Youthspeak: Move on? Mga buhay na karansan ng Martial Law (1/3)

By NATHANIEL FABIAN
www.nordis.net

FIRST OF THREE PARTS

“Walang naibabalitang ‘krimen’ dahil walang makakapagbalita. Walang nakakapagsumbong ng kalagayan dahil walang pagsusumbungan.”

Malamig ang umaga sa San Mariano, Isabela ngunit mainit ang pagdagsa ng mga mamamayan nito sa isang asembliya ng mga biktima ng Martial Law—apat na dekada na ang nakalilipas.

Magsisimula na ang programa ngunit ganoon parin ang dami ng pagdagsa ng mga humahabol. Ang bawat isa, biktima man o naulilang kamaganak, ay nakagayak. Marami pa nga ay may mga bitbit nang mga dokumento na nagpapatunay ng kanilang karanasan. Halos lahat ay kulubot na ang balat at namumuti na ang buhok. Marahil, ang Martial Law ay isa lamang bahagi ng malulupit nilang karanasan sa buhay—ngunit tila ang ala-ala ng Martial Law ay kahapon lamang naganap. Sa pagkakataong ito, may halos libo ang nagmula sa dalawang magkalapit na bayan ng San Mariano at Benito Soliven.

“Never again!”

“Never again, never again,” sigaw ng nagpapadaloy. “Never again to Martial Law!” malakas na sagot ng mga tao. Ang mga boses na nadinig ko ay mga boses na may pangungulila, sakit, at galit. Maging ang kanilang mga mata ay panangingilidan na ng mga luha kasabay ng dagundong ng mga boses.

Parang bulkan, marahil, dito at ngayon na lamang sumasabog ang kanilang galit. Sa likod ng mga boses na iyon ay ang maraming magulang, anak, kapatid, o kamaganak ang pinaslang, sinaktan, at/o nawala (desaparesidos). Ang mga tinig na iyon ay humihingi ng hustisiya. Marahil, dito na lamang muli sila nabigyan ng pansin.

‘Malupit, Nakakatakot’

Isa sa mga biktima ang nagpakilala bilang si Ginang Remedios Decano. Sa kaniyang edad na 76, ikinayod pa niya ang kaniyang sarili upang makadalo. Mahina, at payat na ito, may salamin, at gumagaralgal na ang boses.

Tinukoy niya na noong 1970’s, marahan, tahimik, at masagana ang pamumuhay sa kanilang baryo. Nagtutulungan ang mga mag-anak na pagsasaka habang ang kanilang mga anak ay maglalakbay patungo sa malayong eskwelahan sa bayan. Hindi rin madalas ang pangangailangan sa atensiyong medikal dahil malusog ang mga taga roon. Sagana naman ang taniman ng mga gulay sa mga bakuran. Ngunit sa kabila niyon, talamak ang problema sa sakahan dulot ng kakulangan sa mga serbisyong kinakailangan nila tulad ng farm-to-market roads, pang-aagaw ng mga malalaking nagpapautang, at iba pa. Sa gabi, radiyo na lamang ang maririnig sa ilang kabahayan.

Pagsapit ng gabi ng ika-23 ng Septiyembre, 1972, ibinaba ang ‘Martial Law’ sa buong bansa. Dito na nagsimulang mapansin ng mga taga nayon ang pag-iba ng tunog ng kapitbahayan. Wala na ang mga radyo. Wala na rin ang marahan, tahimik, at masaganang na pamumhay sa nayon. Nagdatingan ang mga armadong elemento sa kanilang mga baryo, nanghahalughog ng mga bahay, nangunguha ng mga pagkain at alagang hayop, at nananakit ng mga taga-baryo.

Kinabukasan, maingat ang pag-kilos ng mga taga-baryo. Ang ilan ay natakot magsaka. Ang ilang ay takot pumasok sa eskwela. Wala na rin ang mga tinig sa radyo. Tahimik at takot ang buong nayon.

Ayon sa kaniya, siya at ang kaniyang asawa ay kapwa boluntaryong mga opisyal sa barangay. Hindi sila nakakatanggap ng sahod o iba pang benepisyo o insentibo. Siya ay gumaganap bilang health worker at ilan sa kaniyang mga gawain ay pangangalaga ng mga gamot at pamamahagi nito.

