Diaries from the Field: Martial Law na ba sa Jones Isabela?

By MARK CANTA
www.nordis.net

Ika-30 ng Agosto ang aming pagdating sa isang komunidad sa Jones, Isabela. Mahirapan ang tahak sa kalsada patungo dito ngunit hinarap parin ito ng aming grupo. Bukod sa kaalamang mahirap ang buhay sa nayon, naipaabot sa amin ang mala-Martial Law na pag-kampo ng mga sundalo sa lugar. Sa pangunguna ng human rights advocate at paralegal group Karapatan Cagayan Valley, nagsanib pwersa ang iba pang organisasyon tulad ng Philippine Network for Food Securities Programs (PNFSP), National Council of Chruches in the Philippines (NCCP), ilang mga development workers, media man, at mga kabataan.

Mga nakasuot pang-sibilyang ang mga militar na naka-abang sa amin sa community center ng Sta. Isabel, Jones. Ang kanilang mga smartphone ay nakatutok sa amin, bawat isa ay tila kinukuhanan ng litrato. Malagkit din ang titig ng mga ito sa aming mga camera at halos tatakbo na sa pagiwas sa tutok nito.

Nagpakilalang Lt. Eddie Amilao mula sa 54th Infantry Batallion ang pumigil sa amin upang makausap ang mga residente. Aniya, kailangan sila may presensiya sa lahat ng aktibidad kabilang na ang aming Field Visit. Layunin naming makausap ang mga residente upang malaman ang buong katotohanan

Ang paghihigpit ni Lt. Amilao sa amin ay bahagi umano ng Community Support Program (CSP) na programa ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Isa sa mga itinakdang gagawin naming ng Field Visit Team ay tipunin ang mga residente para talakayin ang pagtaguyod sa karapatang pantao at alamin ang kanilang mga kalagayan. Ngunit, kakaunti lamang ang dumalong mga residente sa Baranggay Hall dahil sinabi sa kanila ng mga militar na mga NPA umano ang maglulunsad ng aktibidad. Gayunpaman, hindi nagpasindak ang aming team sa pananakot ng mga militar at pinagpatuloy ang tinakdang talakayan kahit na hindi sila umalis.

Tinalakay ng isa naming kasama sa team ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights ang International Humanitarian Law (CARHIRHL) upang ipaalam sa mga residente at mga opisyal ng baranggay ang karapatan na kanilang dapat natatamasa. Ilan dito ay ang hindi pagpapahintulot sa pag-kampo ng militar sa mga komunidad at pananakot sa mga inaakusahan nilang mga rebelde na residente. Habang nagtatalakayan, nakikita ko ang mga militar na pangiti-ngiti, para bang hindi sila sangayon sa mga nakasaad sa pinirmahang batas. Naiisip ko, hindi ba sila napapaisip na sila mismo ang lumalabag dito?

Pagkatapos ng talakayan ay sinubukan naming pumunta sa mga bahay upang makausap at malaman ang kalagayan ng mga residente sa kanilang kabuhayan, mga suliranin sa barangay at ang pananatili ng mga sundalo sa kanilang komunidad. Habang kinausap ko ang ilan sa mga residente, kalakhan ay malimit ang kanilang mga sagot kapag tinatanong kaugnay sa presensya ng militar habang may ilan na sinabi ang kanilang pangamba na baka madawit sila sa gulong dala ng militar. Sa bawat tao na aking nakausap, nakita ko ang kanilang takot. Nakita ko ang kanilang kagustuhan na mamuhay lamang na tahimik sa kanilang komunidad.

Noong susunod na araw, Agosto 31, naghanda kami para puntahan ang Sitio Dibilisawan ng Sta. Isabel kung saan may balitang paglabag ng karapatang pantao sa kamay ng mga militar. Ilan dito ang sapilitang panghahalughog ng mga kabahayan, pananakit, panunutok ng baril at pagbintang sa mga residente na kasapi o supporter umano ng NPA.

Nang kami ay naglalakad na papunta sa Sitio Dibilisawan, bigla ulit kaming hinarang ng mga militar. Hindi raw kami maaaring pumunta sa Sitio Dibilisawan dahil baka diumano’y mapahamak kami. Naglaro sa aming isipan, kanino kami mapapahamak? Sino lang ba ang may armas na naroon liban sa militar? Inuutusan pa ni Lt. Anilao ang kapitan na huwag kami pahintulutan na sa katunayan, pumayag na ang kapitan at iba pang opisyal na pumunta kami sa Sitio dahil sila rin mismo ay gusto nilang malaman ang kalagayan ng mga residente.

Nagpupumilit ang mga militar huwag kaming tumuloy dahil wala rin daw kaming permit. Naisip ko, martial law na ba sa Sta. Isabel? May mali ba sa pag-alam sa kalagayan ng kapwa ko mamamayan? May mali ba sa aming kagustuhan na sila ay tulungan? Ngunit, dala na rin ng takot, nagdesisyon ang kapitan na huwag na ituloy ang pagbisita sa Sitio Dibilisawan. Makikita mo na sila rin mismo ay naiipit sa gitna. Makikita mo ang kanilang pangamba na baka may mangyari sa kanilang hindi kanais-nais kapag hindi sila sumunod sa dikta ng militar. Naintindihan namin ang kanilang kalagayan. Panay rin ang paghingi ng pasensya ng mga opisyal ng barangay. “Pasensya na kayo dahil takot kami sa militar”, sambit ng isang brgy. Kagawad.

Naramdaman ko ang hirap ng sitwasyon ng mga opisyal at ng mga residente, kung paano sila nabubuhay ngayon sa takot. Ngunit, sa kabilang banda nakikita ko na dapat hindi natin hayaan na magpatuloy ang ganitong kalagayan. Nang kami ay paalis na, sabi ko sa isang kagawad ay dapat huwag lamang magpadala sa takot. Kailangan may gawin ang mamamayan Sta. Isabel kasama ang iba pang mamamayan sa probinsya maging sa buong bansa para gawing mapayapa ang buhay sa komunidad. “Babalik kami dito, huwag po kayong mag-alala. Hindi po kayo nag-iisa”, wika namin sa mga opisyal. #nordis.net

Share

Leave a Reply