Women’s Front: 1, 2, 3 Strike!

October 30, 2011 in columns, Featured, opinion

By INNABUYOG-GABRIELA
www.nordis.net

Oktubre 28 ang makasaysayang araw ng paglaban ng kababaihan sa kahirapan at panunupil, ang magiting na pagtindig ng kababaihan sa harap ng pambubusabos ng mga nasa kapangyarihan.

Oktubre 28, 1983 humugos sa lansangan ang may 10,000 kababaihan para labanan ang pampulitikang panunupil at malalang kahirapan sa ilalim ng pasista, korap at tuta ng imperyalistang US na rehimeng Marcos.

Ngayon makalipas ang 28 taon, napatalsik man ang diktador, nananatili ang panggigipit, panunupil at pagpapahirap sa mamamayan. Damang-dama ngayon ng kababaihan ang lumalalang bigwas ng kagutuman at kahirapan sa ilalim ng administrasyong nangakong “Kayo ang boss ko!” – pangakong kailanman ay hindi natupad dahil tila alipin pa rin bunga ng kahirapan ang kababaihan.

Makalipas ang mahigit isang taong panunungkulan, lumala pa ang krisis at epekto nito sa mamamayan dahil pinagpatuloy lang ng asyenderong Noynoy Aquino ang pakikipag-sabwatan sa tunay niyang boss – malalaking negosyo at dayuhang monopolyo na parang mga lintang nagkakamal ng ganansya sa binubusabos na mamamayan.

Overpricing sa langis at pagtatanggol sa oil cartel

Iba’t ibang bisita at pormula sa pagkuwenta ng presyo ng langis, iisa lang ang sinasabi: Overpriced ang langis na binebenta sa bansa ng Shell, Caltex at Petron. Hindi na nga makaagapay ang mamamayan sa taas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pangangailangan bunsod sa sunud-sunod na oil price hikes, todo pa ang pagdoktor ng presyo at tongpats ng oil cartel. Kung hindi ba naman kitang-kita ang kaswapangan at pandurugas nila, bilyun-bilyon ang nirerehistro nilang tubo habang ang mga lokal na negosyo ay padausdos ang kita, nalulugi o nagsasara. Ang tubong ito ay mula sa pawis at dugo ng mamamayan na sa bawat oras ay pinagnanakawan ng oil cartel!

At ano ang ginagawa ng gobyernong Aquino? Mistulang abogado at tagapagsalita ng oil cartel ang Department of Energy. Sa halip na imbestigahan para parusahan ang overpricing ng kartel, kinampihan pa ang mga mandurugas. Wala raw magagawa ang gobyerno dahil may Oil Deregulation Law. Tingnan mo nga naman ang katwiran ng gobyernong Aquino! Todo-todo ang pagtatanggol sa Oil Deregulation Law samantalang matagal nang binabatikos ang maka-kartel na batas na ito! Ano nga ba naman ang aasahan sa asyenderong si Noynoy na pamangkin ni Danding Cojuangco, ang negosyanteng may mayoryang pag-aari sa Petron?

Dagdag pa, ipinagtatanggol ng gobyerno ang manipulasyon sa presyo ng langis dahil sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, mas malaking kita mula sa E-VAT ang awtomatikong nakokolekta nito. Pero hindi naman bumabalik sa serbisyo para sa mamamayan ang kinokolektang buwis, kaya limalabas na pumaparte lang ang gobyerno sa sinisipsip na kita mula sa nagugutom at busabos na mamamayan.

Demolisyon, ebiksyon para sa negosyong pabahay

Gutom na nga ang mamamayan, dagdag pang pasakit ang panggigipit sa karapatan sa paninirahan. Kaliwa’t kanan ang demolisyon at ebiksyon sa mga maralita habang nananatiling walang programa para sa disente at makataong pabahay ang gobyerno. Itinatapon ang mga pinaalis na pamilya sa mga relokasyon na malayo sa kabuhayan, paaralan at pagamutan. Mas masahol, binabalewala ang mga naibayad na sa naunang pabahay at pinagbabayad nang bago ang mga relocatees. Negosyo ang turing sa mga tahanan ng maralita para bigyang-daan ang mga proyektong Public-Private Partnership (PPP) ni Aquino.

Charter Change pabor sa negosyong dayuhan

Hindi pa nasapatan ang gobyernong Aquino sa ginagawa nitong pakikipagsabwatan sa mga malalaking negosyo, tinutulak pa ngayon sa Kongreso ang charter change. Kunwari pa ang presidente na hindi makikialam sa agarang pagpasa ng cha-cha pero kitang-kita naman na mga kapartido at kakampi niya sa Kongreso ang nagtutulak nito, alinsunod sa bisyon na Philippine Development Plan ng kanyang administrasyon.

Layon ng cha-cha na tanggalin ang anumang natitirang balakid sa Konstitusyon ng Pilipinas para bigyang-daan ang 100% pagmamay-ari ng mga dayuhang korporasyon sa mga lupain at negosyo sa bansa. Kapag natuloy ang planong cha-cha, lubos na makikinabang ang mga malalaking dayuhang korporasyon sa pagmimina, langis, pangingisda at agro-kemikal. Aariin nila ang malalaking lupain sa bansa na magbibigay-daan sa malawak pang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at katutubo, gayundin ng di-matatawarang pinsala sa kabuhayan at kaligtasan ng mamamayan.

Pasakit ang dulot sa kababaihan at sa ating mga pamilya ng pakikipagsabwatan ng gobyerno sa malalalaking negosyo at mga dayuhang monopolyo! Sa mabilis at palihim na maniobra ng nagpoposturang si Aquino, tila na-wan-tu-tri ang taumbayan. Kunwaring tinawag tayong boss, ‘yun pala ay patuloy na binubusabos!

Kaya, isa, dalawa, tatlo, kababaihan tayo nang lumaban! Mag-strike tayo laban sa sabwatan! Wala tayong pinakamabisang armas laban sa bigwas ng panggigipit sa ating kabuhayan at karapatan kundi ang malawak nating pagkakaisa at militanteng paglaban.

Sa darating na Oktubre 28, iguhit natin ang araw ng sama-samang paglaban ng kababaihan sa pambubusabos ng sabwatang Noynoy at malalaking negosyo!

Kababaihan, kumilos!

Labanan ang atake sa ating kabuhayan at paninirahan ng rehimeng Aquino na pabor sa malalaking negosyo at dayuhang monopolyo!

Women strike back! # nordis.net

Share