Buntis siya ng mga panahong iyon. Sa pagdating ng mga elemento Philippine Constabulary, sapilitan nilang ipinalunok ang mga gamot sa kaniya. Pilit siyang ipinapa-amin na sumosoporta siya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pamamagitan ng pagbibgay ng mga gamot sa kanila. Maging ang kaniyang asawa ay pinagsusuntok gamit ang dulong hawakan ng mga baril.

Ang mga ala-alang ito ang nagtanim takot kay Gng. Remedios tuwing siya nakakakita ng mga sundalo at pulis. Dagdag pa ang mga kasalukuyan niyang nababalitaan at nakikitang karahasan ng mga pulis at sundalo.

“Malupit, nakakatakot,” sagot niya. Sa pangingilid ng mga luha niyang sinabing ayaw na niyang magkaroon muli ng Martial Law.

“Luluhod ako sa harap ng mga taong sang-ayon sa panibagong Martial Law upang magmaka-awa na huwag na silang pumayag.”

Hindi pwedeng mag­-move on

Umano, nagdeklara ang dating Pangulong si Ferdinand Marcos dahil sa pangangailangan laban sa kabi-kailaang rebelyon at pag-alsa ng mamayan. Naging rason na lamang ng pagdedeklara ang naganap na pagsabog sa Plaza Miranda na pumaslang ng 9 katao at nanakit sa iba 95 katao.

Ngunit bago pa man ang Martial Law, tumatangis na ang mamamayan laban sa 1) lantarang korapsyon sa lahat ng panig ng bansa, 2) papataas nang presyo ng mga bilihin, 3) malawakang pang-aagaw ng mga lupain, 4) maramihang pinsala ng civil war, at 5) pagatake sa mga komunidad ng mga war lord. Sa lungsod, kabi-kabila na ang mga protesta laban sa pagdidikta ng gobiyerno ng United States (US) kay Marcos. Dumadami na rin ang mga tumatayong oposisyon kabilang ang ilang mga senador, mga kongresista, iilang mga lokal na namumuno, at mga lider-makabayan. Wala paring planong makinig ang rehimeng US-Marcos sa panawagan ng lahat.

At sa araw na nga ng deklarasyon, unti-unti na silang nagsiwalaan. Ang ilan ay pinaslang ng walang laban, dinakip at hindi na nakita pa muli (desparesidos), ikinulong at tinortyur, at pinatahimik sa pamamagitan ng pananakot at pagmamanman.

Walang naibabalitang ‘krimen’ dahil walang makakapagbalita. Sarado ang mga himpilan ng radyo at telebisyon. Maging ang mga diyariyo ay censored ang mga nilalaman. Ni kahit mga alternatibong medya tulad ng campus press ay ipinasara. Walang nakakapagsumbong ng problema dahil walang pagsusumbungan. Mahigpit din ang pagpapatakbo sa mga lokal na sangay ng gubiyerno. Maging mga student council sa mga eskwelahan ay ipinasara din.

Hindi lamang sana si Gng. Remedios at ang mga dumalo sa pagtitipong ito ang makakapagpatunay ng kanialang buhay na karanasan, kundi pati ng mga mismong pinaslang at desaparesidos.

Hustisiya hindi Amnesia

Ngunit sa kabila ng mga numero at datos na napaka-daling makita at ng mga pelikula, libro, at lumang larawan at balita na makikita sa lahat ng medyum, tila limot na sa marami—higit lalo sa mga kabataan—ang mga masalimuot na naganap noong Martial Law.

Sa kabila nito, handa parin ang mga grupo tulad ng Karapatan, Selda, Hustisiya, at iba pa na isulong ang hustisiyang matagal nang ipinagkait sa mga biktima. Nanggaling na sila sa maraming mga bayan sa Cagayan at Isabela at patuloy parin sa pag-ikot para sa mga sembliya.

Ang libong tao na dumalo sa asembliyang ito ay mula pa lamang sa San Mariano at ilang bayan na malapit. Marami pa ang kailangang bigyang daan upang ipaalam sa lahat na buhay pa ang mga nakaranas ng mabigat na kamay ng diktadurang US-Marcos. Ang solusyon sa pag-move on ay hindi sa paglimot ng mga karanasang hindi naman talaga nila kayang limutin kundi sa pagbibigay pansin at hustisiya sa pinsala sa bawat isa sa kanila.#nordis.net
Click here for second part

Share

Leave a Reply