Youthspeak: Edukasyon, karapatan ng mamamayan!

January 15, 2012 in columns, Featured, opinion by emendator

By MARICON MUYOT
www.nordis.net

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ang palasak na kasabihan ni Gat Jose Rizal na tumatak sa akin simula pagkabata. Naging palaisipan sa akin kung sa paanong paraan magiging pag-asa ng bayan ang kabataan. Paulit-ulit na tumatakbo ang katanungang ito sa akin. Minsang tinanong ko ang aking ina kung ano ang ibig sabihin nito pero iisa lang ang laging sagot niya: “Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti at paggawa ng tama at marangal.”

EDUKASYON – karapatan ng bawat mamamayan, susi sa tagumpay, tanging pamana ng mga magulang, sandata sa labanan, para sa LAHAT. Nakapagtataka na ang sinasabing LIBREng edukasyon ay hindi natatamasa ng takatak boys, rugby kids, mga batang nagtitinda ng sampaguita at ng mga ina at ama na kape na lamang ang ipinapakain sa mga anak.

Hanga ako sa aking ama at ina na nagbata ng hirap para lang makamit ang diplomang simbolo ng kanilang tagumpay ngayon. Sila, na aking huwaran sa kasikapan ay lubos kong pinasasalamatan! Malaki ang utang na loob ko sa aking magulang na ibinigay lahat ng aking kailangan. Lahat naman ng aking hiniling ay bukal sa puso nilang ibinigay. Ang edukasyong pinapangarap nila para sa akin ay nasa mga kamay ko na at hindi ko sila bibiguin sa kahit na anong paraan.

Kaya naman, tayo ay tinatawagan na ipakita sa buong mundo na ang edukasyon ay hindi isang negosyo, wala itong pinipiling antas ng kabuhayan at edad. Minsan ngang sinabi ni Arnold Clavio na hindi kailanman dapat maging hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng ating mga pangarap.

Sa isang banda, bakit nga ba maraming kabataan ang hirap abutin ang kanilang mga pangarap? Bakit hindi sila makapag-aral? Saan na napunta ang pangakong ang Edukasyon ay hindi kailanman ipagkakait sa bawat mamamayang Pilipino? Labis na nakakagalit na hindi ito maaksyunan ng mga inaakala nating magtutuwid ng ating landas patungong kaunlaran. Puro pausok at salita na lamang ba? Maganda ang mga plano para sa bayan ngunit ang lahat ng ito ay masyadong idealistic, para bang nangangarap! Katanggap-tanggap pa ito kung ang bawat mamamayan ng bansa ay natatamasa ang mga karapatang pantao lalo na ang Edukasyon.

Kitang-kita sa bansa na salat ito sa pondo para sa edukasyon. Lagi na lamang nagiging problema tuwing pasukan ang kakulangan sa silid-aralan, libro, maging mga guro at iba pang serbisyong pang-edukasyon. Nasaan ang pondo para dito? Para lang mapantayan ang first-world countries, pinipilit pang dagdagan ang taon ng pag-aaral sa elementarya.

Kung ang isang taong pag-aaral na lamang nga ay hindi na matugunan, ano na lamang ang mangyayari kung dadagdagan pa? Hindi rin kaila ang taunang pagtataas ng tuition fee lalo na sa mga unibersidad at kolehiyo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit literal na iginagapang ng karamihan ang kanilang pag-aaral.

Sana ay maging bukas ang lahat sa usaping ito. Nawa ay magsilbing paalala ito na bilang mga mamamayan, mayroon tayong karapatan sa edukasyon – isang bagay na kailanman hindi maiaalis sa atin.

Dahil “Edukasyon! edukasyon! karapatan ng mamamayan!” # nordis.net

Share