Hiling ng mga magsasaka ng Cagayan: CARP, CARPER ibasura

August 12, 2012 in Featured

By GIL CORPUZ
www.nordis.net

CAUAYAN CITY, Isabela — Daan -daang mga magsasaka ng Isabela at Quirino Province sa pamumuno ng Danggayan Daguiti Mannalon ti Isabela (DAGAMI) at Timpuyog Dagiti Mannalon ti Quirino (TIMIQ) ang naglunsad ng kilos protesta sa ikatlong anibersaryo ng CARPER sa Agosto 7 at nananawagan ng pagbabasura sa tinatawag nilang HUWAD na programa sa reporma sa lupa na CARP at CARPER.

“Hungkag ang CARP at CARPER, dahil hanggang ngayon, monopolisado, pag-aari at kontrolado pa rin ang malalaking lupain ng iilang hasyendero, lokal at dayuhang korporasyon. Lalong lumalala ang problema sa lupa at lalong dumarami ang naaagawan ng lupa at napapatalsik sa sinasaka at tinitirahang lupa, “ ayon kay Diony Yadao na tagapangulo ng DAGAMI.
Ayon sa mga magsasaka, 23% pa lang ng target ng CARPER ang naipamigay nitong lupa kahit ang laki-laki ng P150B pondo nito, kayat hindi na dapat palawigin pang muli ang CARPER.

“Hindi nalutas ng CARP at CARPER ang malalaking kasong agraryo,” ayon kay Yadao ait tinukoy ang malawakang foreclosure ng Hacienda Dimzon-Zulueta at Hacienda San Antonio na hanggang ngayon ay binabawi ng Land Bank sa mga magsasaka, gayong mahigit 100 taon nang nagsasaka doon ang mga ninuno nila; problema sa anomalya sa homelots at farmlots sa Hacienda Puzon-Juan at sa Matusalem, Roxas; arbitraryong kanselasyon ng mga CLT, EP at CLOA tulad sa Pacis Estate; deka-dekadang pagkabinbin ng mga CLT-EP-CLOA tulad sa Villa Paz, Naguilian at Villa Pereda, Delfin Albano; marahas na pagpapalayas sa mga tenants sa Villamar Estate sa San Mateo at Bautista Estate sa Naguilian; pati forest land sa Wigan, Cordon na sinaklaw ng pang-aagaw ng Land Bank-DAR. “Mas masahol ang naranasan sa CARPER tulad ng nangyari sa mga deka-dekadang kasamak sa Tumauini na basta na lang dineklarang hindi tenant dahil ang mga preferred beneficiaries ay puro anak ng hasyendero,’ dagdag ni Yadao.

Ikinondena ng DAGAMI ang paggamit ng CARPER para lalong maisubasta ang malalawak na lupang sakahan sa mga malalaking dayuhang plantasyon na kasosyo ang lokal na mga negosyante, panginoong maylupa at politiko. Ayon kay Yadao, “Ang Lambak Cagayan ang isa sa pinakamalalaki ang lupaing agrikultural na inilalaan ng rehimen para sa gamit ng mga dayuhang plantasyong agribusiness ng tubo, cassava, kape atbp. May basbas ito ng karamihan sa mga LGU ng bawat probinsya, protektado at tinataguyod ng AFP. Hindi sakop ng CARPER ang malalaking plantasyong ito.”
Inilantad ng DAGAMI ang tinatawag nilang kabulukan ng CARP at CARPER bilang paboritong gatasan lang ng mga panginoong maylupa. Ayon naman kay Reynaldo Gameng, lider ng DAGAMI-Alicia, “Mataas na nga ang amortisasyon at upa sa leasehold, bigla-biglang itinataas pang lalo ito ng panginoong maylupa kasabwat ang DAR. Di sila nagbibigay ng resibo, di sinusubaybayan ng DAR ang bayaran tapos gigipitin kaming mga magsasaka na di daw nagbabayad at patatalsikin sa lupa.” Tuloy-tuloy, ayon sa mga magsasaka ang sabwatang DAR – usurero atbp. mayayaman para maaagaw ang lupa ng mga magsasaka at sa mismong opisina ng DAR ginagawa ang mga pekeng waver at deed of sale. Bukod dito ay tadtad daw ng butas at anomalya ang implementasyon ng CARP at CARPER.

Binatikos naman ng AMADA – Forest Region ang diumano’y pagkakasangkot ng DAR sa malaking VOS LAND SCAM kasabwat ang mga sindikato sa lupa, mga panginoong maylupa, traders, mga tiwaling opisyal at ahensya ng DENR, ROD, Land Bank at Municipal Assessor’s Office. “Kinurakot nila ang halos P600M mula sa Land Bank. Libo-libo na ang naagawan ng lupang posisyon at nabigyan ng CLOA imbis na free patent. Ngayon ay malawakang pinoporklos na ang mga CLOA na ito na ayaw bayaran ng mga magsasaka dahil bakit nga naman kami pinagbabayad para sa isang bagay na pag-aari naman namin, bilang original na nagbukas, naglinis at nagpayaman sa lupa?” ayon kay Rosendo Ignacio, lider-katutubo ng AMADA-Forest Region.

“Pagpasok ng mga dayuhang plantasyon tulad ng tubuhan ng Ecofuel at Green Future Innovations, lalong tumindi ang operasyon ng sindikato sa lupa dahil may kita na nga sa Land Bank, may komisyon pa mula sa Ecofuel kapag ipinasok sa plantasyon ng tubo ang mga pekeng titulo at CLOA. Lumala ang ispekulasyon sa lupa at ang agawan ng lupa,” dagdag ni Ignacio.

Ayon naman kay Ben Cardenas ng DAGAMI, “Sa amin sa forest region ay patuloy na ipinagkakait ang lupang napakatagal nang binuksan at pinagyaman namin. Sa Sandoval Estate na mahigit 30 taon ng nakikibaka ang mga magsasaka para sa lupang pinosisyunan, may rekomendasyon nang mareklasipika ang ilang bahagi pero inililihim sa aming mga magsasaka para maunang makapagpatitulo ang mga mayayaman at makapangyarihan sa aming lugar. Matapos ang 6 na taon ay naglabas ng desisyon ang DENR kaugnay sa Roque Estate sa Cordon, kikilalanin daw ang ilang mga titulo ng panginoong maylupa sa lugar na alam nating forest zone pero ang mga magsasaka daw ay gagawin lamang tagabantay ng gubat o stewards.”
“Hindi interesado ang asenderong Pangulong Aquino na lutasin ang problema sa lupa. Mismong Hacienda Luisita, ay minamaniobra para mabinbin ang pamamahagi ng lupa, maibenta sa napakataas na halaga at mabago ang listahan ng mga benepisyaryo, ani Diony Yadao ng DAGAMI.

Nagmartsa ang mga magsasaka sa sentro ng Cauayan City, nagpiket sa harapan ng Ecofuel at Department of Agrarian Reform upang igiit ang pagbabasura sa CARPER at pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill HB 374. Tinututulan din diumano ng mga magsasaka ang BIOETHANOL Project at COAL MINING sa Isabela – na mapang-agaw ng lupa, mapaminsala sa kapaligiran at nagsisilbi sa labis-labis na pagsasamantala at pandarambong ng mga dayuhang korporasyon at lokal na kasosyo nila.#Gil Corpuz

Share