Rep. Mauricio Domogan ng baguio City ay “regular allowance” daw niya na P200,000 lamang para sa pamasahe at iba pang gastusin sa bakasyon. Ano pa man ang itawag sa perang natanggap ng mga kongresista ang malaking tanong pa rin ay saan galing ang pera at bakit sa Malacañang ipinamudmod. Ano sa tingin mo Tatang Mateo?

E yung empleyado ng Baguio City Schools Division ng Department of Education (DepEd) na binugbog at muntik patayin ng kapwa empleyado naalala pa ninyo? Tama, siya si Ginang Sofia Bermudez , Data Encoder Machine Operator (DEMO) na muntik hambalusin ng malaki at mabigat na typewriter ni Mr. Wilgetcortez Godoy sa harap ng kanilang mga superior. Ayon kay Sofia inawat pa nga ng isa sa kanyang mga superior niya si Mr. Godoy. Sa kasamaaang palad tikom naman ang bibig ng mga superior nila tungkol sa nasabing insidente. Kawawang Sofia, iniwan sa ere ng kanyang mga bosing.

Nariyan din ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis na patuloy na nagpapahirap sa ating lahat higit lalo sa sektor ng transportasyon. Kung ilang ulit nang nagtaas ng presyo ng langis ngayong taon aba hindi ko na mabilang at lalong mas masakit sa bulsa bilangin kung magkano na ang itinaas. Kung akala ninyo ang mga tsuper lang apektado sa pagtaas ng presyo ng langis, ay malaking pagkakamali ‘yan kaibigan. Kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Masisisi ba natin ang kapatid nating mga tsuper kung hihingi sila ng dagdag na pamasahe?

Kung matatandaan din natin noong nakaraang Baguio Flower Fest (BFF) kung saan nagmistulang parada ng mga politiko ang flower fest parade. Mantakin mo ba namang sumama ang mga politiko sa parada na may kanya kanyang gimik samantalang sinabi ng mga organizer ng BFF na hindi nila pasasalihin ang kahit na sinong politiko sa parada upang maiwasan ang pamumulitika sa taunang pagdiriwang na ito. Tatang Mateo, what you think, mahina ba magbantay ang mga BFF organizers o tuso lang talaga at matinik ang mga politiko?

Hindi ko rin mapapalampas ang pakana ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na kung anu-anong mga pagsasanay kunyari para lang makakolekta ng mas maraming pera sa ating mga kababayang nais makipagsapalaran sa ibang bansa. Magsasakripisyo na nga ang ating mga kababayan sa ibang bansa na madalas pa ay minamaltrato ng mga dayuhang amo huhuthutan pa ng mga ahensya ng gobyerno. Ang saklap naman talaga ng buhay ng Pinoy.

Lalong hindi ko rin makakalimutan ang kalokohan ng pamahalaang panlungsod ng Baguio. Maglaan ba naman ng P20 milyon para lang mangutang ng sasakyan ng mga konsehal, bise-mayor at alkalde samantalang ang daming maaring pagkagastusan sa siyudad. Nariyang kulang ang health center, walang maayos na parubig, kulang ang sasakyan ng mga pulis, may mga sirang kalsada at marami pang iba. Kung hindi ka ba naman manggalaiti, ewan ko na lang.

Pasok din sa aking listahan ang pagpapasara ng pamunuan ng University of Northern Philippines (UNP) sa Tandem, ang pahayagang magaaral nito. Malinaw na pagkitil ito sa kalayaan sa pamamahayag ng mga magaaral. Hindi pa nakontento ang pamunuan ng UNP at pati mga staff ng naturang pahayagan ay tinatakot at pinagbabawalang pumasok sa paaralan. Talaga naman, kahit saan ka mapunta umaabuso ang mga nasa kapangyarihan.

Saluduhan naman natin ang ating mga kapulisan. Kamakailan lamang ay inilunsad ng ating kapulisan ang kanilang programang pagbabalik sa mabuting imahe ng Mamang Pulis. Aba’y mabuti naman at inamin din ng pamunuan ng ating kapulisan na kinakailangan nang magbago ang imahe ng pulis. Sa dami ba naman ng mga pulis na nasasangkot sa iba’t ibang mga iligal at hindi kanaisnais na mga aktibidad, ewan ko na lang kung paano nila maipapatupad ang batas.

Huli man sa aking listahan, talaga namang nakakaloka. Katulad ng daan daang biktima ng pamamaslang pampulitika sa bansa, ang pamilya Doton ay patuloy pa ring umaasa na isang araw mahuhuli at mananagot ang mga walang-awang pumaslang kay Ama Jose Doton. Larawan ito ng sistema ng hustisya sa ating bansa.

Hay, nakakaimbyerna magbigay ng award sa mga pasaway. Pero mga kapatid, palagay ko hindi ako mauubusan ng ookrayin. Kaya samahan ninyo pa rin ako sa taong 2008. Patuloy tayong mangutya sa mga dapat lang kutyain baka sakali matauhan naman sila at tumino. #

Share