Tuluy-tuloy ang laban ng mga Martial Law victim

By JAMES PAREDES
www.nordis.net

TUGUEGARAO CITY, Cagayan — Tuluy-tuloy ang laban ng mga biktima ng iligal na pagdakip, tortyur, pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalalim ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Cagayan para sa pagkilala sa kanilang karapatan.

Nagmartsa ang mga miyembro ng bagong tayo na organisasyon na Hustisya sa probinsya ng Cagayan para isumite sa munisipyo ang petisyon para sa pagkilala at paggiit ng hustisya sa mga biktima ng batas militar. Photo courtesy of KARAPATAN-CV

Nagmartsa ang may isandaang biktima sa bayan ng Sto. Nino nitong Agosto 9 at mahigit isanglibo naman sa bayan ng Amulong noong Agosto 7 patungo sa mga munisipyo ng naturang mga bayan upang hingin ang suporta ng kanilang mga Sangguniang Bayan sa pagkikipaglaban nila para sa pagkilala sa kanilang mga karapatan.

Hiningi ng mga biktima na magpasa ng resolusyon ang mga Sanggunian Bayan ng Amulong at Sto Nino para iendorso ang kanilang petistyon para sa pagkilala sa paglabag sa kanilang mga karapatang pantao at mabigyan ng karampatang bayad sa kongreso.

Ayon kay Charles Valencia, tagapangulo ng bagong tatag na Hustisya-Amulong, ang hindi pagkilala sa mga biktima ng martial law ay patuloy na paglabag sa kanilang karapatan. Aniya 30 taon na ang nagdaan pero patuloy parin itinatanggi at pilit na pagtatago sa mga naging paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas militar ni Marcos.

“Kami ay nagpepetisyon na kilalanin at bigyan ng karampatang bayad pinsala ang lahat ng biktima ng martial law maliit man o malaki, mabigat man o magaan ang naging paglabag sa karapatang pantao,” dagdag ni Valencia.

Si Valencia ay isa sa mga biktima na kinilala ng Human Rights Violation Claims Board ang aplikasyon at nakatanggap ng bayad pinsala.

Bago magmartsa ang mga biktima ng martial law ng Amulong, nagtipon muna sila at itinatag ang Hustisya.

Ayon sa Sangguniang Bayan ng Amulong paguusapan nila sa kanilang pulong ang hiling ng mga biktima.

Sa bayan ng Sto Nino, isimumite ng mga biktima ng martial law ang kanilang petisyon sa opisina ng bise mayor. Isasama din umano sa mga paguusapan sa pulong ng Sangguniang Bayan ang nasabing petisyon.

Ayon kay Jackie Valencia ng Karapatan-Cagayan Valley, nararapat lamang na suportahan ng mga Sanggunian Bayan ang petisyon ng mga biktima upang mabigayan sila ng hustisya na matagal na nilang inaasam. # nordis.net

Share

Leave a Reply