Magsasaka ng Ilocos iginiit karapatan sa lupa

October 29, 2007 in general, Ilocos, land rights

CABUGAO, Ilocos Sur (Okt. 24) — Iginiit ng mga magsasaka ng Barangay Bato at Barangay Lipit ng Cabugao, Ilocos Sur ang kanilang karapatan sa lupang sinasaka at kinondena ang gobyernong Gloria Macapagal-Arroyo sa kawalang sinseridad nito sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.

Ayon kay Zaldy Alfiler, pangkalahatang kalihim ng Solidarity of Peasants against Exploitation (STOP Exploitation), karapatan ng mga magsasaka ng Ilocos Sur na magkaroon ng sariling lupang sasakahin upang mahinto na ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa.

Dagdag pa ni Alfiler, sa kabila ng iba’t ibang programa para sa reporma sa lupa mula pa noong panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal hanggang sa pamunuan ni Arroyo, nanatiling pangarap lamang ito.

Sinabi ni Elmer Serrano ng STOP Exploitation-Cabugao, nagkaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka na magmay-ari ng lupa noong naibigay ang mga Certificate of Land Transfer (CLT) noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Serrano noong 1980, nabigyan ng CLT ang magsasaka na nagbubungkal sa lupa nina Miguel Florendo ng Barangay Bato, ngunit hindi nagtagal, kinansela ito ng Ministry of Agrarian Reform. Aniya, noong 1986, nabigyan din ng CLT ang mga magsasaka ng Barangay Lipit at Sitio Lubong Dakkel, Sagsagat sa lupaing pag-aari ng magkapatid na Mercedes at Salvador Encarnacion ngunit nakansela rin ito matapos ang ilang taon.

Dagdag rin ni Serrano ang mga lupain sa Barangay Bato na pag-aari ni Miguel Florendo ay inaangkin na ngayon ni Maximina Sajor dahil isinanla diumano kay Sajor ang lupa ng mga Florendo noong 1979.

Ayon pa kay Serrano, gumawa ng pekeng papeles si Sajor bilang patunay na ibinibenta na ng mga magsasaka ang lupain sa kanya.

Ayon naman kay Alfiler, ang lupain naman sa Barangay Lipit at Sitio Lubong Dakkel ay inaangkin ng Phil North Realty Corporation, Seguban Enterprises at ilang mga inidibidwal tulad nina Criselda Bondoc, Pablo Tan, Victor Tolentino, at Reynante Savellano. Aniya wala naman maipakitang papeles ang nasabing mga grupo at indibidwal bilang patunay na kanila ang nasabing lupain.

Iginiit ni Tatang Romeo Serrano nararapat lamang na ibigay sa mga magsasaka ng Barangay Bato at Lipit, at Sitio Lubong Dakkel ang nasabing mga lupaing dahil sila ang nagsasaka rito mula pa noong sila ay ipanganak.

“Nakinabang ang pamilya Encarnacion at Florendo sa pagod naming mga magsasaka sa matagal na panahon kung kaya dapat lamang na ibigay sa amin ang mga lupaing ito,” dagdag pa ni Tatang Romeo.

Ani Alfiler, ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) ay nangako ng hustisya sa mga magsasaka ngunit ang nagaganap sa kasalukuyan ay kabaligtaran nito.

“Hindi na natin dapat asahan ang rehimeng Arroyo na magkakaloob ng lupa para sa mga mahihirap na magsasaka dahil tiyak na poprotektahan nito ang interes ng mga malalaking panginoong maylupa, kung kaya marapat tayong kumilos upang igiit ang ating mga karapatan sa lupa,” sabi ni Alfiler. # Rod Tajon para sa NORDIS

Share