Women’s Front: Kababaihan at OPH

March 25, 2012 in columns, Featured, opinion

By INNABUYOG-GABRIELA
www.nordis.net

Sa ngayon, lampas P59 kada litro na ang presyo ng gasolina habang lampas P48 naman ang diesel. Lampas P900 na ang bentahan ng liquefied petroleum gas (LPG). Wala pang dalawang buwan ngayong 2012, walong beses nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Umaabot na sa lampas P5 kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina habang lampas P3 naman ang diesel simula noong Enero. Samantala, lumobo na ang presyo ng LPG nang halos P200 kada tangke.

Walang pakundangang naipapasa ng mga kumpanya ng langis ang mataas at di makatwirang presyo sa mamamayan dahil sa patuloy na pagmomonopolyo sa langis sa ilalim ng Oil Deregulation Law.

Wala namang pinagbago ang sinasabi ng gobyerno sa mga mamamayan tuwing magkakaroon ng pagtaas ng presyo ng langis, “hindi natin kontrolado ang galaw ng presyo.” Hindi rin naiiba ang sinasabi ng mga kumpanya ng langis, wala daw silang magagawa dahil nakatali ang presyo ng langis dito sa presyo sa pandaigdigang merkado.

Ayon pa sa Presidente, wala silang balak tanggalin o babaan man lang ang VAT sa langis sapagkat malaki daw ang ambag nito sa gross domestic product ng Pilipinas. Dagdag pa, ang ipinangakong pagbabalik-tanaw sa Oil Deregulation Law ay mistulang napako na sapagkat wala namang malinaw na aksyon ang administrasyon ukol dito.

***

Hindi pa man Mahal na Araw, may krus nang pinapasan ang mga kababaihang urban poor, pesante at manggagawa. Sunud-sunod na naman kasi ang pagtaas ng presyo ng langis at ang mga kababaihan ang unang nakakaranas ng hirap tuwing magkakaroon ng pagtaas. Nagtataasan din kasi, kasunod nito, 1ang presyo ng mga pangunahing bilihin at yutilidad gaya ng kuryente at tubig sa kabila ng pananatiling mababa ng badyet ng pamilya. Ito ang nagbubunsod sa pagkakaroon ng kawalan ng pagkain, minimal na access sa batayang serbisyo-sosyal, at edukasyon na para na lamang sa iilan.

***

Marso 15 nang magkaroon ng kilos-protesta sa sentro ng Baguio kontra sa muling pagtaas ng presyo ng langis at sa kawalan ng aksyon ng administrasyong Aquino ukol dito. Sa mga nakaksaksi, may nagsasabing walang magagawa ang mamamayan kahit ilang pagkilos pa ang ilunsad. Ngunit para sa mga kababaihan, marami pang pwedeng gawin upang solusyunan ang problemang ito.

***

Makilahok sa tuluy-tuloy at sama-samang pagkilos ng mamamayan upang:

1. Ilantad at labanan ang pagsa-samantala at pang-aabuso ng dayuhang monopolyo sa langis.

2. Hamunin ang administrasyong Aquino na tanggalin ang VAT sa langis at tuluyang ibasura ang Oil Deregulation Law.

3. Suportahan ang pagsasabatas sa House Bill 4355 na magreregularisa sa operasyon ng mga kumpanya ng langis at poprotekta sa mga mamamayan sa ispekulasyon at overpricing sa lokal at pandaigdigang merkado.

4. Suportahan ang kampanyang pagsasabansa sa industriya ng langis! # nordis.net

Share