Tula: Panata
September 30, 2006 in literary, workers
By ALDWIN QUITASOL
Lakas paggawa, palagi na lang binibili ng mura,
Ng mga among nag-aastang nagmamay-ari ng lupa.
At sa busabos naming kalagaya’y kami’y nakikibaka.
Sagot naman sa ami’y ibayong lupit at pagdusta.
Sa kasalukuyan, mga manggagawa’y aba pa rin,
Di pa nakakawala sa pagkabusabos at alanganin.
Noon sa panahon ng diktaduryang Marcos nakakatakot isipin,
Hanggang sa ngayo’y itong administrasyo’y nagiging salarin.
Sa maraming bilang ng hinuli’t binugbog at pinagpapatay,
Desidido ang aleng ito sa malakanyang na ubusin ang aming hanay.
Panginoong mahabagin, ikaw ang aming tatakbuhan,
Pagkukunan ng lakas sa aming pakikipaglaban.
Itong masong aming tangan-tangan,
Na simbolo ng aming kasipagan,
Na ngayo’y kinadena ng imbi’t kasakiman,
Ng mga panginoong sumisikil ng karapatan.
Ang proteksiyon sa ulo na ito ang aming patunay,
Na sa aming pagkakaisa kami’y mapagtitibay,
Kahit ano mang panunupil ang sa ami’y sumagasa,
Hindi kailanman matitinag ang lakas ng mga manggagawa.
O diyos na makapangyarihan, kami nawa’y basbasan
At sa paggamit namin sa dalawang bagay na ito’y aming mawawakasan.
Ang paninibasib ng mga buwitre’t gahaman,
Sa aming pagkamit ng tunay na kalayaan. #
Recent Comments