Youthspeak: Paano dapat ipinagdiwang ang Chinese New Year?
January 29, 2012 in columns, Featured, opinion
Ni MACON MUYOT
www.nordis.net
Ayon kay Laura Cerrano, isang Feng Shui expert, sa taon ng dragon ang bawat isa ay hinihikayat na limutin ang mga masasalimuot na pangyayari na naidulot ng nakaraang taon. Ang pagkimkim ng sama ng loob at negatibong enerhiya ay malas umano sa buhay ng tao.
Ang payo ni Cerrano, mainam na itapon ang mga bagay na hindi naman kailangan, walang pakinabang, at hindi nagagamit. Ang naturang gawain ay mas mapagagaan ang aura ng kapaligiran ng iyong bahay, opisina, at lugar ng iyong negosyo. Gayundin, maaaring magbigay ito ng positibong enerhiya na makatutulong upang mas maging maaliwalas ang pakiramdam ng isang tao.
Makatutulong din sa pagdadala ng swerte ang paglilinis ng bahay bandang alas onse ng umaga hanggang ala una ng hapon. Dapat magsimula ang pagwawalis mula sa harap ng bahay palabas sa likod. Malas kung gagawin ang paglilinis sa gabi. Hindi dapat magsimula ang paglilinis sa likod papunta sa harap ng bahay. Dahil ang ibig sabihin nito ay winawalis o itinataboy mo ang swerte.
Magiging maswerte ka din kung pupunuin mo ang iyong refrigerator ng mga bago at sariwang pagkain. Mainam ding maglagay ng mga sariwang prutas at bulaklak sa kusina o hapag-kainan. Ang paglilinis ay hindi lamang nalilimita sa mga bahay o opisina.
Dapat din umano ay may positibong pagiisip ang isang tao. Ang pagkakaroon ng positibong pag-iisip ay mahalagang bagay na hindi dapat iniaalis ng isang tao sa kanyang bagay. Makatutulong din ito upang magkaroon ng masayang disposisyon sa buhay ang tao.
Bago pumasok ang bagong taon, ang mga utang o mga bayarin ay dapat bayaran kaagad. Kung iisipin, masaya nga namang salubungin ang taon kung wala kang iniiisip na bayarin o utang.
Sa pagpasok ng taon ng water dragon, nasa mga kamay pa rin naman natin kung paano natin pagugulungin ang ating buhay. Ang mga bagay na naisaad ay mga gabay at mumunting paalala ng mga paniniwalang maaaring makaapekto sa ating buhay. Wala namang masama kung ating paniniwalaan ang mga ito. Ngunit gaano ba ito kahalaga sa mga buhay ng mga Pinoy?
Paano nakakaapekto ito sa kultura nating mga Pinoy?
Lagi nating pakatandaan na nasa ating sariling mga kamay ang ating kapalaran. # nordis.net
* FengShuiManhattan. (2012). Chinese New Year is January 23, 2012! Feng Shui Tips for how to prepare by Laura Cerrano. Retrieved from activerain.com. Retrieved on 13 January 2012.
Recent Comments