Poetry: Si Minyong, Si Elisa at ang Solidaridad

Ni RENE BOY ABIVA
www.nordis.net

Sa labis mong pagkamal ng dambu-dambuhalang tubo,
ang noo’y kulay rosas na dugo ni Minyong
ay sing-itim na ngayon ng ‘yong toyo.
Mas maitim pa sa dilim ng gabi.
Halimaw kang ‘alang kapares
ang bangis ng budhi.

‘Ala na rin ang matamis na pawis ni Elsa,
pilit ‘tong hinalinhan ng alat ng ‘yong patis.
Alat na higit sa kanyang pawis
palatandaan ng kanyang dekadang pagtitiis
sa pagawaang ang gaya ni Elsa’y mga tabla sa lagarian
na maya’t maya’y isinusungalngal
sa gahaman at matatalim mong ngipin
na gaya sa makinang pantistis.

Ang paghihirap ng gaya ni Minyong at Elsa’y nanunuot sa lalamunan
at kung gumapang paibaba sa sikmura
ay parang puputok ang puso at apdo
sa alat,
sa sakit
at sa pait!

Anong lupit mong umani ng yaman?!

At sadya ngang ‘di kayang lagumin ng ‘yong ketsap
ang pait sa kanilang buhay,
sapagkat sa paggawa palang nito’y
anong lupit na’t halos kanilang ikamatay.

At si Minyong at Elsa nga’y nagwelga.
Marami sila.
Sa welga nila papandayin ang natitirang pag-asa.
Sa welga nila itatanim ang asam na paglaya.
Sa welga lamang nila maaani ang bunga
ng kanilang pinag-isang bisig at kaluluwa.

Hanggang sa nakiisa ang mga maralita,
kabataan, propesyunal at magsasaka.
Higit na nag-alab ang barikada
at nagbabadya sa nakumpol nilang mainit na katawan
ang ‘sang bulkang nag-iipon ng lakas
at naghihintay ng tamang pagkakataon
upang pasabugin ang naipong himagsik at poot!

Ito ang solidaridad ng mga dinuhagi,
lahat ng bagay ay kanilang malilikha
lahat ng bagay ay kanilang malilikha!

Hunyo 19, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas

Share

Leave a Reply