Youthspeak: Move on? Mga buhay na karansan ng Martial Law (2/3)

By NATHANIEL FABIAN
www.nordis.net

SECOND OF THREE PARTS
Click here for first part

“Lupang inagaw”

Part 2 of 3
Ang Lambak ng Cagayan ang ikalawang pinakamalawak na rehiyon sa Pilipinas. Sa lawak nito, noong mga panahon ng paglupig ng mga Espanyol, hindi ito halos masakop dulot ng mga malalayong paglalakbay at matarik na mga bundok. At sa mga panahon ng itinayong gubyerno ng imperyalismong United States, pinanatili ang mga ito. 
 
Samantala, hanggang ngayon, ang mga lupa at ang politika dito ay nasa monopolyo ng iilang pamilya na may kontrol at akses sa capital, mga makinaryang pang-agrikultura, at pamilihang istasyon.
 
Panahon ng Martial Law
 
Sa ilalam ng diktadura ni Ferdinand Marcos, lalong pinalawig ang pagpapapasok ng mga dayuhang namumuhunan tulad ng mga minahan, casino, pagawaan, at iba pa sa pagkakatatag ng National Development Corporation (NDC). Lalo naman nitong inalipin ang mga magsasaka ng mga malalawak na lupain sa Lambak ng Cagayan.
 
Ang mga hasyenda ng San Antonio at Santa Isabel sa Ilagan City ay nagsimula pa sa paglawak ng operasyon ng Companias General de Tobaccos de Filipinas . Natigil ang opersyon sa pagbugso ng rebolusyong 1889. Ngunit dulot ng pagsakop ng mga Amerikano, nanatili itong hasyenda kung kaya’t nanatiling tagapaggawa ang mga magsasakang dito na isinilang. At limang dekada mula ngayon, ang nasabing lugar ay pinamumunuan ng kabi-kabilang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law.
 
Sa paglalahad ng isang kabataan noon — tumangging magpakilala, residente ng hasyenda San Antonio, pinaslang ng mga sundalo ang kaniyang ama at dinakip ang kaniyang kapatid na babae. Edad 16 siya noon at tumutulong na magsaka ng mais kasama ang kaniyang ama. Ang kanang kamay niya ay may mahabang peklat mula sa gilid ng siko hanggang sa pulso. Tuluyan na ring nakakuyom ang mga daliri niya sa kanang kamay.
 
Ayon sa kaniya, isang umaga sa kanilang tahanan nang dalawang beses na pinaputukan ng baril ang kaniyang ama sa dibdib. Naglakas-loob siyang humarang nang akmang tatagain pa ng mga sundalo ang kaniyang ama. Iniharang ang kaniyang kanang kamay at dito na nanghina at humandusay sa mga talahib. Naglalaho na ang ulirat niya nang nakita pa niyang sapilitang dinakip ang kaniyang babaeng kapatid.
 
Paggising niya, nakarinig na ito ng mga tilaok at nakita na sumisikat na ang araw. Umaga na. Napansin niyang puno ng natuyong dugo ang kaniyang katawan. Sa unang paghakbang niya ng kaliwang paa, kumirot ito at  muling natumba sa pagkakatayo. Maging ang kaniyang hita ay may mga sugat ng pagkataga. Ikinayod nito ang sarili hanggang sa makapagpagamot sa ospital.
 
Sa ngayon, ang mga bakas nito ay kapwa nakikita at alaala na lamang. Ang kaniyang kapatid na babae ay hindi na ibinalik. Ang kaniyang ama ay hindi pa nabigyan ng maayos na libing. At ang mga imahe ng mga nangyari ay hindi pa rin naalis sa kaniyang isip. Sa kabila ng mga ito, denied ang kaniyang claim bilang biktima ng martial law.
 
Bahagi ang kaniyang ama at kapatid sa higit 3,000 pang pinaslang, 35,000 na tinortyur, at 70,000 na ikinulong at mga desaparacidos. 
 
Laban para sa lupa
 
Ayon sa kaniya, kaya marahil naahita ang mga sundalo ay dulot ng malakihang pagprotesta ng mga taga-San Antonio at Santa Isabel laban sa mga panginoong maylupa.
 
Noong 1976, malala na ang mga pangangamkam ng lupa sa lugar. Ang mga tagaroon ay binabantaang umalis, sinisingil ng matataas na upa sa lupa at mababa ang pasahod sa mga manggagawang bukid. Gamit ang mga sundalo, nananakot ang mga hasyendero sa mga magsasaka na sila ay papaslangin at ikukulong kung ayaw magbayad o ibigay ang lupain nila.
 
Nagliliyab ang mga puso ng bawat isa sa asyenda—sampung libong o mahigit ang tumungo sa kalsada, nagprotesta mula Ilagan hanggang Cauayan laban sa sapilitan at marahas na pang-aagaw ng mga lupain. Nagdagsaan din ang mga pwersa ng sundalo at nagdulot ito ng takot sa mga nagpoprotesta. Umano, gabundok ng tsinelas ang  naiwan sa gitna ng kalsada.
 
Isa sa mga saksi nito ay Filomena Asuncion, kilala rin bilang Ka Liway, dating dyakonisa ng United Methodist Church. Isa siya sa mga organisador ng Timpuyog dagiti Iglesia (TIMPI) na dinakip noong 1981. Isa sa kaniyang mga gawain ay pag-oorganisa ng mga magsasaka upang magtayo ng mga kooperatiba laban sa mga kartel. Naging martir siya noong 1983. Matapos dakipin, siya ay tinortyur at inabuso bago pinatay.

Hanggang ngayon
 
Tapos na ang Martial Law, maging ang EDSA People Power Revolution, ngunit hindi pa rin tuluyang natatamasa ng mga magsasaka ang sarili nilang lupain.
 
Ngayon, hikahos na nga sila dulot ng mga pangangamkam ng lupain, napakatataas na singilin sa pautang at upa sa lupa, at nagmamahalang mga gastusin sa taniman, rumaragasa na naman ang dami ng mga polisiyang nagpapabigat pa ng kanilang pamumuhay. Sila ang pangunahing natamaan sa epekto ng TRAIN Law. Sila ang pangunahing maapektuhan ng TRAIN 2. At kailanman, hindi naman sila nagkaroon ng boses upang ipanawagan ang kanilang mga hinaing.
 
Nasaan na kaya ang reporma sa lupa? Nasaan na ang sinasabing kaunlaran at pagbabago? Wala. Hindi na maasahan ang mga papalit-palit na mukha ng Presidente. Parepareho lamang silang bumabale-wala sa pinakamalaking bahagdan na Pilipino—magsasaka.
 
Hindi na nga ba natututo ang mga Pilipino sa kasasayan. Noon, may “bagong lipunan”, ngayon, may “change is coming”. Ngunit tulad ng dati, nagbabalik ang kasaysayan; inflation, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at krisis sa pagkain.

Ngayon, ang ating pag-alala sa bahagi ng kasaysayang ito ay pagbibigay pugay at hustisiya sa mga tumindig ngunit naging biktima ng Martial Law. Ito rin ay isang paghahanda sa mga banta ng kasalukuyan.# nordis.net

Share

Leave a Reply