UNP sinuspinde pangongolekta ng student publication fee

October 29, 2007 in general, Ilocos

VIGAN CITY (Okt. 25) — Mariing kinondena ng mga patnugot ng Tandem, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng University of Northern Philippines (UNP), ang pagpigil sa pangongolekta ng pondo para sa nasabing publikasyon ngayong enrollment ng ikalawang semestre.

Ayon kay Ma. Criselda Diocena, punong patnugot ng Tandem, ang ginawang pagsuspinde sa pangongolekta ng Tandem fee ay isang paglabag sa karapatan ng mga estudyante sa pamamahayag. Dagdag pa ni Diocena, ang inilabas na memorandum ni Office of Student Affairs (OSA) Director Gilbert Arce at ang pagpapasya ng administrasyon ng UNP na ihinto ang pangongolekta ng pondo ngayong ikalawang semestre ay naglalayong patigilin ang operasyon ng Tandem.

Ayon sa Memorandum na inilabas ng OSA na nilagdaan ni Arce noong Oktubre 18, “As agreed upon during the Council of Deans meeting held on October 17, 2007 2:00 PM at the guestel, where the Deans unanimously decided that the collection of Tandem fee be suspended, please be reminded that Tandem fee receipt is no longer a requirement for enrollment in the Academic Units.”

Ang Tandem, mula pa noong maitatag ito, ay nangongolekta na ng fee tuwing enrollment upang makapag-palabas ng dalawang isyu at isang literary folio sa loob ng dalawang semestre. Ito ang unang pagkakataong pinigilan ng administrasyon ng UNP ang pangongolekta ng Tandem fee.

Ayon kay Albert Derano, tagapamahalang patnugot ng Tandem, ang nasabing pagsuspinde sa pangongolekta ay resulta diumano ng hindi pa pagpapasa ng Financial Statement ng Tandem.

“Nakahanda naman kaming ipasa ang nasabing financial statement. Mayroon kaming nakahandang mga dokumento na nagpapakitang ginamit para sa kapakanan ng mga estudyante ang pondo,” paliwanag ni Derano.

Noong Oktubre 22, nagkaroon ng dialogue sa pagitan ng Presidente ng UNP na si Dr. Lauro Tacbas at mga patnugot at manunulat ng Tandem upang pag-usapan kung pahihintulutang mangolekta ulit ang Tandem.

Ngunit, ayon kay Derano, hindi na naipaliwanag ng mga mag-aaral ang kanilang panig dahil kinumpiska ni Tacbas ang bankbook ng Tandem at binantaan silang kakasuhan sila ng malversation of funds dahil sa nakapangalan ang bank account kay Diocena at kay Melanie Enomis, ang kapatnugot ng Tandem.

Ayon kay Diocena, nakatakdang kasuhan ng administrasyon ng UNP ang mga mamamahayag ng Tandem.

“Batay sa mga naging dialogue namin, maari raw nila kaming kasuhan, ngunit hindi naman kami nangangamba dahil alam naming nasa panig namin ang mga estudyante. Wala kaming itinatago at iginigiit lamang namin ang aming mga karapatang kanilang nilabag,” dagdag pa niya.

Nagsimulang makaranas ng iba’t ibang panunupil ang mga mamamahayag ng Tandem noong unang semestre kung saan hindi pinapasok ang mga manunulat ng Tandem dahil sa pamimigay nila ng statement hinggil sa pagtaas ng matrikula. Pinutulan rin ng kuryente ang opisina ng Tandem matapos ang mga serye ng pagkilos na inilunsad nito upang tuligsain ang pagtaas ng matrikula.

Nagtakda rin ng adviser si Tacbas ng walang konsul-tasyon sa pamatnugutan ng Tandem. Hindi rin kinilala ng kahit anong opisina sa UNP ang mga sulat ng Tandem at sinabi na ang resulta ng screening ng Tandem ay iligal.

Sa serye ng mga paglabag na ito, dumulog sa opisina ng Commission on Higher Education (CHED) ang Tandem upang magsampa ng reklamo noong Agosto 23. Sinagot ng UNP noong Agosto 27 ang nasabing reklamo sa pamamagitan ng sulat.

Ayon pa kay Derano, na siya ring tagapag-ugnay ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)-Ilocos Sur, nakalulungkot ang sinapit ng Tandem sa mapanupil na pamamalakad ng administrasyon.

“Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng Tandem sa pakikibaka ng mga estudyante ng UNP para sa kanilang karapatan sa edukasyon, at ito ang naging dahilan ng administrasyon ng UNP upang patayin ang isang institusyon na tunay na nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mga estudyante,” pangwakas ni Derano. # Rod Tajon for NORDIS

Share