Select Page

Youthspeak: Sino ang tunay na boss?
FEATURE| July 29, 2012
4 MIN READ

By SNAP MABANTA

Habang binabaybay ko ang kahabaan ng Commowealth kasama ng libo-libong nagmartsa ng araw na iyon sa ikatlong taong paglalahad ni Noynoy (ni hindi ko kayang tawagin siyang pangulo sa oras na yaon) ng kanyang State of the Nation Address o SONA, sumagi sa isip kong ayaw ko ng mag-rally…SANA. Minsan nakakapagod, nakakatamad sapagkat di ko alam kong ilang oras na naman ang ilalagi ko sa ilalim ng init ng araw, titiisin ang gutom at uhaw. Subalit habang tinitingnan ko ang mukha ng bawat isang nandoon, lalo na ang mga sektor ng mga maralitang taga-lungsod at manggagawa, ibayong lakas ang aking naramdaman. Kaya noon ko naisip higit kailanman, hindi pwedeng hindi ako kasama sa kanilang pagkilos. Ng mga sandaling iyon, naramdaman ko sa aking sarili hanggat may nagugutom, hanggat mayroong walang bahay na masisilungan, hanggat mayroong walang trabahong nakabubuhay, di ko iindahin ang pagod, init, uhaw at gutom sa kalye. “ang buhay ng Kristiyano ay nasa lansangan, nasa lansangan, nasa lansangan. Ang buhay ng Kristiyano ay nasa lansangan, lumalaban”. Umalingawngaw ang awitin na itinuro sa amin. Oo, tama. Ang tunay na buhay ng Kristiyano ay nasa lansangan, kasama ang mga tao ng Diyos na pinagkaitan ng isang lipunang mapang-api at sistemang may kinikilingan.

Eto na. Nakarating na kami sa converging point sa Ever Gotesco Mall. Libu-libong pulis din ang sumalubong sa amin para siguruhing hanggan doon lang kami sa itinakda nilang lugar. May kantahan, tula, pananalita at iba pang pagtatanghal na nagpataas pa ng kaalaman ng mga tao at nagpatunay pa ng kawastuhan ng aming ginagawa. At sa bandang huli ng programa, iginiit ng mga tao ang karapatang magpahayag ng kanilang nararamdaman malapit sa Batasan kung saan palapit na ang oras ng pagsasalita ni Noynoy. Buong tapang, kapit-bisig ang lahat at nagsimulang maglakad at gumitgit upang lumapit sa Batasan. Subalit di pa kami nakakaalis sa lugar ay hinarang na kami ng mga pulis. At mga sumunod na pangyayari ay nagpakita kung anong estado meron ang Pilipinas. Bawat isang maabot ng batuta ay hinahampas, binubugbog. Lahat, walang sinasanto. Bata, matanda, lalaki o babae, lumalaban man o nakikiusap ng tigilan ang pananakit, lahat nakatikim ng latay mula sa kamay ng mga pulis na idineploy ng pamahalaan ni Noynoy upang panatilihin umano ang kaayusan ng araw ng kanyangg pagsasalita. Patalikod na ako noon, nasa “island” sa gitna mismo ng kalsada at habang pilit inaalalayan ng isang kasamahan din mula sa KKKP nang maramdaman ko ang bilang pagtama ng isang bagay sa bandang likuran ng aking ulo – isang may kalakihang bato. “Ate, tinamaan ako sa ulo!”. Nakayanan ko pang isigaw bago ako inalalayang tumakbo at magkubli sa kabilang kalsada palayo sa noo’y nagliliparang mga bato at batuta. Pagkatapos pa ng ilang hanapan at kumustahan sa iba pang mga kasama, narinig ko na ang pagpapahayag ng nasa entablado na tama na muna ang ginawa namin at tinatapos na ang aming pagkilos sa araw na iyon.

Galit ako sa mga pulis, oo. Subalit mas ramdam ko ang higit pang galit sa mga kasamahan ko noong una. Sa aking isip, gusto kong isigaw, bakit? Bakit kailangang itigil naming ang pagkilos dahil lamang sa pandadahas at pananakot ng mga pulis? Bakit kailangang tumigil kami sa pagpipilit na makalapit ng Batasan dahil lamang sa ilan sa amin ay nasaktan? Sa mga sandaling iyon naisip ko mas higit kaming pagtatawanan ng mga pulis at iisiping nagtagumpay sila sa pananakot kung kami ay aatras. Wala akong ibang gustong gawin noong oras na iyon kung hindi pumulot din ng bato at ipukol din kahit sa isang pulis lamang. Suklam, at di lang galit ang namamayani sa akin noong oras na iyon habang nakikita ko pa ang mga tao, higit ang mga babae at matanda na duguan at puno ng latay gawa ng palo ng mga pulis. Naisip ko noon, bakit ganun ang tingin nila sa mga tao? Walang ipinag-iba sa mga hayop, ok lang kahit saan tamaan ng batuta at bato.

Ngayon, higit kailanman man, sabihin mo Noynoy, eto ba? Sila ba ang mga sinabi mong Boss mo? Ganito mo ba sila itrato? Sila na walang ibang nais noong araw na iyon kundi ang iparating sayo ang kanilang tunay na kalagayan? Na hindi paborable sa kanila ang mga polisiya at programa na ginagawa ng iyong pamahalaan? Kung iisipin, napakasimple ng kanilang hinihingi, pagkain, bahay at trabaho para sa isang disenteng pamumuhay. Mga bagay na din na dapat hinihingi sapagkat ito ay marapat na ibinibigay na ng pamahalaan sa kanila. Subalit ano ang ginawa mo? Sa bawat buka ng bibig, binubusalan mo; sa bawat pagmulat ng kanilang mga mata sa katotohan, pinipiringan mo; sa bawat hakbang ng kanilang mga paa, pinipilayan mo; at higit sa lahat, sa bawat paggiit nila para sa isang BUHAY, ipinagkakait mo. Ngayon mo sabihing sila ang boss mo.

Habang pauwi na kami naisip kong tama ang mga kasamahan ko. Tatapusin naming sa ngayong ang pagkilos sa araw na iyon, subalit di iyon nangangahulugan ng pag-atras. Aatras kami hindi dahil sa takot subalit dahil kailangan muna naming pagtuunan ng pansin ang mga kasama naming nasaktan. Alam naming, sa aming ginawa nakapagbigay kami ng mensahe sa pamahalaan; kaya nila kaming saktan, kayang punuin ng latay ang aming katawan. Pero sa ginawa nila, mas magngangalit ang dibdib ng taumbayan, mas magpupumiglas. Kailanman di matatakot, di mapipiringan ang mata, mabubusalan ang bibig at di mapipilayan ng paa. Patuloy naming ipaglalaban ang isang buhay na nararapat para sa amin. # nordis.net

Share This
Verified by MonsterInsights