Youthspeak: Hinggil sa Oplan Rody, tambay, si Duterte at Domogan

Ni JOHN REY DAVE AQUINO
www.nordis.net

Sa pamamagitan ng mga kontra-mamamayang polisiya gaya ng TRAIN Law, Oplan Tokhang at Build, Build, Build, ipinapakita ni Duterte ang kawalan niya ng kagustuhan na lutasin ang deka-dekadang krisis at kahirapan sa bansa. Sa kanyang lohiko, ang paraan upang wakasan ang kahirapan ay ang paslangin o kaya’y ipiit ang mga mahihirap. Malinaw ito sa naging rekord ng pagpaslang at pag-aresto ng rehimen sa libu-libong maralita sa ilalim ng kung anu-anong program. Ngayon, ang pinakabago, at masahol pa sa mga nauna, ang Oplan RODY (Rid of Drunkards and Youth). Target naman nito ang mga ‘tambay’ – tambay dahil sila’y walang regular na trabaho, mga natulak sa anti-sosyal na aktibidad, mga pinagkaitan ng karapatan sa edukasyon, muli, mahihirap.

Kamakailan lang nang ibigay ni Duterte ang direktibang manghuli ng mga tambay na kasalukuyang isinasagawa ng kapulisan lalo na sa Metro Manila. Sa tala, higit 7,000 ‘tambay’ na ang hinuli ng Philippine National Police (PNP) sa punong lungsod pagdating ng ika-20 ng Hunyo ngayong taon. Sa halos isang buwan pa lamang, natala ang kaso ng pagkamatay ni Genesis Argoncillo, na hinuli raw dahil sa pagtambay sa labas ng kanyang bahay na walang saplot at gumagamit ng cellphone. Sa mga nagdaang araw, ang bilang na ito ay nadagdagan pa nang nadagdagan – animo’y normal na ang pagpaslang.

Wala na ngang kakayahan ang pangulo sa paglutas ng kahirapan, wala pa itong alam sa naghihirap na kalagayan ng mamamayan. Kalakhan sa mga sinasabing ‘tambay’ ang mga walang trabaho dahil sa kahirapan o kaya nama’y kabataang hindi makapag-aral sa parehong dahilan. Sa Kordilyera, ipinakikita ng datos ng Labor Force Survey ng Department of Labor and Employment ang kawalan ng trabahong mapapasukan. Ayon dito, 6.1% ang tantos ng kawalan ng empleyo sa rehiyon sa nakaraang taon at 17.3% naman ng tantos underemployment.
Samantala, malaki naman ang dropout rate sa rehiyon batay sa datos ng Commission on Higher Education (CHEd). Sa Baguio, sa bawat 100 estudyanteng papasok ng elementarya sa Grade 1, 86 lamang ang aabot ng Grade 6, halos 64 lamang ang aabot sa Grade 10, at higit na mas mababa ang makakapasok ng kolehiyo.

Sa halip na magtuon sa karapatan ng mamamayan sa nakabubuhay na trabaho’t sweldo at sa libreng edukasyon, nakapokus si Duterte sa paghalik sa kamay ng mga imperyalistang bansa gaya ng US at Tsina. Ineengganyo ni Duterte ang kultura ng pamamaslang at kawalang-hustisya, isang kulturang nagiging bulag sa pamamaslang at paglabag sa karapatang tao ng mga durugista, tambay, pari, mamamahayag, aktibista, at ng masa.

Sige rin namang pakitang-gilas sa pagsunod ang Philippine National Police (PNP) kay Duterte at walang humpay ang pagsuporta ng mga pulitiko sa pinakahuling direktiba ng pangulo. Isa pa itong himod-sa-pwet na si Baguio City Mayor Mauricio Domogan na kuntodo suporta sa pag-aresto sa mga tambay sa siyudad ng Baguio. Animo’y naninikluhod ang mga tuta sa tuta rin namang pangulo sa paniniwalang hawak nila ang kapangyarihan.

Ngunit mali sila. Sa totoo lang, sawa na ang mamamayan sa mga satsat at kawalang-hiyaan ng pangulo. Kung nais niyang mawala ang mga tambay, magsimula siya sa sariling tahanan, sa Malacañang, at bumaba sa pwesto. Kung hindi, hindi mag-aatubili ang mamamayan – na siyang tunay na may tangan ng pinakamalakas na kapangyarihan – na hulihin ang tunay na tambay ng Malacanang at patalsikin sya sa pwesto. # nordis.net

Share

Leave a Reply