Paglaya ni Arroyo kinondena ng kabataang manunulat

August 5, 2012 in national

Ni CEGP (PR)

BAGUIO CITY—Mariing kinondena ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pagpapalaya kay Arroyo kapalit ang P1 milyong piyansa.

“Nagpapatuloy ang kainutilan ng estadong ito matapos paboran ang desisyon ng korte na makapagpiyansa at makalaya si Gloria Macapagal-Arroyo sa kabila ng kasong electoral sabotage. Ginagawa tayong mangmang ni Benigno Simeon Aquino III. Ito’y hindi makatarungan at isang malaking sampal sa kanyang ipinag-mamayabang na ikalawang taon sa panunungkulan,” ayon kay Ivan Emil Labayne, CEGP Baguio Benguet chairperson.

Nakakatawang isipin na ilang araw lamang pagkatapos ipagyabang ni Aquino ang kaniyang mga kasinungalingan sa SONA ay nakakalanghap na ngayon si Arroyo ng kalayaan matapos ang samu’t-saring kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Paano pa patutunayan ng rehimeng US-Aquino II ang pagsusulong nito ng kapayapaan at hustisya? Walang pagtutumangging kahangalan,” dagdag ni Labayne.

Aniya isa itong patunay sa kawalan ng siseridad ng kasalukuyang administrasyon na pagbayarin ang mga kriminal at kung gaano isinasantabi ang interes ng mga mamamayang nabibigwasan araw-araw sa kabulukan ng kasalukuyang sistema ng pamahalaan.

“Nakakagalit na ang isang tulad ni Arroyo na nagkasala sa sambayanan ay makakauwi ngayon at makakasalo sa hapunan ang kaniyang pamilya habang ang mga magulang, asawa, anak ng mga sapilitang nawala, tulad ni Karen Empeno at Sherlyn Cadapan ng UP Diliman at Jonas Burgos, mga bilanggong political tulad ni Ericson Acosta at Randy Malayao na kapwa nagmula sa CEGP, ay naubusan na ng luha kakahintay sa hindi na dumating na hustisya,” ani Labayne.

Dagdag pa aniy sa pangyayaring ito, ang pagkibit-balikat at pananahimik lamang ay kasalanan sa bayang ninakawan ng kalayaan at karapatan.

“Hanggang ang mga tiwali’t kriminal ay hindi nakukulong at napaparusahan, at hanggang nagpapatuloy ang “ordinaryo” na lamang na kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao kagaya nito, huwag na sanang magulat pa ang rehimeng US-Aquino II kung mas matinding protesta ang dadaluyong sa kalsada sa mga susunod na araw,” sabi ni Labayne. # nordis.net

Share