Pangakong napako
December 25, 2011 in Cagayan Valley, Cordillera, Ilocos, mining
By MACON MUYOT
www.nordis.net
“Nasaan na ang mga ipinangako nilang libreng ospital at paaralan?”
Ito ang pahayag ni Elvis, isang Philex worker. Sa isang panayam sa Amianan Salakniban noong ika-13 ng Disyembre sa Teacher’s Camp, Baguio City nabanggit ni Elvis na bata pa lamang siya’y palagi na niyang naririnig ang katanungang ito. At maski ngayong may pamilya na siya ay hindi pa nabigyang katuparan ang pangakong ito. Ilang dekada na ang lumipas ngunit puro latak ng sirang kalikasan na lamang ang kanilang natatanaw.
Bakas ng lumuluhang kapaligiran lamang ang nakikita ni Elvis. Nagsusumamong sigaw ng ilog at dagat ang naririnig niya sa gabi. Patay na hangin nalang ang sumasalat ngayon sa kanyang katawan na tila humihingi ng tulong. Mga TUYONG lupa na lamang ang natitira sa kanila. Ang mga lupang kapag pinilit bungkalin ay tiyak magluluwal ng mapait na pananim. Ang dating mayamang kalikasan ay unti-unti ng nasisira.
Hinaing ni Elvis ay kung sino pa ang mga residente ay sila pa ang malubhang naghihirap dahil sa kawalan ng trabaho at kabuhayan. Dahil na rin ito sa mga pangakong hindi mabigyan ng katuparan ng mga pribadong kompanya na nagsasagawa ng pagmimina. Isa lamang pala ito sa taktika nila upang linlangin ang isipan ng mga residente. Nilinlang ka na, pinaasa, at ginamit ka pa ― sa simula at huli ay walang silang naipanalong laban.
Si Elvis ay isa lamang sa mga biktima ng walang habag na pagtapak at pag-angkin sa lupang dapat nilang pinapakinabangan. Marami sa mga kababayan ni Elvis ang tiyak ang takot at pangamba na darating ang isang bukas na sila’y magugutom.
Hiling lamang ni Elvis na dapat magising ang diwa ng bawat isa at huwag magpadaig sa kapangyarihan ng mga manlilinlang. Kaisa ni Elvis ang pamahalaang lokal sa layuning tutulan ang tinatawag na large scale mining sa kanilang lugar. May mga nabuong organisasyon na hangad nang mapahinto ang mga ganitong aktibidad. Bagaman buo ang suportang ibinibigay ng kanilang lokal na pamahalaan at ng iba’t ibang organisasyon, binabalewala at isinasantabi lamang ang kanilang mga hinaing. Sa patuloy nilang paghamon na matigil ang pagmimina, may mga protestang naisagawa pero patay malisya lang. Kung talagang may malasakit ang mga opisyal na mataas ang posisyon, dapat nagkaroon ng aksyon na lutasin ang mga ganitong isyu.
Ito ang kwento ni ELVIS.
Layunin ng Amianan Salakniban na talakayin ang sitwasyon ng pagmimina sa Hilagang Luzon partikular na sa mga rehiyong Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley, at Pangasinan. Gayundin nais nitong alamin at tukuyin kung may mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa lugar ng minahan. Naibahagi ni Zaldy ng Stop Exploitation, residente ng Ilocos Sur, na halos lahat ng bayan sa Ilocos Sur ay may nagaganap na pagmimina. Ngunit wala namang naibabalitang nasaktan at naabuso habang isinasagawa ang pagmimina.
Nagsimula ang operasyon ng mga pribadong kompanya sa pagmimina noong 2009. Noong panahon na iyon ay nakakuha lamang ang mga dayo ng exploration permit. Ngunit lumipas lamang ang isang taon ay nagtapos ang kanilang eksplorasyon at sinimulan nila ang kanilang operasyon.
Karaniwang offshore mining ang isinasagawa sa kanilang lugar. Ilan naman sa residente sa Ilocos Sur ay kinukuha bilang tagahakot ng black sand. Sa kalaunan ay may kalayaan na silang ibenta ang mga nahakot nilang black sand.
Hindi naman kontra si Zaldy sa pagmimina hangga’t hindi ito nakasisira sa kalikasan maging sa mga magsasaka. Ang large scale mining ang labis niyang tinututulan. Panawagan ni Zaldy ay dapat pangalagaan, mahalin, at pagyamanin ang mga likas na yaman.
Ito ang kwento ni ZALDY.
Maliit man o malaking uri ng pagmimina ay pareho lamang ang magiging epekto sa Inang Kalikasan at sa kabuhayan ng mga tao. Ito ang mariing ipinahayag ni Buting, isang team leader sa Cagayan Valley. Buong puso niyang ipinaglalaban na itigil na ang anumang uri ng pagmimina. Lubos na ang pagkasira ng kapaligiran sa kanilang rehiyon kaya naman malakas ang kanyang kampanya at ng iba’t ibang organisasyon sa Cagayan na itigil ang pagmimina.
Dagdag pa rito, aktibong nakikilahok ang mga organisasyong hindi suportado ang aktibidad ng paninira sa kalikasan. Ngunit mapait ang kapalaran. Ayon kay Buting karamihan sa kanilang mga opisyal ay suportado ang pagmimina. Sa katunayan, may mga nabuong samahan na pinoprotektahan ang isang mining site sa rehiyon. Ang kanilang mga lokal na opisyal ang nag-iisyu ng permits para isagawa ang aktibidad.
Numero unong kalaban nila Buting ang kanilang lokal na gobyerno. Ang mga sundalo at pulis ang diumanong nangunguna sa pag-aresto sa mga aktibista. Marami ng nabalitang pinatay, hinaras, at kinulong na aktibistang kontra sa pagmimina.
Panawagan ni Buting na itigil na ang pagmimina. Ang maliliit na masamang bagay ay maaaring lumaki kung hindi hahadlangan.
Ito ang kwento ni BUTING.
Ito ang tatlong kwento ng buhay mula sa iba’t ibang sektor at rehiyon ng Hilagang Luzon. Sila ang labis na naaapektuhan ng mapanirang aktibidad. Si Elvis, Zaldy, at Buting, mga saksi at biktima ng pagmimina. # nordis.net
Recent Comments