Laban kontra dayuhang pagmimina sa Nueva Vizcaya, nagpapatuloy.

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya–Naglunsad ng talakayan hinggil sa dayuhang pagmimina ang maka-kalikasang grupo, sa pangunguna ng Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan (ANVIK) at Kalikasan Youth – Nueva Vizcaya, katuwang ang NVSU Center for Environmental Resources Management and Sustainable Development (CERMSD) at Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE) noong 7 Mayo sa NVSU Bayombong Campus.

Sa harap ng 150 tagapakinig mula sa hanay ng mag-aaral ng NVSU, Philippine Science High School Cagayan Valley Campus, taong simbahan at kinatawan ng gobyerno ay tinalakay ang kalagayan ng kalikasan ng probinsya at ang banta ng dalawang malaking dayuhang minahan.

Sa presentasyon ni Elmer Castañeto, direktor ng CERMSD, ang Nueva Vizcaya ay bahagi ng tatlong (3) sub-watershed ng Cagayan Valley tulad ng Upper Magat River Watershed, Addalam River Watershed at Upper Cagayan River Watershed na pinagmumulan ng sariwang tubig sa iba’t ibang probinsya at ilang bahagi ng Nueva Ecija at Pangasinan.

“Anong klaseng pag-unlad ba ang gusto natin? Pag-unlad para sa karamihan o pag-unlad para sa iilan lang?” pagdidiin ni Dr. Castañeto upang bigyang importansya ang pangangalaga sa likas-yaman para sa pakinabang ng mamamayan. Dagdag pa niya na hindi lamang ginto ang yaman ng Nueva Vizcaya kundi pati ang sariwang tubig nito.

“Mula 1997 hanggang 2015, 94% ng kita ng mga minahan ay mula sa pag-eeksport ng ating likas-yaman sa ibang bansa. Hukay nang hukay at nang-aagaw ng lupa ang mga minahan kapag mataas ang presyo ng mineral upang maabot ang pangangailangan ng pamilihan. At kapag mababa ay iniiwan at inaabandona naman ang mga minahan. Kaya malala ang pagkasira ng kalikasan kung export-oriented at profit-driven ang oryentasyon ng pagmimina sa bansa,” paliwanag ni Paul Christian Yang-ed mula sa KPNE.

Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang operasyon ng FCF Minerals at OceanaGold sa Nueva Vizcaya. Matatapos sa taong 2019 ang unang 25 taong Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OceanaGold.

Pro-people mining kontra responsible mining

Paliwanag ni Yang-ed hinggil sa mga katanungan sa “responsible mining”, sinabi niya na ginagamit lamang ng minahan ang Corporate Social Responsibility (CSR) bilang pantakip sa mapandambong at maka-dayuhang katangian ng pagmimina sa bansa. Katiting ito kumpara sa kinikita taun-taon ng malalaking minahan kapalit ng malalang pagkasira ng kalikasan at pagkakawatak-watak ng mga mamamayan at katutubo sa apektadong lugar ng pagmimina. Ayon sa datos na nakalap ng Kalikasan ay 0.75% hanggang 6% lamang mula sa net profit ng minahan ang napupunta sa kanilang CSR.

“Ang kailangan natin ay isang pro-people mining policy na sasagot sa ating pangangailangan sa mineral para sa sariling industriya. Sa kasalukuyang kaayusan tayo ang bumabalikat sa pagkasira ng kalikasan habang binibili natin sa mahal na halaga ang mga produktong nalikha mula sa ating sariling yamang mineral. Tanging sa pagtatayo lamang ng pambansang industriya matalinong magagamit ng mamamayan ang mineral para sa kapakinabangan ng buong bansa.# nordis.net

Share

Leave a Reply