Manggagawa ng Bioethanol sa Isabela, nagprotesta
January 29, 2012 in Cagayan Valley, employment, energy, Featured
By VIRGILIO CORPUZ
www.nordis.net
SAN MARIANO, Isabela—Mahigit 200 manggagawa ng BNR at Metaphil, na subcontractor companies ng Japan Gas Corporation (JGC) ay nagboykot sa kanilang trabaho noong Enero 21 dahil sa hindi pagbibigay ng 13th month pay at arbitraryong pagtatanggal sa trabaho ng mga manggagawa.
Noon pa mang Disyembre 18, ay nagrereklamo na ang mga welder, karpintero, mason at steelman na nagtatayo ng plantang bioethanol ng JGC at Green Future Innovations dahil sa hindi pagbibigay ng kanilang 13th month pay. Paulit-ulit silang pinangangakuan ng kumpanya na ibibigay ito noong Enero 15 at muli noong Enero 21.
Hindi pumasok ang mga manggagawa noong 11:00 ng umaga ng Enero 21 nang muling hindi tumupad ang kumpanya sa pangako nito. Maliban sa mga mang-gagawa, sumama sa kilos-protesta ang maraming naki-simpatya mula sa itinatayong planta.
Ayon kay Rommel de Guzman, chairman ng mga Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura sa Isabela (UMAMI), nagbigay ng 13th month pay sa ilang manggagawa ang kumpanya pero iligal na kinaltasan ang binigay na halaga. Dahil sa protesta, napilitang mangako muli ang kumpanya na tutugon sa demands ng mga manggagawa sa Enero 24.
Kuwento ni de Guzman, Enero 24 ng hapon, nagulantang ang mga manggagawa dahil ang ibinigay na 13th month pay sa kanila ay umaabot lamang ng mula P15 hanggang P82. Humigit kumulang P5000 hanggang P6990 ang dapat na matatanggap nila batay sa Minimum Wage sa non-agricultural workers sa Region 2 na P233 na kada araw. Mas mababa sa Mininum Wage o P220 lamang ang natatanggap ng mga skilled workers na ito.
Mas masahol pa ay pinipilit ng kumpanya na kaltasin sa ibinibigay nitong 13th month pay ang ibinigay nitong P1000 Christmas bonus noong Disyembre. Dahil dito, muling tumigil sa pagtatrabaho ang 204 na mga manggagawa.
Ayon sa batas paggawa, ang komputasyon ng 13th month pay ay ang ika 12 na bahagi ng buong suweldo ng isang manggagawa sa isang taon. At ang Chirstmas bonus ay hindi dapat kabilang sa komputasyon ng 13th month pay.
Sa pahayag ng UMAMI, napakaraming ginagawang paraan ang kumpanya para ipagkait ang bayad sa pinagpaguran ng mga manggagawa. Hindi daw binabayaran ang overtime nila na halos umaabot ng alas dos ng umaga, 120 oras kada buwan o mga P3,300.
Dagdag pa ng pahayag, hindi rin naibigay ang bayad para sa Night Shift Differentials, trabaho sa Linggo at holidays. “Hindi rin nereremita ng kumpanya ang kanilang mga SSS”, dagdag ni de Guzman.
“Tuso at mapanlinlang ang kumpanya ng BNR – Metaphil. Pilit na pinapirma ng kumpanya ang mga manggagawa sa mga papeles na nakasulat sa Ingles na hindi ipinapaliwanag sa mga manggagawa, bilang kundisyon sa pagbibigay ng anumang benepisyo.
Nadiskubre ng mga manggagawa na ang pinapipirmahang mga papel mula pa 2009 ay RESIGNATION na walang petsa at mga quitclaim na walang nakalagay na petsa at halaga na nagsasaad na nabayaran na ng kumpanya ang lahat ng benepisyo o sahod na laan sa manggagawa,” pahayag ng UMAMI.
Ayon pa sa unyon, tinatakot pa umano ng kumpanya ang mga manggagawa na kung ibibigay nila ang buong 13th month pay ng mga manggagawa ay malulugi at mag-pupull out na ang kumpanya sa Isabela.
Hinihingi ng mga manggagawa na bayaran ng buo ng kumpanya ang kanilang 13th month pay na nakabatay sa batas paggawa kasama na dito ang iba nilang mga benepisyo. Gusto din ng mga manggagawa na ibalik sa trabaho ang mga manggagawang arbitraryong tinanggal dahil lamang sa kanilang pagsama sa kilos protesta.
At dagdag pa nila na dapat bigyan ng clearance ang mga manggagawang gusto nang umalis sa trabaho. Hinihingi din nila na ibigay ang P90/araw na umento sa kanilang sahod mula Oktubre 1, 2011 na ipinangako ng JCC at BNR at ipalawambisa ang mga pinapirmahang blankong papel para sa “resignation” at “quitclaim”.# nordis.net
Recent Comments