Poetry: Sampung libong sampaguita para sa inyo, mga kasama
October 30, 2011 in Featured, literary
Ni ROD TAJON
www.nordis.net
Tumatarak sa puso
Ang isiping kayo’y pinaslang sa karimlan ng liwanag
At pinagpapasasaan ng mga berdugo.
Masangsang ang amoy ng dugo
Nakabibingi ang tunog ng mga punglo
Sa kabundukan kung saan nakahandusay
Ang mga katawang dinurog
At kaluluwang linapastangan ng mga demonyo!
Ngunit,
Sampung libong sampaguita ang alay namin sa inyo.
Tanda ng muling pagbangon ng inyong bantayog.
Hindi magagapi ng takot,
Ni kapirasong pag-alinlangan
Ang pag-asang muling mahahagkan
Ang rilag ng tagumpay.
Ang halimuyak ng libong sampaguita
Ang siyang papawi sa nakasusulasok na amoy ng kamatayan.
Ang rikit ng mga talulot
Ay tanda ng dalisay na pag-ibig na inyong inalay sa bayang nilulupig.
Sampung libong sampaguita ang aming alay sa inyo, mga kasama.
Maliit man sa simula kung mamulaklak
Darami ito ng libo katulad ng aming pagsulong
Upang ipagpatuloy ang labang ipinagpatayan
Mayakap lamang ang bukas na malaya! # nordis.net
Recent Comments