MAKAN A LA PINOY | Mangan Taku: Unang selebrasyon ng Buwan ng Kalutong Pilipino sa Kordilyera

Ni BRENDA S. DACPANO
www.nordis.net

Pinasinayaan ang unang selebrasyon ng Buwan ng Kalutong Pilipino sa Kordilyera na Mangan Taku (Kumain tayo/Halina’t kumain): Cordilleran Food Fair 2019 noong Abril 8. Tatakbo ang food fair hanggang Abril 14 sa Rose Garden Burnham Park sa Syudad ng Baguio.

Ang Departamento ng Turismo ng Cordillera Administrative Region (DOT – CAR) ang namumuno sa food fair, kasama ang Departamento ng Agrikultura – CAR, bilang bahagi ng pambansang selebrasyon ng Buwan ng Kalutong Pilipino.

Idineklara ang Abril kada taon bilang “Buwan ng Kalutong Pilipino” o “Filipino Food Month” sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 469 na pinirmahan ni Pres. Duterte noong Abril 13, 2018. Sa ilalim nito, bibigyang suporta ng gobyerno ang agrikultura ng angkop na teknolohiya at pagsisiyasat, sapat na pinansya, produksyon, pamilihan, at iba pang suportang serbisyo. Kinikilala rin dito ang tradisyunal na kulinarya bilang bahagi ng ating pamanang pangkultura.

Ang Mangan Taku ay nakapokus sa pagkain bilang dagdag na tampok sa turismo dahil ang mga bisita ay laging naghahanap ng bago ayon kay Jovita Ganongan, DOT – CAR officer-in-charge. Layon ng Mangan Taku na dalhin ang kulinarya ng mga katutubo ng rehiyon sa Baguio upang maranasan ng mga lokal at turista and iba’t ibang uri ng nakatatakam na pagkain ng rehiyon. Nilahukan ito ng lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province. Lumahok din dito ang ilang unibersidad at restawran na naghahain ng mga katutubong pagkain. Bawat kalahok ay may kanya-kanyang kubo kung saan nakahanay ang samu’t saring produkto nila.

Inanchila ng Kalinga. Kuha ni Brenda Dacpano/Nordis

Tampok na produkto ng Pasil, Kalinga ang inanchila/inandila (parang dila) na gawa sa galapong na malagkit na bigas na chaykot (katutubong bigas), lachok (latik), asukal, gata ng niyog at asin. Iniluto ito na parang sa karaniwang suman, pagkaluto ay lalagyan ng latik at asukal. Inihain din dito ang kinalloray (chaykot at piniritong karne ng native na baboy), intum un pikaw (wild gabi na niluto sa asin o bagoong at luya), intum un nguray (sitaw). May mga paninda rin silang nga bangâ at iba pang gamit na pangluto.

Pinunnog (smoked longganisa) ng Ifugao. Kuha ni Brenda Dacpano/Nordis

Pinunnog, smoke-cured sausage na gawa sa karne ng baboy, ang produkto ng Kiangan, Ifugao. Ito ay pinauusukan ng dalawang buwan sa itaas ng dalikan (wood-fired stove).

Itinampok ng Benguet ang kiniing, pinausukang karne ng baboy. Naghain din sila ng siopao na gawa sa arina ng gabi at may palamang kiniing.

Pinikpikan at etag ng Mountain Province. Kuna ni Brenda Dacpano/Nordis

Ang probinsya ng Mountain Province ay naghain ng etag (pinausukang karne ng baboy), pinikpikan (manok at etag na nilutong parang tinola),  at bukku (suman na gawa sa arina ng kamote, malagkit na bigas at asukal na binalot sa dahon ng tubo).

Miki mula sa Abra. Kuha ni Brenda Dacpano/Nordis

Makikita sa kubo ng Abra produkto nilang pansit miki, longganisang Abra, masa podrida (isang uri ng biskwit na ang ibig sabihin sa Español ay panis na masa) at patupat (suman na hugis triangulo), inladit (kraker na may halong pulot).

Pizzang may toppings na mga katutubong putahe ng Apayao.
Kuha ni Redjie Cawis/PIA-CAR

Itinampok ng Apayao ang putaheng binanayan, pinalatan (karne ng baboy, dahon ng duhat at sili) at pinaltit (giniling na karne ng baboy, gata at sili) bilang toppings ng pizza, at ang kanilang abraw na gawa sa ginadgad na niyog, talangka at susô.

Mahalaga ang pagtatampok ng kulinaryang katutubo upang hindi ito tuluyang maglaho sa paglipas ng panahon. Ang pagtatampok ng mga fusion food o paghahalo ng lokal at dayuhang kulinarya ay isang pag-aangkop sa nagbabago o impluwensyadong panlasa ng kasalukuyan gaya ng pizza ng Apayao. Ngunit mahalagang mabantayan ito para hindi mawala sa paglikha ng fusion.

Higit sa pagpapatampok ng Kulinaryang Pilipino para sa turismo, isang mas mahalagang patampukin sana ang layunin ng Presidential Proclamation No. 469 na pagbibigay suporta ng gobyerno sa agrikultura. Ang suporta nito sa appropriate technogy at pagsisiyasat upang mas mapaunlad ang produksyon ng mga magsasaka at mangingisda.

Sa kalagayang kumikipot ang pangisdaang dagat ng mga mangingisdang Pilipino dahil sa pagpapaubaya ng gobyerno sa China ng ating karagatan, kakaunti kung hindi man walang nahuhuling isda ang mga mangingisdang Pilipino. Maging ang bagong pirma ng pangulo na Republic Act 11203 o Rice Tarrification Law ay hindi magbibigay ng seguridad sa pagkain ng mga mamamayang Pilipino.

Pagkatapos ng World Food Summit noong 1996, ang etekal at makataong dimensyon ng food security ay naipokus sa pormal na pag-adopt ng UN sa Right to Adequate Food. Sa panahon ng gobyernong Duterte, ang kahulugan ng food security ay ang pagbubukas ng sistema ng kalakalan at liberalisasyon ng agrikultura.

Pangunahin ang pagpapalakas ng kakayahan ng mamamayan para makabili o magkaroon ng sapat na pagkain sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lupang masasaka at dagat na mapagkukunan ng isda.#

Share

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.