Panawagan ng mga biktima, itaguyod ang karapatang pantao

August 5, 2012 in human rights, Ilocos

Ni ROD TAJON
www.nordis.net

SANTA, Ilocos Sur — Nagtipun-tipon ang mga biktima, pamilya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, at mga nagtataguyod ng karapatang pantao isang araw makalipas ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino upang ipanawagan ang hustisya at pagpapatigil ng militarisasyon sa mga komunidad ng Ilocos.

IN MEMORY. advocates and victims of HRV’s light candles in memory of the martyrs of the people and all the victims of state terrorism as they commit to continue the struggle for justice. Photo courtesy of IHRA

Ayon sa Ilocos Human Rights Alliance (IHRA), mahigit isang daan ang lumahok sa Taripnong para iti Hustisya ken Kappia, isang taunang aktibidad kung saan nagsasama-sama ang mga biktima, pamilya, at mga nagsusulong ng karapatang pantao.

Tinalakay sa nasabing pagtitipon ang kasalukuyang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa at sa rehiyon ng Ilocos upang pasinungalingan ang pahayag ni Aquino noong kanyang SONA hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.

“Nagpapatuloy ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kontra-insurhensiyang programang Oplan Bayanihan, bukod pa dito’y nanatiling inutil si PNoy sa pagbibigay ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ni Ma. Zoilo Baladad, public information officer ng IHRA.

Dagdag pa ni Baladad, inaasahang madadagdagan pa ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao matapos ipahayag ni PNoy ang dagdag badyet at pagmomodernisa ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Sa halip na pagtuunan ng pansin ang tumitinding kahirapan at kakulangan ng serbisyo, inuuna pa ni PNoy ang gera at pag-atake sa karapatan ng mamamayan,”dagdag pa ni Baladad

Mula sa mga biktima

Ayon kay Rizalino Valdez o Tang Sali, ama ni Elmer Valdez na pinaslang ng mga militar noong 2010, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ng kanilang pamilya ang hustisya.

“Nagpila kami ng reklamo ngunit magdadalawang-taon na, wala pa ring nangyayari,” ani Tang Sali.

Galit naman ang ipinahayag nina Leonardo Sabalo ng Solidarity of Peasants against Exploitation (STOP Exploitation) at Donna Rabang Peta ng Defend Ilocos Against Mining Plunder (Defend Ilocos) sa panggigipit na ginawa sa kanila dahil sa kanilang pampulitikang paninindigan.

Ani Rabang Peta, naging biktima siya ng pampulitikang paninira dahil sa kanyang paninindigan laban sa mapanirang pagmimina.

Ayon naman kay Sabalo, pinaghahanap siya ng mga militar noong Enero at nagkampo pa nga sila sa paaralan at kanilang komunidad bilang bahagi ng Oplan Bayanihan.

Suporta at pakikiisa

Nagpahayag naman ng pakikiisa ang mga taong-simbahan at mga nagtataguyod ng karapatang pantao sa pakikibaka ng mga biktima para sa hustisya.

Ilan sa mga nagpaabot ng suporta ay sina Mayor Jeremy Jesus Bueno III, Bishop Vermilion Tagalog at mga pari ng Iglesia Filipina Independiente, mga pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) mula sa Ilocos Norte at Ilocos Sur, United Methodist Church, Bb. Mai Sapinit, Rev. Fr. Cirilo Ortega at mga faculty ng Divine Word College of Vigan (DWCV).

“Itutuloy namin ang pakikibaka para sa hustisya, gaano man kahaba ang daan,” mariing sinabi ni Tang Sali.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi namin nasisingil ang rehimen sa kanyang patuloy na pagyurak sa ating mga karapatan,” dagdag naman ni Rabang Peta.

Kasabay ng pagpaabot ng pakikiisa sa mga biktima, ginunita rin ang mga martir ng bayan kasama sina Romy Sanchez, Jose “Pepe” Manegdeg III, Albert Terredano at iba pang nagbuwis ng buhay para sa pagkamit ng kalayaan at demokrasya. Nagtapos ang pagtitipon sa isang panalangin para sa kapayapaan.

“Hangga’t hindi natin nakakamit ang hustisya, hindi kailanman natin makakamit ang kapayapaan, kaya tuloy ang laban!” pagwawakas ni Baladad. # nordis.net

Share