Diaries from the field: Isang magsasakang edukador

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

Nagpunta ako sa isang pagtitipon ng magsasaka para makinig sa talakayan hinggil sa kasalukuyang problema ng manggagawang-bukid, manggagawa sa agrikultura at magsasaka sa bansa at sa Cagayan Valley. Dadaluhan ito ng mga lider mula sa iba’t ibang probinsya. Panauhin sa pagtitipon si Ka Daning Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, upang magtalakay kung ano na nga ba ang pagtingin at pagsusuri ng kilusang magsasaka sa rehimeng Duterte.

Pangunahing pwersa: Pagtatalakay ni Ka Daning Ramos sa tungkulin ng kilusang magsasaka sa pakikibaka para sa lupa at kapayapaan. 

Madalas ko siyang nakikita na nagsasalita sa mga rali sa Liwasang Bonifacio at Mendiola. Tanda ko ang matatas na pananagalog ni Ka Daning, malumanay na pagsasalita, malaman at diretso sa punto, ika nga e blow-by-blow dahil napapahiyaw at masigabo ang palakpakan ng nakikinig sa mga binibitiwan niyang salita. Siyempre, hindi ko makakalimutan ang iconic na bugkos ng palay na palagi niyang dala-dala sa entablado.

Nagsasalansan ako ng mga babasahin sa entrada ng session hall nang lumapit siya para magpakilala at humingi ng mga dyaryo. Nakita niya ang dyaryo sa aking plastik na portfolio at pati iyon ay nahiram niya. Naupo na siya sa harapan at tahimik na nagbasa. Napansin ko rin ang kanyang puting plastic bag na sukbit na animo’y parang grocery ang laman. Mukhang takot magutom si Ka Daning, ang biro ko sa sarili.

Maya-maya pa’y nagsimula na ang talakayan. Pagkatapos ng ilang pagpapakilala sa delegado sa pambungad na mensahe ay nagsimula na si Ka Daning na magtalakay.

Sinimulan niyang talakayin ang nilalaman ng dyaryo: ang pagpaslang kay Fr. Mark Ventura. Hinawakan niya ang dyaryo at ipinakita sa mga magsasaka. Sa ganitong paraan ay nakuha niya ang interes ng mga magsasaka dahil nagsimula siya sa usapin na pamilyar sa aming lahat. Sa kawikaan nga namin ay “malapit-sa-bituka”. Saka siya pumalaot sa pagpapalawig, idinugtong niya ang usapin sa pasismo, Martial Law, Oplan Tokhang at Kapayapaan tapos balik sa lokal na usapin. Nabilib ako sa transisyon niya sa pagtatalakay.

Habang gumugulong ang diskusyon ay doon ko napansin ang silbi ng kanyang grocery plastic bag; naglalaman pala iyon ng mga gagamitin niya sa talakayan. Nung nagtalakay siya sa pagsasamantala sa hacienda, nilabas niya mula sa plastik bag ang malaking mapa ng Pilipinas at sa likod ng mapa ay nakalista ang mga kilalang hacienda sa bansa kasama na ang Hacienda San Antonio-Sta. Isabel sa Ilagan City. Pagkatapos nito ay idinikit namin sa mesa ang mapa. Ilang sandali pa ay inilabas niya naman ang isang praymer hinggil sa GARB o Genuine Agrarian Reform Bill, isinunod ang polyeto ng KMP tungkol sa Martial Law sa Mindanao.

Hindi ko inaasahan na maglalabas rin siya ng literary folio ng KMP na pinamagatang Umani. Ginamit niya ito upang bumigkas ng kanyang likhang tula na nagsasalarawan ng paghihirap ng mga nangingibang-bayan. Nagpalakpakan ang mga magsasaka pagkatapos niyang tumula! Kahit ako ay nakisaliw sa matunog na koro ng palakpakan.

Naisanib ni Ka Daning ang kanyang sarili sa pakikibaka ng magsasaka at manggagawang-bukid sa Cagayan Valley. Hindi nag-atubili ang mga magsasaka na magtanong at malaman ang kanyang pagtingin sa mga usaping agraryo na kinakaharap namin.

Napaisip ako habang sinasambit niya ang mga kataga ng tula. Ganito pala kahusay ang isang edukador na napaunlad mula sa hanay ng magsasaka. Nasabik tuloy akong marinig magtalakay sina Ka Paeng at Ka Tonying. Buhay na halimbawa si Ka Daning ng paglalapat ng rebolusyonaryong prinsipyo ng pag-aaral na lagi kong sinasabi sa pagsisimula ng mga talakayan:

“Natututo ang mag-aaral sa instruktor
Ang instruktor ay natutuo sa kanyang mag-aaral,
At ang mga mag-aaral at natututo sa bawat isa.”

Liban sa handa siya ng mga datos, pinag-aralan ni Ka Daning kung paano mauunawaan nang mahusay ng kanyang tagapakinig ang mga iyon. Nakita ko ang kanyang pagsasaalang-alang sa kakayahang umunawa ng magsasaka. Simple ang paliwanag at nakalapat sa kongkretong kalagayan. Higit sa lahat siya ay magsasaka kaya alam niya ang kahirapan at pang-aapi na dinaranas ng kapwa niya magsasaka.

Ang buhay at tuluy-tuloy na praktika ang balon ng kanyang kaalaman. Ito ang salamin ng mayamang karanasan ni Ka Daning at malalim sa pag-unawa sa kalagayan ng bansa at ang siyensya ng pagbabago ng lipunan.

Sa gitna ng matinding pakikibaka nailuluwal ang kagaya niyang magsasakang edukador. Hindi magtatagal ay sisibol ang mga kagaya niya sa Cagayan Valley. # nordis.net

Share

Leave a Reply