Araw ng Karapatang Pantao, sinalubong ng protesta sa Ilocos
Ni ROD TAJON
www.nordis.net
SAN FERNANDO, LA Union — Mainit at nangangalit ang sikat ng araw, ngunit hindi natinag ang mahigit 400 mamamayan ng Ilocos na nagmartsa sa San Fernando City, La Union bilang paggunita sa pandaigdigang araw ng Karapatang Pantao.

RIGHTS DAY. AMidst the scorching heat of the sun,around 400 residents of Ilocos Region marched the streets of San Fernando, La Union to demand respect for human rights. Photo courtesy of IHRA
Binigyan diin rin sa paggunita sa araw ng kara-patang pantao ang pakikibaka para sa karapatan ng mama-mayan sa serbisyo panlipunan tulad ng sa kalusugan at edukasyon. Kinondena rin ng mga nagprotesta ang karahasan sa kababaihan at bata ng pulisya at militar.
“Walang pinagiba ang gobyerno ni Benigno Simeon Aquino III sa mga nakaraang rehimen. Isa rin itong pahirap, pasista at papet na rehimen na nararapat lang itakwil ng mamamayan,” pahayag ni Mila Marcelo, pangalawang pang-kalahatang kalihim ng IHRA.
Sa tala ng IHRA-KARAPATAN, sa 129 na biktima ng extrajudicial killings, tatlo dito ay mula sa Ilocos. Nito lamang taon, isa ang naging biktima ng pamamaslang samantalang apat naman ang naging biktima ng nabigong pagpatay.
Nitong taong ito, nakapagtala rin ang IHRA ng mga kaso ng tortyur, pananakit, pananakot, paninira, paggamit sa mga paaralan at pam-publikong lugar ng mga militar, at sekswal na panlilinlang.
Dalawa sa tatlong biktima ng extrajudicial killing ay pinaslang ng mga militar noong unang anim na buwan ng panunungkulan ni Aquino.
Piket sa CHR
Nagpiket sa opisina ng Commission on Human Rights (CHR)-Rehiyon ng Ilocos ang mga nagprotesta upang singilin ang komisyon ng gobyerno sa patuloy na pagkakait ng hustisya sa mga biktima. Kasabay nito, nagpila ng reklamo ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Currimao, Ilocos Norte bilang pagpapatotoo sa mga paglabag na ginagawa ng militar at pulis.
Ayon kay Rizalino “Tatang Sali” Valdez, ama ni Elmer Valdez na pinaslang ng mga militar noong 2010, magdadalawang taon na mula noong nagpila sila ng reklamo ngunit wala silang nakitang ginawa ng CHR upang umusad ang kaso.
Aniya, “hanggang ngayon ay naghihintay pa rin kami ng hustisya, nakakadismaya at minsan pa nga’y ayaw ko nang ituloy ang paghananap nito dahil patuloy naman itong ipinagka-kait sa anak ko.”
“Mailap man ang hustisya para sa amin, ipagpapatuloy namin ang pakikibaka hangga’t kaya upang makamit ito hindi lamang para sa aking anak kundi maging sa iba pang biktima,” dagdag pa aniya.
Ipinaliwanag ni Regional Director Atty. Rommel Daguimol na hindi umuusad ang mga reklamong naipipila sa ilang kadahilanang teknikal at sa kaso nga ni Valdez ay wala na sa poder ng 5th Infantry Division ang mga dating namumuno tulad ni Col. Rogelio Migote.
Pahayag naman ni Zoilo Baladad, public information officer ng IHRA, pinatunayan lamang ng ganitong paliwanag ng CHR na walang hustisya sa ilalim ng “daang matuwid” ni Aquino.
Panagutin ang PNP
“Katarungan para sa kahayupan ng mga pulis!” ito naman ang sigaw ng mga nagprotesta sa harap ng opisina ng pulisya.
Ayon kay Linda Caluza, tagapagsalita ng Gabriela-Ilocos, isang bilanggong babae na ginahasa ng hepe ng pulisya ng Pugo, La Union ang pinag-kaitan ng hustisya matapos ibasura ang kaso ng pangga-gahasa laban sa naturang hepe.
Bukod sa kaso ng pangga-gahasa, may mga kaso rin ng pamamaslang at iligal na pag-aresto sa mga magsasaka ang mga elemento ng pulisya nito ring taon.
Ani Zaldy Alfiler, pangka-lahatang kalihim ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation), “dapat panagutin ang pulisya lalo na ang mga nasa PNP Currimao, Ilocos Norte sa pamamaslang at bigong pamamaslang sa limang magsasaka.
Karapatan sa kalusugan ipaglaban
Matapos ang mga programa sa CHR at PNP, nagtungo sa loob ng Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) ang mga nagprotesta upang ipanawagan sa publiko na makiisa sa pagtataguyod ng karapatan sa kalusugan at akses sa serbisyong panlipunan.
Isa ang ITRMC sa mga nakatakdang maisapribado ng gobyernong Aquino, ayon kay Lee Biscarra ng Kabataan Partylist.
“Ipinagkakait sa atin ng gobyernong Aquino ang mga batayang serbisyo habang naglalaan siya ng napakalaking badyet sa militar at pagbabayad ng utang panlabas,” diin ni Biscarra.
Pahayag naman ni Anabel Narvasa ng Timek ken Namnama dagiti Mangngalap ti La Union (Timek), higit na maaapektuhan ang mga magsasaka at mangingisda sa ganitong plano ng gobyerno ni PNoy.
“Kulang at mahal na nga ang serbisyo, dagdag pahirap pa ang pagsasapribado sa mga mahihirap na mamamayan tulad ng magsasaka at mangingisda.”
Isa sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao si Donna Rabang Peta, tagapagsalita ng Defend Ilocos against Mining Plunder (Defend-Ilocos). Aniya, “pinoprotektahan ni PNoy ang interes ng mga kumpanya ng pagmimina kung kaya pati mga environmental advocates ay ginigipit.”
“Ngunit ipagpapatuloy namin ang pakikibaka laban sa karahasan ng estado at maging sa mga mapanirang proyekto na ipinatutupad ng gobyernong ito,” aniya.
Bahagi rin ng programa ang pagpapalabas ng wishlist ng mamamayan ngayong pasko. Ilan mga kahilingan ng mamamayan ng Ilocos ang pagpapatigil ng pamamaslang, sapilitang pagkawala at iba pang paglabag sa karapatan ng mamamayan; pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan; pagdagdag ng badyet sa serbisyong panlipunan; hustisya para sa mga biktima; pagpapatigil ng operasyon ng pagmimina sa Ilocos; reporma sa lupa; makatarungang sahod at sapat na trabaho. Sinaliwan ito ng bersyo ng KABATAAN Partylist ng pamaskong awitin na “Ang pasko ay sumapit” at “Ngayong pasko”.
“Sa araw ng paggunita sa pandaigdigang araw ng karapatang pantao, marapat na ipagpatuloy ang pakikibaka, dahil walang saysay ang konsepto ng karapatang pantao kung walang hustisya, kapayapaan, at tunay na kalayaan,” pangwakas ni Marcelo. # nordis.net
